2025
3 Bagay na Itatanong sa Iyong Sarili sa Oras ng Pangkalahatang Kumperensya sa Katapusan ng Linggo
Setyembre 2025


Mula sa Lingguhang YA

3 Bagay na Itatanong sa Iyong Sarili sa Oras ng Pangkalahatang Kumperensya sa Katapusan ng Linggo

Ang mga tanong na ito ay maaaring makatulong sa iyo na magtuon sa sasabihin ng Diyos sa iyo.

isang dalagang nakaupo sa sofa at nagsusulat sa isang notebook

Bilang mga disipulo ni Jesucristo at mga miyembro ng Kanyang Simbahan, maaari nating mahanap ang mga sagot sa taos-pusong mga tanong natin sa oras ng pangkalahatang kumperensya.

Maraming beses na itong nangyari sa akin!

Gayunman, may mga pagkakataon din na hindi ako sigurado kung anong mga bagay ang itatanong o kung paano mas personal na madarama ang kumperensya.

Mahalagang ihanda ang ating isipan, puso, at tahanan sa pakikinig sa ating mga pinuno sa sagradong katapusan ng linggong ito, pero paano kung hindi tayo sigurado kung anong mga bagay ang itatanong?

Kung magkagayon, narito ang tatlong mungkahi na maaaring makatulong sa iyo na mahanap ang patnubay na hinahangad mo:

1. Ano ang Ginagawa Ko nang Maayos?

Habang papalapit ang kumperensya, maaaring madaling magtuon sa ginagawa mong hindi tama. Pero hindi dapat makapanghina-ng-loob mo ang mga mensahe mula sa mga pinuno ng Simbahan—nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mapalakas ng mga iyon ang loob mo. Ang mga mensaheng ito ay maaaring makatulong sa iyo na makita ang iyong mga kakayahan, mapatatag ka ng mga ito, at patuloy na maghatid ng liwanag ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

Itinuro kamakailan ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang hangarin ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama ay ang inyong kaligayahan, dito mismo, ngayon mismo, at sa mga kawalang-hanggan. Hindi nito layunin [na] hadlangan ang inyong kaligayahan at magdulot sa inyo ng pag-aalala at pangamba.”

Ano ang ginagawa mo na maayos? Ano ang naghahatid sa iyo ng kagalakan? Paano ka naghahatid ng kagalakan sa iba?

Isipin kung paano mo tinutupad ang mga responsibilidad mo sa iyong tungkulin, kahit kulang ang oras mo. May hangarin ka sigurong gumugol ng oras sa mga banal na kasulatan, kahit hindi palagian ang iyong pag-aaral. Marahil ay nakakatulong ang pagsisisi araw-araw para maunawaan mo ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at kung paano ka Niya tinutulungang “unti-unting umunlad” (Mosias 21:16). O kamakailan siguro ay pinagpasensyahan mo ang isang taong hindi naging mabait sa iyo.

Mas mabuti ang ginagawa mo kaysa inaakala mo, kaibigan.

Laging may puwang para sa paglago at pag-unlad, pero habang nakikinig ka sa buong Sabado’t Linggo, magtuon sa iyong mga kalakasan at kung paano mo magagamit ang iyong kabutihan, iyong mga talento, at iyong mga kakayahan para pagpalain ang iba at patuloy na maging katulad ng Tagapagligtas.

2. Ano ang Maaari Kong Idagdag at Ano ang Maaari Kong Alisin sa Buhay Ko?

Ang pakikinig sa mga oras ng paanyaya at pag-iisip kung paano ipamuhay ang lahat ng iyon ay maaaring medyo mahirap. Gayunman, hindi hinihiling sa iyo ng ating mga pinuno na gawin ang lahat ng pagbabagong ito nang sabay-sabay.

Sa katunayan, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pagsisisi! Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nag-aanyaya ang Kanyang ebanghelyo na patuloy na magbago, lumago, at maging mas dalisay. Ito ay isang ebanghelyo ng pag-asa, ng paggaling, at ng pag-unlad. Sa gayon, ang ebanghelyo ay isang mensahe ng kagalakan! Nagagalak ang ating espiritu sa bawat maliit na pasulong na hakbang na ginagawa natin.”

Kapag nakikinig sa mga mensahe sa kumperensya, isiping magtuon sa kabutihang maidaragdag mo at sa maaari mong simulang alisin sa iyong buhay, sa paisa-isang hakbang. Gusto mo sigurong bawasan ang paggugol ng oras sa social media at gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. O gusto mo sigurong gumugol ng mas maraming oras sa templo at magbawas ng oras sa pag-upo sa sofa sa bahay.

Kapag nagdasal ka at humingi ng patnubay at tulong sa Ama sa Langit, ipapakita Niya sa iyo kung paano simulang gawin ang maliliit at mga simpleng hakbang na ito na hahantong sa malaking pagbabago at, sa bandang huli, sa higit na kagalakan.

3. Ano ang Nais ng Ama sa Langit na Malaman Ko Ngayon Mismo?

Kung minsa’y nais nating bigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga tagubilin na paisa-isang hakbang para sa bawat desisyong kailangan nating gawin. Mas maraming nalalaman ang Ama sa Langit kaysa sa atin, at kabilang diyan ang mga hangarin ng ating puso at ang mga himalang hinahangad natin. Sa katapusan ng linggong ito sa kumperensya, sa halip na humingi ng detalyadong plano, siguro’y maaari kang magtuon sa pinakamahalagang bagay na nais Niyang malaman mo ngayon mismo.

Pansinin ang mga salita, parirala, at temang naririnig sa bawat sesyon. Isulat ang mga iyon at humingi ng tulong sa panalangin na matukoy ang nais Niyang sabihin sa iyo.

Tulad ng paalala ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga young adult kamakailan: “Hinihikayat ko kayong maniwala na talagang mas gaganda ang inyong buhay kung aasa kayo sa Diyos na gabayan ang inyong mga hakbang. Alam Niya ang mga bagay na imposible ninyong malaman, at inihanda Niya para sa inyo ang isang hinaharap na hindi ninyo sukat akalain.”

Anumang mga tanong ang dalhin mo sa pangkalahatang kumperensya, dapat mong malaman na nais ng Ama sa Langit na mangusap sa iyo. Kung ibibigay mo sa Kanya ang iyong oras, puso, at taos-pusong pansin, maaari kang magulat sa mga mensahe Niya para sa iyo!