Mag-uugnay-ugnay ang mga Pangyayari
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Pebrero 2, 2025
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, hatid ko sa inyo ang pagmamahal at pagpapala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Masaya ako na makasama kayo at lubos akong nagpapasalamat na nagkaroon tayo ng pagkakataong mapakinggan ang aking asawa.
Si Harriet ang aking pinakamamahal sa buhay. Lahat ng nakakakilala sa kanya ay mahal siya. Pinasasaya niya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Gayon din ang impluwensya niya sa akin.
Ang Panahon ng mga Madaliang Sagot
Tulad ng narinig ninyo kay Sister Uchtdorf, napakabata pa namin nang magpakasal. Ngayon, pagkatapos ng maraming taon, nagpapasalamat ako sa bawat sandaling kasama ko si Harriet.
Sa paglipas ng panahon, nalaman ko na marami sa aming mga nakatatandang henerasyon ay may mga tanong tungkol sa buhay na katulad din ng sa inyo—kaya lang mas matagal na naming itinatanong ang mga iyon. Mga tanong na gaya ng:
Nasa tamang landas ba ako?
Napapansin ba talaga ako ng Diyos? Nagmamalasakit ba Siya?
Bakit kung minsan pakiramdam ko ay wala akong kabuluhan, nabibigatan, nakakaligtaan, o nalulungkot?
Bakit hindi ibinigay ng Diyos ang himalang kailangang-kailangan ko?
Bakit hinayaan Niyang danasin ko ang kalungkutan, karamdaman, o trahedyang ito?
Ang mga ito ay mahirap na mga tanong sa anumang edad.
Ang mga tanong na tulad nito ay talagang nakakadismaya kapag hindi tayo nakakakuha kaagad ng mga sagot. Sa ngayon, maaari nating tanungin ang Google sa halos anumang bagay at makakakuha ng mga sagot sa ilang segundo.
Subalit ang mga sagot sa ating pinakapersonal, mahalaga, at makabuluhang mga tanong ay hindi laging mabilis na dumarating. Kadalasan, nagsusumamo tayo sa langit at tila ang napapala lang natin ay isang umiikot na “wait cursor.”
Ayaw nating maghintay, di ba?
Kapag mas matagal tayong naghihintay na lumabas ang hinahanap natin sa internet, inaakala natin na wala o sira ang koneksyon. Sa ating pagkayamot, baka hindi na natin ituloy ang paghahanap. Ngunit kapag mga tanong na pangwalang-hanggan na ang hinahanapan natin ng sagot, dapat matiyaga tayo.
Hindi lahat ng sagot ay magkakapareho ng halaga. Ang mga sagot na galing sa makamundong isipan o mula sa opinyon na gusto ng karamihan ay madaling dumating, ngunit madali ring mawalan ng kabuluhan sa sandaling may bago na namang lumitaw na teoriya o uso. Ang mga sagot ng langit—mga sagot na pangwalang-hanggan—ay walang kapantay. Para matanggap ang mga sagot na ito, kadalasa’y nangangailangan ito ng sakripisyo, pagsisikap, at paulit-ulit na pagdarasal.
Ngunit tinitiyak ko sa inyo, sulit ang paghihintay sa mga sagot na ito.
Kung may mga tanong kayo na hindi pa nasasagot, pinatototohanan ko sa inyo nang taimtim na naririnig kayo ng inyong Ama sa Langit, kilala Niya kayo, at hindi Niya kayo kailanman susukuan. Kaya huwag din natin Siyang sukuan. Patuloy na sikaping sundin ang Kanyang landas at “aakayin [Niya] kayo” upang makahanap ng mga sagot na may sapat na patnubay para patuloy na makatahak sa tamang direksiyon—nang hindi nililimitahan ang inyong pag-unlad o mga pagkakataong manampalataya o paggamit ng inyong kalayaang moral.
Pag-uugnay ng mga Pangyayari
Si Steve Jobs, cofounder ng Apple, ay minsang nagsabi: “Hindi ninyo mauunawaan ang mga mangyayari sa inyo sa hinaharap. Magkakaroon lamang ng katuturan ito matapos itong mangyari kapag ginunita ninyo ito. Kaya kailangan ninyong magtiwala na kahit paano ay magkakaroon ng katuturan ang mga nangyayari sa inyo sa hinaharap.”
Ano ang ibig niyang sabihin diyan? Marahil ay nakakita na kayo ng mga painting na binuo sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tuldok sa mga canvas gamit ang maliliit na batik-batik na kulay. Sa malapitan, makikita ninyo ang mga tuldok na tila hindi magkakakonekta at hindi planado. Ngunit kapag tiningnan ninyo ang buong painting, makikita ninyo kung paano naghahalo ang mga tuldok sa mga kulay at kung paano bumubuo ng mga hugis ang mga kulay kalaunan na nagpapakita ng isang magandang painting. Ang dating tila walang direksyon at magulo ay nagkakaroon na ng katuturan.
Kung minsan ang ating buhay ay parang katulad ng mga painting na ito. Ang mga tuldok na bumubuo sa mga karanasan sa buhay ay maaaring mukhang hindi magkakakonekta at magulo paminsan-minsan. Wala tayong nakikitang kaayusan sa mga ito. Hindi natin maisip kung may layunin pa nga ito.
Gayunman, kapag tiningnan ninyo ang inyong buhay mula sa walang-hanggang pananaw ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari sa ating buhay sa dakilang plano ng Diyos para sa inyo.
At kapag sinikap ninyong magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanyang Anak na si Jesucristo, makikita ninyo balang araw ang natapos na disenyo, at malalaman ninyo na ang Dalubhasang Pintor ay may plano para sa mga kalat-kalat na tuldok na iyon. Makikita ninyo na inihahanda Niya kayo para sa mga oportunidad at posibilidad na mas maluwalhati kaysa maiisip o magagawa ninyo nang mag-isa. Nakita ko na ito mismo sa sarili kong buhay.
Ang Aking Pakikipagsapalaran sa Mortalidad
Maaaring alam ng ilan sa inyo na noong bata pa ako, dalawang beses na naging refugee ang pamilya ko. Sa dalawang okasyong ito, naging malinaw na ang tingin sa amin ng ibang tao ay “nakabababa kami kaysa sa kanila.” Sa mga batang kaedad ko, hindi ako nabibilang sa kanila dahil sa aking punto, at kinutya at pinagtawanan nila ako dahil dito.
Mahirap para sa aking mga magulang na itaguyod ang aming pamilya. Kaya, nagsimula ng laundry business ang aking ina, lahat ay tumulong, at gamit ang aking bisikleta at kariton, ako naman ang “home delivery specialist” sa negosyong iyon pagkagaling sa eskwela.
Ang hirap at pagod na dulot ng pabagu-bagong tirahan ang naging dahilan para mapag-iwanan ako sa pag-aaral at isang buong taon na hindi nakapag-aral.
Sa East Germany, natuto ako ng Russian bilang pangalawang wika. Mahirap, pero kinaya ko. Ngayon sa West Germany, kinailangan kong matuto ng Ingles.
Imposible iyon para sa akin! Pakiramdam ko hindi talaga para sa wikang Ingles ang bibig ko.
Noong tinedyer ako, nagka-crush ako sa isang kahanga-hangang babae na may maganda at malaking brown na mga mata. Sa kasamaang-palad, tila hindi interesado si Harriet sa akin. Anuman ang gawin ko, tila hindi ako magkaroon ng pagkakataon. Narinig naman ninyo ang kanyang panig.
Kaya hayun ako, isang medyo walang halaga at nagpupunyaging binatilyo na nabubuhay pagkaraan ng digmaan sa Germany na tila walang gaanong pagkakataong magtagumpay sa buhay.
Gayunman, may dalawang bagay na nakabuti sa akin.
Sigurado ako na mahal ako ng aking pamilya. Sa eskuwela at sa simbahan may mga gurong naghikayat sa akin na laging taasan ang aking mga mithiin at huwag sumuko. Naaalala ko pa noong itinuro ng isang batang Amerikanong missionary, “Kung ang Diyos ay kakampi [ninyo], sino ang laban sa [inyo]? At “sa Diyos ang lahat ng bagay ay posible.”
May isang bagay tungkol sa mga banal na kasulatan na ito na tumimo nang malalim sa akin. Kung gayon nga, naisip ko, bakit ako mangangamba?
Kaya, naniwala ako. At nagtiwala sa Diyos.
Noon ay nasa isang apprenticeship program ako. Isa sa mga guro ko ang naghikayat sa akin na mag-aral ako ng mechanical engineering sa gabi. Dahil dito natuklasan ko ang hilig ko sa aviation!
Nagulat ako nang malaman ko na para maging piloto, kailangan kong matuto ng Ingles. Pero gusto ko talagang maging piloto, at halos mahimalang nagbago ang bibig ko, at hindi na imposible sa akin na matutong magsalita ng Ingles.
Syempre, hindi ibig sabihin niyan na palaging magiging maayos ang mga bagay-bagay.
Noong 19-na-taong-gulang ako, nagpunta ako sa San Antonio, Texas, para simulan ang pilot training ko sa Air Force. Sa eroplano, naupo ako sa tabi ng isang lalaking matigas ang puntong Texan. Natuklasan ko na ang wikang pinagsisikapan kong matutuhan ay talagang hindi katulad ng Ingles na sinasalita nila sa Texas!
Sa pilot training school, mahirap din ang mga bagay-bagay. Matindi ang kumpetisyon sa kursong iyon dahil lahat ay gustong manguna sa magsisipagtapos. Agad kong natanto na mahihirapan akong magtagumpay dahil karamihan sa mga kaklase ko ay katutubong Ingles ang wika.
Binalaan ako ng mga flight instructor ko tungkol sa isa pang maaaring maging problema—maraming oras ang ginugugol ko sa simbahan. Masaya akong tinanggap ng mga miyembro doon sa kanilang branch at sa kanilang tahanan, at magkakasama pa kaming nagtayo ng chapel noong panahon ko sa Big Spring, Texas. Nag-aalala ang aking mga instructor na baka makasira ang mga aktibidad na ito sa pagkakataon kong makakuha ng mataas na marka sa klase. Palagay ko naman ay hindi. Kaya nagtiwala ako sa Diyos at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko.
Kalaunan, natuto ako ng Ingles (bagama’t hanggang ngayon pinag-aaralan ko pa rin ito). Matagumpay kong natapos ang aking pilot training. Naging fighter pilot ako at kalaunan ay airline captain. At ang magandang babaeng iyon na kulay-brown ang mga mata at pangarap kong mapangasawa? Kasama ko siya rito mismo.
Maging Masigasig sa Maliliit na Bagay
Kaya hangga’t hindi nakikita ang buong larawan, huwag magpadaig sa malalaki at mahihirap na gawain sa buhay. Tandaan na ang malalaking bagay ay binubuo ng maliliit na bagay. Kung nangako kayong gawin ang “maliliit at mga karaniwang bagay,” na ipinagagawa sa inyo ng Diyos—at gagawin ito nang masigasig hanggang kaya ninyo, susunod na ang malalaking bagay.
Kabilang sa ilan sa “maliliit at mga karaniwang bagay” na ito ang pagdarasal nang mataimtim araw-araw, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paggawang bahagi ng inyong karaniwang ginagawa ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at Para sa Lakas ng mga Kabataan, pamumuhay ayon sa Word of Wisdom, pagsisimba, pagbabayad ng ikapu at mga handog, at pagtitiyak na mayroon kayong current temple recommend.
Gawin ang mga bagay na ito kahit ayaw ninyo, kahit na nangangailangan ito ng sakripisyo. Ang sakripisyo ang dahilan kung bakit sagrado ang mga ito, at “biyaya’y bunga ng pagpapakasakit.”
Sa madaling salita, ang “maliliit at mga karaniwang” sakripisyo ninyo ay ang mga tuldok ng araw-araw na pamumuhay na bumubuo ng isang obra-maestra ng inyong buhay. Maaaring hindi pa ninyo makita ang pagkakaugnay ng mga tuldok sa ngayon, dahil hindi pa naman ninyo kailangan. Magkaroon lang ng sapat na pananampalataya sa kasalukuyan. Magtiwala sa Diyos, at “mula sa maliliit na bagay [ay darating] ang yaong dakila.”
Magtiwala sa Diyos
Noong kaedad ninyo ako, hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng buhay ko. Wala talaga akong nakitang anumang pagkakaugnay sa mga nangyayari sa akin.
Ngunit nagtiwala ako sa Diyos. Naniniwala ako na kung gagawin ko ang lahat ng makakaya ko sa sandaling iyon, ang Diyos na ang bahala sa lahat.
At ginawa nga Niya iyon.
Alam Niya ang katapusan sa simula pa lang samantalang ako ay hindi.
Hindi ko makita ang hinaharap, pero nakikita Niya.
Kahit sa mga oras ng paghihirap, nang akalain ko na ako’y pinabayaan, kasama ko Siya—nauunawaan ko na iyan ngayon.
Sa Mga Kawikaan, makikita natin ang pangakong ito: “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”
Hinihikayat ko kayong maniwala na talagang mas gaganda ang inyong buhay kung aasa kayo sa Diyos na gabayan ang inyong mga hakbang. Alam Niya ang mga bagay na imposible ninyong malaman, at inihanda Niya para sa inyo ang isang hinaharap na hindi ninyo sukat akalain. Pinatotohanan ni Apostol Pablo, “Hindi nakita ng mata, … hindi narinig ng tainga, [hindi] naunawaan ng isip [ang] inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
Kaya itanong sa inyong sarili, “Magkakaroon ba ako ng sapat na pananampalataya na manalig sa Diyos? Handa ba akong magtiwala na mahal Niya ako at nais Niya akong patnubayan sa aking landas?”
Kung makakahanap kayo ng pananampalataya na kahit kasinglaki lang ng butil ng mustasa sa inyong puso–kahit ito ay pagnanais lamang na maniwala—magsimula kayo roon.
Alam ng Diyos kung paano gawing malalaking puno ang maliliit na buto. Gawin ang maliliit at mga karaniwang bagay, at ang Diyos ay “pararamihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon at kayo’y pagpapalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!”
Mananagot Tayo sa Diyos
Hindi ninyo kailangang lumayo sa kultura ngayon para marinig ang magkakasalungat na tinig na nagpapahina ng loob o nanunuya pa nga sa pananalig sa Diyos sa pangkahalatan at lalo na sa ating relihiyon.
Pinapalakas ng social media ang mga tinig na iyon.
Ngunit hindi lang kayo ang henerasyon na ang pananampalataya sa Diyos ay sinubok at kinutya. Tila bahagi na ito ng pagsubok sa lahat ng anak ng Diyos sa mundo.
“Kung kayo’y taga-sanlibutan” sabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo’y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko mula sa sanlibutan kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.”
Makabubuting tanggapin ninyo na sa sandaling mangako kayo na susundin ang Tagapagligtas, ang mga taong nasa malaki at maluwang na gusali ay hindi sasang-ayon—nang hayagan pa kung minsan. Maaaring tangkain nilang pagmalupitan at ipahiya kayo.
Ngunit tandaan na hindi kayo mananagot sa kanila. Mananagot kayo sa Diyos. Balang araw, tatayo kayo sa Kanyang harapan at mag-uulat ng inyong buhay.
Itatanong Niya kung sinunod ninyo ang Tagapagligtas, kung minahal ninyo ang inyong kapwa, kung taimtim kayong nagsikap na manatili sa landas ng pagkadisipulo at igalang ang inyong mga tipan.
Mahal kong mga kaibigan, panahon na para maging tapat kay Cristo at sundan ang Kanyang landas.
Balang-araw, lahat ng anak ng Diyos ay luluhod at magtatapat na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Malalaman nila na Siya ay namatay para sa kanila.
Sa araw na iyon mauunawaan na Siya lamang ang tinig na talagang mahalaga.
Hindi Mahalaga
Ngayon, sa sinasabi natin na hayaang ang Diyos na ang gumabay sa ating buhay, may gusto akong ipaliwanag. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang sasabihin ko sa inyo. Kapag humingi kayo ng patnubay sa Diyos tungkol sa mga desisyon ninyo sa buhay—pati na ang mahahalagang desisyon—maaaring hindi Niya kayo bigyan ng detalyadong sagot.
Ang totoo ay dahil kung minsan hindi mahalaga sa Panginoon kung ano ang desisyon ninyo hangga’t nananatili kayong tapat sa mga pangunahing tipan at alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
May mga pagkakataon na ang Diyos ay may tiyak na landas na nais Niyang tahakin ninyo. May mga pagkakataon din na babalaan Niya kayo sa ilang desisyon dahil sa mga panganib na hindi ninyo nakikinita. Ngunit may mga pagkakataon na ang isang tanong ay may maraming “tama” na sagot, at maaari kayong makahanap ng kagalakan sa alinman sa mga ito hangga’t namumuhay kayo ayon sa mga walang hanggang katotohanan ng Diyos.
Nang nangyari ito kay Joseph Smith at sa kanyang mga kasama, nagbigay ang Panginoon ng magandang sagot nang hingin nila ang Kanyang patnubay. Sinabi niya, “Hindi ito mahalaga [sa akin].”
Pagkatapos ay idinagdag Niya, “Maging matapat lamang.”
Marahil nakakalungkot marinig na hindi ibibigay sa inyo ng Diyos ang detalyadong gagawin ninyo sa inyong paglalakbay sa buhay. Ngunit gusto ba ninyo na sinasabihan kayo ng gagawin sa bawat detalye ng inyong buhay?
Gusto ba ninyo ng cheat codes sa buhay bago kayo magkaroon ng pagkakataon na malaman ang mga bagay-bagay? Anong uri ng pakikipagsapalaran iyan? Hindi ba’t aalisin niyan sa inyo ang pakiramdam na may nagawa kayo? Paano ninyo mapapaunlad at mapapalakas ang inyong tiwala sa Panginoon at sa inyong sarili?
Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama.”
Ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit ang Kanyang plano, ang Kanyang Daan. Ipinakita Niya sa inyo ang pangkalahatang plano ng nais Niyang gawin natin. At binigyan Niya kayo ng utak at puso. Kung magtitiwala kayo sa Kanya, tutulungan Niya kayo na parehong magamit ang mga ito nang tama sa inyong pagpapasiya. Nagtitiwala Siya sa inyo na gagawin ninyo ang pinakamagagandang desisyon sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.
Sa maraming pagkakataon, ang mga desisyong ginawa ninyo nang panahong iyon ay maaaring hindi kasing halaga ng gagawin ninyo matapos kayong magdesisyon.
Halimbawa, maaaring piliing magpakasal ng dalawang tao kahit iniisip ng ilang miyembro ng pamilya na hindi sila bagay sa isa’t isa. Gayunpaman, malaki ang pag-asang nakikita ko para sa mag-asawang iyon kung, matapos makapagpasiya, ay nanatili silang lubos na tapat sa isa’t isa at sa Panginoon nang buong puso at isip. Dahil pinakitunguhan nila ang isa’t isa nang may pagmamahal at kabutihan, at pinagtuunan ang emosyonal, espirituwal, at temporal na pangangailangan ng isa’t isa—at sa patuloy na paggawa ng “maliliit” na bagay—sila ay naging perpektong mag-asawa para sa lahat.
Kabaligtaran nito, isaalang-alang ang mag-asawa na iniisip ng lahat ng tao na napili nila ang “perpektong” tao para sa kanila pero inaakala na nagawa na nila ang mahirap na bahagi. Kung ihihinto na nila ang pagsusuyuan, hindi na mag-uusap, kalilimutan ang kanilang mga sagradong tipan, at mamumuhay na sarili lamang ang iniisip, ang mag-asawang ito ay tumatahak sa landas na humahantong sa pagdurusa at panghihinayang.
Ganyan din ang nangyayari sa pagpili ng trabaho. Malaki ang pag-asang nakikita ko sa mga marahil ay pumipili ng trabahong hindi gaanong prestihiyoso ngunit ginagawa ang lahat ng makakaya at naghahanap ng mga paraan na magagamit nila ang kanilang trabaho para luwalhatiin ang Diyos at pagpalain ang Kanyang mga anak.
Hindi na ako gaanong umaasa sa mga taong pumipili ng mga trabahong kahanga-hanga ngunit, sa paggawa nito, nawawalan ng pokus sa kanilang banal na pagkatao at sa kabutihang magagawa nila sa paglilingkod sa Diyos at gayon din sa Kanyang mga anak.
Naghanda ang Diyos ng mga walang hanggang pagpapala na hindi ninyo mawawari. Para matulungan kayong matanggap ang mga ito, binigyan Niya kayo ng mga kautusan, sagradong tipan, inspiradong payo ng propeta, kaloob na Espiritu Santo, at kalayaang moral. Sapat na ito para lumigaya kayo sa mundo at sa kawalang-hanggan. Sa kabila niyan, huwag malungkot kung nakagawa kayo ng desisyon na hindi gaanong perpekto. Sa ganyang paraan kayo matututo. Bahagi iyan ng pakikipagsapalaran!
Walang pakikipagsapalaran na walang hirap mula sa simula hanggang matapos. Ang buhay ninyo ay magkakaroon ng tagumpay at kabiguan. Ngunit kung kayo ay tapat kay Jesucristo, ituturing ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo bilang kaloob na pagmamahal at pagsisisi sa pagtanggap nito, makatitiyak kayo ng masasayang wakas.
Maaaring hindi pa ninyo makita sa ngayon, ngunit magugunita ninyo ang nakaraan at malalaman na hindi kayo pinabayaan ng Panginoon, bagama’t hinayaan Niya kayo na gawin ang maraming desisyon para sa inyong sarili. Makikita ninyo na nagkaugnay-ugnay ang mga pangyayari.
Limang Bagay na Dapat Tandaan
Kaya, ano ang inaasahan kong maaalala ninyo mula sa oras na nagkasama tayo ngayon?
Una, malaman na ang mga sagot ng Diyos sa mahahalaga ninyong tanong ay maaaring mangailangan pa ng kaunting panahon, at darating ang mga ito sa paraang hindi ninyo inaasahan. Ang mga sagot ng Diyos ay walang hanggan ang kahalagahan. Ang mga ito ay nararapat hintayin.
Pangalawa, huwag magpadaig habang tinatahak ninyo ang landas ng pagiging disipulo. Gawin lang ninyo ang lahat ng makakaya ninyo sa maliliit na bagay, at ang malalaking bagay ay mailalagay sa ayos.
Pangatlo, manampalataya. Maniwala na mahalaga kayo sa Diyos, na nakikita Niya ang hindi ninyo nakikita, at aakayin Niya kayo sa tamang landas. Mahal Niya kayo. Magtiwala sa Kanya.
Pang-apat, huwag hayaang ilihis kayo ng mga tinig na nagpapahina ng loob mula sa inyong landas ng pananampalataya. Tandaan, hindi kayo mananagot sa mga kritiko. Mananagot kayo sa inyong Ama sa Langit. Mahalaga ang Kanyang mga pamantayan.
Panlima, hingin ang patnubay ng Panginoon, at kapag sinabi Niyang, “Hindi ito mahalaga,” gumawa ng pinakamagagandang desisyon na maaari ninyong gawin batay sa mga katotohanang alam ninyo. Pagkatapos ay “maging tapat.”
Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas sa simula ng bagong taon na ito na kapag taimtim ninyong sinikap na makilala ang inyong Ama sa Langit, sumunod kay Jesucristo, at tinupad ang Kanyang mga tipan, lalakas ang inyong pananampalataya.
Ang inyong tiwala ay madaragdagan kapag sinikap ninyong sundin ang inyong Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo.
Kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan, makakatagpo kayo ng kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan! At balang araw, yayakapin Niya kayo nang may banal na pagmamahal.
Sa hindi masambit na pasasalamat, makikita ninyo na ang Diyos mismo, sa Kanyang saganang pagmamahal, biyaya, at habag, ay laging nariyan, binabantayan kayo, pinagpapala kayo, at naghahanda ng lugar para sa inyo.
Pinatototohanan ko ito at ibinibigay ko ang aking basbas, sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.