Mga Debosyonal sa 2025
Magtiwala sa Diyos


9:58

Magtiwala sa Diyos

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Pebrero 2, 2025

Mahal kong mga kapatid, mga kabataang kaibigan, dama ko ang pagmamahal sa inyo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang ganda ninyong pagmasdan. Ang gaganda ninyo. Sana’y mayakap ko ang bawat isa sa inyo.

Ikinalulugod kong makasama kayo ngayon. Gusto ko rin na kasama kong narito ang paborito kong Apostol. Alam ko na dapat ay wala tayong mga paborito, pero sa kaso ko, parang OK lang ito. Kasal ako sa kanya.

Kamakailan lang, ipinagdiwang namin ang ika-62 anibersaryo ng aming kasal. At mahal pa rin namin ang isa’t isa!

Ito ay bunga ng ebanghelyo! Sa pagtanggap namin ng mga mensahe ng pagbati at pagmamahal mula sa aming mga apo at mga apo-sa-tuhod, ramdam naming napakahalaga ng mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan at ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa inyong mga wala pang asawa, diborsiyado, o may hamong kinakaharap sa pamilya, pinatototohanan ko sa inyo na kilala at mahal kayo ng Diyos, at kapag nanatili kayong tapat sa inyong mga tipan, hindi ipagkakait sa inyo ang galak ng pagkakaroon ng pamilya. Hindi ko alam kung paano ito mangyayari, ngunit alam ko na ang biyaya, awa, at pag-ibig ng Panginoon, ay sapat para sa ating lahat. Gagawin Niya ito ayon sa Kanyang paraan at Kanyang panahon.

Kapag minamasdan ko kayo at dinarama ko ang inyong kakayahang magbahagi ng kabutihan at lakas, naaalala ko ang isang espesyal na panahon nang magkasama kaming lumaki ni Dieter sa iisang branch sa Frankfurt, Germany.

Alam kong crush niya ako noon, pero hindi naman ako interesado sa kanya. Mabait siya pero bilang isa lang sa mga kaibigan ko sa Simbahan. Natuto kaming magkasamang sumayaw sa mga aktibidad sa Simbahan. Panahon noon ng foxtrot, boogie-woogie, at rock and roll.

Nang sumali siya sa Air Force para maging fighter pilot, hindi ko siya nakita nang halos dalawang taon. Sa totoo lang, nang umuwi siya sa Frankfurt, hindi masyadong maganda ang impresyon ko sa kanya. Kamukha niya ang mga lalaking sobra ang kumpiyansa sa sarili sa pelikulang Top Gun.

Pero nang kausapin niya ako, napahanga ako; malaki ang ipinagbago niya matapos ang dalawang taong iyon. Alam niya ang gusto niyang gawin sa buhay, at matatag siya sa ebanghelyo. Napakamasigasig niya at madiskarte sa kanyang panliligaw. Makalipas ang ilang buwan, ikinasal kami.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, hindi ko kailanman pinagsisihan na ikunsidera na makipag-date sa kanya, kahit hindi ako sigurado noong una.

Si Dieter ang pinakamamahal ko sa buhay at ang napakabuting ama ng aming mga anak at lolo ng aming mga apo.

Parang nasisimulan ko na yata ang nais kong talakayin nang detalyado sa inyo.

Noong 12 taong gulang ako, namatay ang aking ama sa sakit na kanser. Sa pagkamatay niya, napuno ng kalungkutan, pagdurusa, at kawalan ng pag-asa ang aming tahanan.

Tila wala o walang sinumang makakaalo sa aking ina o sa amin na kanyang mga anak. Pero, hindi pala! Ang ating Ama sa Langit, sa Kanyang dakilang pagmamahal, ay hindi kami kinalimutan.

Walong buwan pagkamatay ng aking ama, dalawang Amerikanong missionary ang kumatok sa pinto namin sa Frankfurt. Ang dalawang missionary na iyon, sa patnubay ng Espiritu, ay nag-iwan ng Aklat ni Mormon sa aking ina. Mahal ko ang Aklat ni Mormon.

Ang mga missionary na ito ang nagdala sa amin ng mga sagot ng Diyos. Ang mensahe ng plano ng kaligtasan, ang plano ng kaligayahan, ay napakaganda at nakaaantig. Ibinalik nito ang pag-asa at liwanag sa aming tahanan. Sa pagtanggap namin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, ang aming pighati, kawalan ng pag-asa at kalungkutan ay napawi.

Sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, napawi ang kadiliman sa aming pamilya, dahil hindi maaaring magsabay na umiral ang liwanag at kadiliman sa iisang lugar.

Ang dalawang missionary na ito ay dalawang mababait na binata. Para sa amin, sila ay dalawang anghel ng kaluwalhatian na isinugo ng Diyos.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, nilikha rin kayo sa ganitong banal na katangian! Kayo ang mga pinili sa ating panahon, na sa pamamagitan ng inyong salita at gawa ay itinuturo at isinasabuhay ninyo ang mensahe ng ebanghelyo saanman kayo naroroon. Dahil sa layuning ito, inilagay kayo sa inyong lungsod, sa inyong eskwelahan o trabaho, sa inyong pamilya. Tandaan ninyo na may potensiyal kayong maging mga anghel ng kaluwalhatian sa mga taong malapit sa inyo.

Kayo ay mga kinatawan ng Simbahan ni Jesucristo, at kayo ay mahuhusay na lider sa pagpapahayag ng mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng inyong mabuting pamumuhay at matatag na patotoo.

Ang lider ay isang taong tumutulong sa iba na makita, madama, at matagpuan ang tamang daan. Mahal kong mga kaibigan, tulungan ang isa’t isa na mahanap ang tamang daan at manatiling malalim ang pundasyon sa Simbahan at sa ebanghelyo.

Bawat simple at malinaw na salita o gawa ng kabutihan, integridad, pag-ibig sa kapwa, kabaitan, paglilingkod, pagmamahal, at habag ay maaaring magpakita ng pamumuno ninyo sa kaharian ng Diyos. Huwag ninyong maliitin ang inyong impluwensya at kakayahan sa paggawa ng kabutihan.

Hayaan ninyong idagdag ko rito ang ilang salita para sa ating mga mahal na kababaihan. Sa mahihirap na panahong ito, kayo ay tinawag na gamitin ang inyong mga talento at tapang sa pagtutunggalian ng mabuti at ng masama.

Noong 1979, ipinropesiya ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang karamihan sa malaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mahahalinang sumapi sa Simbahan. … Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan ang kababaihan ng Simbahan … sa kanilang buhay … at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—kumpara sa kababaihan ng sanlibutan.”

Idinagdag ni Pangulong Russell M. Nelson noong 2015, “Mga kababaihan ng Simbahan, kailangan namin … ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito.”

Mahal kong mga kapatid, ang Simbahan at ang Panginoon ay naglalaan sa inyo ng mabisang mga resource upang maisakatuparan ang mga layunin ninyo sa buhay.

Basahin ang mga banal na kasulatan, tanggapin ang mga turo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at ang programa ng institute, mangusap nang taimtim sa Ama sa Langit sa inyong mga panalangin, magsimba, at ipamuhay ang katotohanan at mga turo ng ebanghelyo sa araw-araw. Gumawa at tumupad ng mga tipan. Magsisisi upang makatanggap ng kapatawaran. Magtiwala sa Ama sa Langit. Magtiwala kay Jesucristo. Gagabayan Nila kayo. Mahal Nila kayo. At nariyan lang Sila.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, nawa ay malaman ninyo na mahal ko kayo at pinasasalamatan ang bawat isa sa inyo. Ipinagdarasal ko kayo at hinihiling na basbasan kayo. Kayo ay mahalagang bahagi ng kamangha-mangha at sagradong gawain ng Diyos sa mismong panahong ito sa kasaysayan ng mundo. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 266.

  2. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 96.