2025
Paano Ako Makasusumpong ng Kagalakan Kapag Naging Manhid Ako Dahil sa Depresyon?
Setyembre 2025


Mula sa Lingguhang YA

Paano Ako Makasusumpong ng Kagalakan Kapag Naging Manhid Ako Dahil sa Depresyon?

Ipinadala tayo sa buhay na ito para magkaroon ng kagalakan.

isang isinalarawang pigura na nakatingin sa madilim na kalangitan

Tuwing nakadarama ako ng depresyon, nahihirapan akong makakita ng kahulugan sa buhay ko. Kapag nawalan ako ng gana sa mga paborito kong aktibidad, parang gusto ko nang sumuko at bumalik sa higaan. Gumugugol ako ng mga araw—kung minsa’y mga linggo—na walang gaanong nararamdaman.

Sa mga panahong iyon, mahirap maalala na magiging mas maayos ang mga bagay-bagay, at nagtatanong ako:

Paano ako makasusumpong ng kagalakan kapag tila wala na akong nararamdamang anuman?

Tanggapin ang Iyong mga Nararamdaman

Karaniwan ang huling bagay na gusto kong gawin kapag nalulungkot ako ay ang magsalita o mag-isip tungkol sa nararamdaman ko. Gayunman, napansin ko na ang pagtanggap sa aking mga damdamin ay kadalasang tumutulong sa akin na guminhawa. Kabilang dito ang pagtanggap na kung minsa’y hindi magiging mabuti ang pakiramdam ko samantalang tinatanggap ko rin na maaari akong makaramdam ng kagalakan.

Kamakailan ay natutuhan ko ang isang pamamaraang ginagamit sa pagluluto ng mga sourdough loaf na tinatawag na scoring (paghiwa-hiwa). Ang mga baker ay lumilikha ng magagandang pattern sa panlabas na layer ng inihandang masa bago mag-bake. Ang mga pattern na ginawa sa masa ang nagiging likas na lugar para lumabas ang init at umalsa ang tinapay sa proseso ng pagbe-bake. Kung hindi hihiwa-hiwain, mabibiyak at puputok ang tinapay sa di-kanais-nais na mga lugar.

Tulad ng isang sourdough loaf na hindi hiniwa-hiwa, ang pagkimkim ng masasakit na damdaming dulot ng depresyon (o init) ay nagsasanhi ng pagkamanhid ng aking damdamin na kalaunan ay sumasabog. Kung walang angkop na lugar para makapaglabas ng damdamin, ang mga damdaming ito ay nagdudulot ng sakit at pinsala sa sarili ko at sa iba, na nagpapalawak sa negatibo at nagpapamanhid na siklo ng depresyon.

Tulad ng paghiwa-hiwa sa tinapay, kinailangan kong makahanap ng magagandang paraan para maglabas ng damdamin—sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa mga ito, pagdarasal, pag-ehersisyo, sining, pagdalo sa templo, o kaya’y sa iba pang mga paraan. Maaaring masakit ito—tulad ng pagbubukas ng mga sugat na mas gugustuhin kong manatiling sarado—pero ang paggawa nito ay nagtutulot sa akin na iproseso ang damdamin ko, na nagpapalaya sa akin mula sa mga ito. At sa paggawa lamang nito tila nawawala ang pagkamanhid. Muli kong nadarama ang kagalakan sa buhay.

Ang pagbubukas ng damdamin ay maaaring tila imposible kapag nakagapos ka sa depresyon. Pero sa tulong ng Tagapagligtas, posibleng mapalabas ang kalungkutan at depresyon at magbigay-puwang sa kagalakan. Tulad ng sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Aalahanin bukas, at sa lahat ng araw na darating, na pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nais umunlad.” Ang simpleng hangaring makasumpong ng kagalakan ay isang magandang panimula.

isang isinalarawang pigura na nakatingin sa pagsikat ng araw

Nilikha Tayo ng Diyos para Magdanas ng Kagalakan

Kapag nakaramdam ako ng depresyon, madalas akong bumaling sa 2 Nephi 2:25: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”

OK, narito tayo para dumanas ng kagalakan. Pero tila hindi iyan gaanong nakakapanatag kapag lubhang pinahihirap ng depresyon na makaramdam. Gayunman, sa unang bahagi ng kabanata, nalaman natin na kung walang oposisyon tayo ay “mananatiling tulad ng isang patay, walang buhay ni kamatayan, ni kabulukan ni kawalang-kabulukan, kaligayahan ni kalungkutan” (2 Nephi 2:11).

Hindi natin malalaman na umiral ang mabuti nang hindi nararanasan ang masama. Sa katunayan, kung walang oposisyon, wala tayong madaramang anuman. Magiging manhid tayo magpakailanman. Kailangan ang mahihirap na panahong iyon para makamtan at madama natin ang kagalakan.

Mahirap paniwalaan na ang gayong masasakit na karanasan ay posibleng makatulong—pero ayaw kong gugulin ang kawalang-hanggan sa kalagayang iyon ng walang-katapusang nakakapagod na siklo nang hindi umuunlad. Ang aking mga panahon ng kalungkutan, pasakit, at pagkamanhid ang mismong nagbigay-daan sa akin para magalak kapag nasisiyahan ako sa piling ng aking pamilya, pagbibisikleta sa maalikabok o mabatong daan, sa pagbabasa, o sa araw-araw na pagsisisi.

Kilala Ka ni Cristo

Itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon, dating Young Women General President, “Alam [ni Jesucristo] ang ating pagdurusa … at nananawagan Siya, Dalhin ang mga nababalisa at labis na nalulungkot, ang napapagod, ang palalo at hindi nauunawaan, ang nalulumbay, o ang mga ‘nahihirapan sa anumang dahilan.’”

Mahal ko ang aking Tagapagligtas. Alam ko na personal Siyang nagdusa at namatay para sa akin. Ang pagbaling sa Kanya ay magbibigay-daan para madaig mo ang anumang bagay na kinakaharap mo—maging ang matitinding takot na maaaring idulot ng depresyon. Maaari mong maisip kung minsan na nag-iisa ka, pero hindi ka kalilimutan ni Cristo, sapagkat “inanyuan ka [Niya] sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay” (Isaias 49:16). Isinakripisyo Niya ang Kanyang buhay para sa iyo, at Siya ay sakdal. Kung sapat ang paniniwala Niya sa iyo para gawin iyan, tiyak na may pag-asa na darating ang kagalakan.

Kung sa palagay mo ay hindi magwawakas ang kadiliman kailanman, alalahanin lamang ang mga salita ni Pangulong Holland: “Sa mundong lubhang nangangailangan ng lahat ng liwanag na makakamtan nito, huwag sana ninyong balewalain ang walang hanggang liwanag na itinimo ng Diyos sa inyong kaluluwa bago pa likhain ang daigdig na ito. Makipag-usap sa isang tao. Humingi ng tulong. … Ang tulong ay makukuha, mula sa iba at lalo na sa Diyos. Kayo ay minamahal at pinahahalagahan at kailangan.”

Para sa akin, paghingi ng tulong sa Diyos kadalasan ang unang hakbang para makalabas sa siklo ng depresyon, at tulad ng pag-akyat sa bundok, kung minsa’y kailangan ko lang magtuon sa susunod na hakbang. Alam ko na sa pamamagitan ni Cristo muli akong makakaramdam ng galak habang patuloy akong tumatahak sa landas ng pagkadisipulo.