Mula sa Lingguhang YA
Gawing Makabuluhan ang mga Karaniwang Gawain: Paano Makasusumpong ng Kagalakan sa Pang-araw-araw na Buhay
Ang paghihinay-hinay at pagkakaroon ng malinaw na layunin, kahit sa pinaka-karaniwang mga gawain sa buhay, ay matutulungan kang makadama ng higit na kagalakan.
Ayaw-na-ayaw ko talagang maghugas ng pinggan.
Nakakaubos ito ng oras, nakakadiri ang basang pagkain, at parang kapag naubos ko na ang laman ng lababo, muli itong napupuno kaagad. May mga araw na lubhang nakakapagod isipin ang paghuhugas ng pinggan kaya gusto kong huwag na lang magluto.
Sigurado ako na ganito rin ang pakiramdam ninyo tungkol sa isa sa inyong mga gawaing-bahay, pagtutupi man ng tuyong labada, paglilinis, o pagba-vacuum ng bahay. Hindi ito panghuhusga.
Kapag nagkakapatung-patong na ang mga pang-araw-araw na gawain, o kapag nalimutan na natin kung ano ang tunay na layunin ng mga espirituwal na gawain, maaaring labis na nakakapagod at hindi kasiya-siya ang mga ito. Maaari ninyong itanong sa inyong sarili kung may dahilan ba para gawin ang mga ito. Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag hindi mapahinga ang isip ninyo sa problema, mag-isip nang selestiyal!”
Ngunit talaga bang may selestiyal na layunin ang bawat karaniwang gawain?
Huminto Sandali o Lumayo nang Kaunti at Pag-aralang Mabuti ang Sitwasyon
Kung nakakita na kayo ng isang oil painting nang malapitan, tulad ng mga gawa ni Claude Monet o ni Vincent van Gogh, mapapansin ninyo na sama-samang lumalabo ang indibiduwal na mga pahid ng pintura sa magulong batik ng kalat-kalat na mga tuldok at linya. Kapag lumayo kayo nang kaunti sa painting, saka ninyo makikita kung ano talaga ito—isang magandang obra-maestrang magkakaugnay ang mga bahagi.
Sa palagay ko, parang ganyan ang ibig sabihin ni Pangulong Nelson kapag hinihikayat niya tayong mag-isip nang selestiyal. Kapag huminto tayo sandali at pinag-aralan nating mabuti ang sitwasyon, nagkakaroon tayo ng malawak na pananaw kung paano umaakma ang indibiduwal na pinaghirapang “mga pahid ng pintura” sa ating walang-hanggang pag-unlad.
Tiniyak sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Makikita ninyo balang-araw ang natapos na disenyo, at malalaman ninyo na ang Dalubhasang Pintor ay may plano para sa [kalat-kalat na mga] tuldok na iyon. Makikita ninyo na inihahanda Niya kayo para sa mga oportunidad at posibilidad na mas maluwalhati kaysa maiisip o magagawa ninyo nang mag-isa.”
Ganito ang tingin ko sa pagkakaroon ng malawak na pananaw:
Kung may isang bagay akong talagang kinasasabikang iluto, pero marumi ang mga kagamitang kailangan ko para lutuin iyon, hindi problema sa akin ang paghuhugas ng mga iyon. Nadaraig ng pananabik ko sa masasarap na pagkain ang pagtanggi kong magkuskos ng mga kaldero at kawali.
Pero higit pa riyan, alam ko na ang pagkakaroon ng malinis na kusina ay nagpapaganda sa aking kalooban at mas nagpapadaling madama ang Espiritu. Ang pag-aaral kung paano manatiling organisado ngayon ay maghahanda rin sa akin na mas mapangalagaan ang aking magiging pamilya. Bukod pa riyan, ang pagsubaybay sa lahat ng pang-araw-araw kong gawain ay tutulong sa akin na magkaroon ng kasigasigang katulad ni Cristo.
Hinihikayat tayo sa mga banal na kasulatan: “Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).
Ang inyong pang-araw-araw na mga gawain, kapwa temporal at espirituwal, ay ang maliliit na bagay na pinagbabatayan ng inyong pananaw sa buhay. Ang paghahangad na maunawaan ang mga pagpapalang hatid ng mga gawaing ito ay tutulong sa inyo na manatiling nahihikayat na ipagpatuloy ang mga pang-araw-araw na gawaing iyon—at magkaroon ng mga bagong gawi—na magpapasigla sa inyo hanggang sa kawalang-hanggan.
Maghinay-hinay at Magkaroon ng Malinaw na Layunin
Kung minsan, hindi sapat ang huminto sandali. Kung minsan, kailangan din nating maghinay-hinay.
Tayo ay nilayon na kumilos para sa ating sarili, hindi para pakilusin (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Kapag bumaling kayo sa Panginoon at aktibong gumawa ng mga desisyon at naging responsable sa mga iyon at sa direksyon ninyo sa buhay, hindi kayo gaanong mahihirapan sa inyong mga araw-araw na gawain, na nagbibigay ng mas malaking puwang sa inyong isipan para makapag-isip nang selestiyal at makadama ng kagalakan.
Ang pagkakaroon ng malinaw na layunin ay tumutulong sa inyo na kumilos para sa inyong sarili. Subukan ang mga tip na ito para makapaghinay-hinay, muling makapagpokus, at magkaroon ng walang-hanggang pananaw sa inyong araw-araw na buhay:
-
Lasapin ang mga bagay na naghahatid sa inyo ng kagalakan.
-
Magdesisyon nang maaga. Ang mga simpleng gawain tulad ng pag-iimpake ng backpack ninyo sa gabi ay tutulong sa inyo na di-gaanong madama na kailangan ninyong magmadali tuwing umaga.
-
Maghanap ng mga sandali ng katahimikan para magnilay, kumalma, at muling kumonekta sa Panginoon.
-
Magsanay na aktibong magpasalamat sa pamamagitan ng pagkilala at pagpapasalamat sa mabubuting bagay kapag nangyari ang mga iyon.
-
Lumikha ng mga espasyo na masarap sa pakiramdam na pasukan. Ang kaayusan at kalinisan ay nagtutulot sa Espiritu na mapasaatin.
Maaari Kayong Maging Masaya
Sa kabila ng inyong pinakamalalaking pagsisikap, magkakaroon pa rin ng mga araw na mahirap makakita ng kabuluhan sa mga makamundong gawain. OK lang ‘yan! Ang pagsisikap na magpokus sa Tagapagligtas ay tutulong sa inyo na magsimulang muli.
Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maaari tayong magkaroon ng kagalakan at kapayapaan ng kalooban dahil sa ating pag-asa kay Cristo at sa pag-unawa sa ating [sariling] lugar sa magandang plano ng kaligayahan.” Ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw at pagpokus sa planong iyan ay tutulong sa inyo na mapanatili ang kapayapaang iyan, kahit kapag hindi maganda o nakakalungkot ang mga bagay-bagay.
Kaya oo, may mga araw pa rin na ayaw kong maghugas ng pinggan (kung ginawa ko nga iyon). Pero alam ko na ang pagsisikap ko ay talagang mas mahalaga kaysa lagyan lang ng tsek ang listahan ng mga dapat gawin. Nakakatulong iyan para makayanan ko ang aking pinakaabala—o pinaka-nakakabagot—na mga araw.