Library
Pag-asa


“Pag-asa,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

babaeng pinagmamasdan ang dapit-hapon

Buod

Pag-asa

Ang pag-asa ay ang pag-asam at pananabik sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan. Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang pag-asa bilang pag-asam sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Kung minsan, mali ang pagkaunawa sa salitang pag-asa. Sa ating pang-araw-araw na wika, ang salitang ito ay madalas na nagpapahiwatig ng kawalang-katiyakan. Halimbawa, maaaring sinasabi natin na sana gumanda ang panahon o bisitahin tayo ng isang kaibigan. Gayunman, sa wika ng ebanghelyo, ang salitang pag-asa ay tiyak, hindi natitinag, at aktibo. Binabanggit ng mga propeta ang pagkakaroon ng “matatag na pag-asa” at “buhay na pag-asa.” Itinuro ng propetang si Moroni, “Sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.”

Kapag tayo ay may pag-asa, nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Diyos. Panatag tayong nakatitiyak na kung gagawin natin ang “mga gawa ng kabutihan,” tayo ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.” Itinuro ni Mormon na ang gayong pag-asa ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo: “Ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.”

Kapag nagsisikap tayong ipamuhay ang ebanghelyo, nadaragdagan ang kakayahan nating “sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Nadaragdagan ang ating pag-asa kapag ipinagdarasal at hinahangad natin ang kapatawaran ng Diyos. Sa Aklat ni Mormon, tiniyak ng isang missionary na nagngangalang Aaron sa isang haring Lamanita, “Kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo.” Nagkakaroon din tayo ng pag-asa habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at sinusunod natin ang mga turo nito. Itinuro ni Apostol Pablo, “Ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”

Ang alituntunin ng pag-asa ay umaabot sa kawalang-hanggan, ngunit mapalalakas din tayo nito sa mga pang-araw-araw na hamon ng buhay. “Maligaya siya,” sabi ng may-akda ng Mga Awit, “na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos.” Kapag may pag-asa, makasusumpong tayo ng kagalakan sa buhay. Maaari tayong “magkaroon ng pagtitiyaga, at tiisin ang mga paghihirap … nang may matatag na pag-asa na kayo balang-araw ay mamamahinga sa lahat ng inyong mga paghihirap.” Maaari tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Kaugnay na Content