Library
Pag-asa


“Pag-asa,” Mga Paksa at Tanong (2023)

dalagita

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pag-asa

Nagtitiwala na ang mga walang-hanggang pangako ay matutupad sa pamamagitan ni Jesucristo

Ang buhay ay kadalasang may hatid na mga hindi inaasahan at mahihirap na sitwasyon na maaaring magparamdam sa atin ng pagkadismaya, pagkabigo, at pagkatalo. Sa ganoong mga pagkakataon, hindi tayo pababayaan ng Ama sa Langit na mahina at nag-iisa. Nag-aalok Siya ng maraming espirituwal na mapagkukunan—kabilang na ang kaloob na pag-asa—na tumutulong sa atin na magkaroon ng lakas, tapang, at umaasam sa isang masayang kinabukasan (tingnan sa Moroni 9:25).

Sa mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang pag-asa ay nagdudulot ng katiyakan na kilala tayo ng Diyos at tutuparin Niya ang Kanyang ipinangakong mga pagpapala alinsunod sa Kanyang kalooban at takdang panahon. Ang kaloob ng Diyos na pag-asa ay tumutulong sa ating tingnan ang mga karanasan sa buhay nang may walang-hanggang pananaw, lalo na sa mga sandaling sinusubok ang ating pananampalataya (tingnan sa Jeremias 17:7). Si Jesucristo ay Diyos ng pag-asa, at ginagawa Niyang posible para sa atin ang makatanggap ng saganang pag-asa (tingnan sa Roma 15:13). Ang pag-asa ay nagmumula sa pagkakaroon ng pananampalataya sa pagmamahal ng ating Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang sagipin at iligtas ang mga lumalapit sa Kanya.

Ano ang Pag-asa?

Ang pag-asa ay isang banal na kaloob na nakakamit kapag sumampalataya ang isang tao kay Jesucristo (tingnan sa Moroni 7:40–41). Nagdudulot ito ng tiwala na matutupad ang mga walang-hanggang pangako sa pamamagitan Niya. Siya ang pinagkukunan ng pag-asa at lakas ng lahat ng anak ng Diyos (tingnan sa Joel 3:16). Ang pag-asa ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na magpatuloy sa gitna ng mga paghihirap sa buhay na ito. Ito ay masayang pag-asam sa Pagkabuhay na Mag-uli at sa mga ipinangakong pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan. Ang pag-asa ay nag-aakay sa isang tao na magtuon sa mga pangangailangan ng iba at maglingkod nang may lubos na pagmamahal sa kapwa.

Buod ng paksa: Pag-asa

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pananampalataya kay Jesucristo, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Pag-ibig sa Kapwa-tao, Mga Kaloob ng Espiritu, Pagkabuhay na Mag-uli

Bahagi 1

Nagbibigay si Jesucristo ng Pag-asa Kapag Nagsisikap Kayong Sundin Siya

pamilyang naglalagay ng bulaklak sa puntod

Marami sa mga paghihirap na kinakaharap natin sa buhay na ito ay bunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:40). Ang karamdaman, pagdurusa, kasalanan, at kamatayan ay bahagi ng karanasan sa mundo. Kung walang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, hindi tayo kailanman makahahanap ng paggaling, kapatawaran, kagalakan, o buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 9:7–9). Magiging miserable at walang pag-asa tayo magpakailanman (tingnan sa Mosias 16:3–4).

Ngunit si Jesucristo ay pumarito nga sa lupa at nagdusa para sa bawat kasawian sa ating buhay (tingnan sa Alma 7:11). Napagtagumpayan Niya ang parusa ng kasalanan para sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Moises 5:9). Pinutol Niya ang mga gapos ng kamatayan at nabuhay na mag-uli, na nagbukas ng daan upang muli tayong mabuhay (tingnan sa 2 Nephi 2:6–8). Ipinapangako Niya ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa lahat ng susunod sa Kanya (tingnan sa Eter 12:32).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang maniwala sa Diyos ay nagdudulot ng pag-asa at tiwala sa realidad ng Pagkabuhay na Mag uli at buhay na walang hanggan. Basahin ang Eter 12:4. Paano magsisilbing angkla o sandigan ng kaluluwa mo ang pag-asa na nagmumula sa iyong pananampalataya kay Jesucristo sa pang-araw-araw mong buhay?

  • Sa Aklat ni Mormon, nakaranas ng malaking pagbabago ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi nang marinig nila ang mensahe ng ebanghelyo at mga nagbalik-loob. Basahin ang Alma 27:28. Paano nakaimpluwensya ang kaloob na pag-asa at ang kanilang pagkaunawa kay Jesucristo sa pananaw nila tungkol sa buhay na ito at sa kabilang-buhay? Paano naaakma ang aral na ito sa iyong buhay?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang pagkamatay ng isang kapamilya o kaibigan ay nagdudulot ng kalungkutan. Dahil dinanas ni Jesucristo ang mga pasakit at paghihirap ng buong sangkatauhan, maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit sa Kanyang pangalan at hingin ang Kanyang tulong na nakapapanatag. Ang pagpapala ng pag-asa ay ipinapangako sa mga maniniwala sa plano ng Diyos para sa ating pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan. Para mas maunawaan ang kahalagahan ng pag-asa kapag namatayan, anyayahan ang mga miyembro ng grupo na pumili at basahin ang isa sa sumusunod: 1 Pedro 1:3–5; Jacob 4:11; Alma 13:27–29; Eter 12:32. Maaari din ninyong panoorin ang “Finding Hope through the Resurrection of Christ” (4:41). Paano nagbibigay ng kapanatagan ng kaloob ang kaloob na pag-asa sa mga taong nawalan ng mga kaibigan at mahal sa buhay? Paano ninyo ilalarawan ang pag-asa na ginawang posible ni Jesucristo na kayo at ang mga mahal ninyo sa buhay ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Inyong Pananampalataya kay Jesucristo ay Maghahatid sa Inyo ng Pag-asa

binatilyong nakikipag-usap sa ama

Madalas na nababasa natin sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa pag-asa, pati na rin ang mga katangian ng pananampalataya at pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:40–44). Ang ating mga pagsisikap na mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo at kumilos nang may pag-ibig sa kapwa ay direktang nakaugnay sa ating kakayahang magkaroon ng pag-asa (tingnan sa Moroni 10:20–21). Sa pagsasalita tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang tatlong katangiang ito ay magkakasalabid na parang mga hibla sa kable at maaaring hindi laging makita nang malinaw. Kapag pinagsama-sama, ito ang nag-uugnay sa atin sa kahariang selestiyal.”

Ang pag-asa ay isa sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag tayo ay nagsisisi at nabinyagan (tingnan sa Moroni 8:25–26). Ipinapangako sa atin na kapag tayo ay “may hindi matitinag na pananampalataya” kay Jesucristo, tutulungan tayo ng Ama sa Langit na makamit ang isang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:19–20). Makatatanggap din tayo ng dagdag na pag-asa kapag sinaliksik natin ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Roma 15:4; Jacob 4:6).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa pakikipag-usap sa mga young adult, itinuro ni Sister Patricia Holland, “Ang pananampalataya ay [matatag na] paniniwala na may Diyos, ang pag-asa ay pagtitiwala na tutulungan Niya tayo, at ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang Kanyang pagmamahal at kakayahan na ibinibigay Niya sa atin upang pagpalain ang ibang tao.” Paano nakatutulong ang pag-aaral tungkol sa pananampalataya at pag-ibig sa kapwa-tao para mas maunawaan natin ang pag-asa?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Kasama ang mga miyembro ng grupo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

    “Ginagamit ng kaaway ang lungkot para gapusin ang mga puso’t isipan sa nakapipigil-hiningang kadiliman. Pinipiga ng lungkot ang lahat ng sigla at saya natin at nag-iiwan ng hungkag na mga labi ng buhay. …

    “Ang pag-asa, sa kabilang banda, ay gaya ng sinag ng araw na sumisikat sa ibabaw ng kasalukuyan nating mga sitwasyon. Tumatagos ito sa kadiliman at naghahatid ng maliwanag na bukang-liwayway. Hinihikayat at binibigyang-inspirasyon tayo nito na magtiwala sa mapagmahal na pangangalaga ng walang hanggang Ama sa Langit na naghanda ng daan para sa mga naghahanap ng walang hanggang katotohanan sa mundong pabagu-bago, nalilito, at nangangamba.”

    Ano ang ilang paraan sa pagkakaroon ng katangian ng pag-asa ang makatutulong sa atin na makayanan ang kadiliman ng mundong ito?

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa Pag-asa

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “A More Excellent Hope,” Ensign, Peb. 1997, 61.

  2. Jeffrey R. Holland at Sister Patricia T. Holland, “Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2023), Gospel Library.

  3. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 22.