Library
Pag-ibig sa Kapwa-tao


“Pag-ibig sa Kapwa-tao,” Mga Paksa at Tanong (2023)

si Cristo na may kasamang mga bata

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pag-ibig sa Kapwa-tao

Pagkakaroon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo

Lahat tayo ay nasisiraan ng loob o naiinis paminsan-minsan at—maaaring madalas pa nga. Marahil ay hindi natin makikita nang mata sa mata ang ating mga kapitbahay o katrabaho. O may mga pagkakataon na nawawalan tayo ng pasensya sa ating mga anak o asawa. Maaaring namimintas at nanghuhusga tayo sa iba. Siyempre naman, walang taong perpekto, at normal lang na makaramdam nang ganito paminsan-minsan. Pero naisip-isip mo na ba kung paano ka magiging mas mapagmahal at mapagpasensya sa mga taong nakapaligid sa iyo?

Ang sagot ay simple lamang: ang iyong puso ay maaaring lumambot sa pamamagitan ng pag ibig sa kapwa, na isang kaloob mula sa Diyos. Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao ay pagiging katulad ni Jesucristo, at iyan ay panghabambuhay na pagsisikap. Ngunit tutulungan ka ng iyong Ama sa Langit at ng iyong Tagapagligtas na si Jesucristo kapag tapat kang nagsusumikap na maging higit na katulad Nila.

Ano ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao?

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 7:47). Ito ang pinakamataas at pinakamatibay na uri ng pagmamahal. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay naggaganyak sa atin na paglingkuran ang Diyos at ang ibang tao nang buong puso, kakayahan, isip, at lakas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:5).

Buod ng paksa: Pag-ibig sa Kapwa-tao

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Jesucristo, Pananampalataya, Pag-asa, Mga Kaloob ng Espiritu, Paglilingkod

Bahagi 1

Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Dalisay na Pag-ibig ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa Lahat ng Tao

Si Cristo na nagpapalayas ng mga demonyo sa isang tao

Sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Itinuro ni propetang Mormon na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Sa Kanyang buhay, nagpakita si Jesucristo ng pagmamahal at habag sa mga nagugutom, makasalanan, nahihirapan, at maysakit. Naglingkod siya sa mahihirap at mayayaman, sa mga kaibigan at sa mga estranghero. Pinatawad pa Niya ang mga nag-akusa sa Kanya at ang mga nagpako sa Kanya sa krus (tingnan sa Lucas 23:34). Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng sakdal na pag-ibig.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang sakdal na pag-ibig ni Jesucristo ay nakaimpluwensya sa bawat kilos Niya. Isipin ang mga halimbawang ito: Mateo 26:39; Lucas 7:22; 1 Nephi 19:9. Paano ipinapakita ng bawat talatang ito ang pagmamahal ni Cristo sa atin? Maaari mong ihambing ang mga halimbawang ito ng pag-ibig ng Tagapagligtas sa paglalarawan ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa 1 Corinto 13. Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang ganitong uri ng pagmamahal sa iyo?

  • Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “[Mapagmahal] ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos.” Isiping isulat sa iyong journal ang mga salitang alam kong mahal ako ng Diyos dahil … Sa buong linggo, isulat mo ang mga paraan na kukumpleto sa pangungusap na ito. Maaari kang magbasa o makinig sa isang awitin tulad ng “Diyos ay Pag-ibig o “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit para sa mga ideya.

Mga aktibidad para sa pag-aaral nang magkakasama

  • Isipin ang turong ito ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.” Talakayin kung paano mababago ng kaalaman tungkol sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa inyo ang inyong nadarama, iniisip, at ginagawa.

  • Ang panonood ng video na “Charity: An Example of the Believers” (4:50) ay maaaring magbigay-inspirasyon sa isang talakayan kung paano ang buhay ay binabago ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Paano ipinakita ng mga kabataang babae sa video na ito ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa bagong cheerleader? Paano nakaapekto sa kanya ang pagmamahal na ito? Paano ito nakaapekto sa iba pang mga kabataang babae? Isipin ang mga taong nakapaligid sa inyo na kailangang makadama ng pagmamahal ng Tagapagligtas. Pag-usapan ang mga paraan na maaari ninyong ibahagi ang pagmamahal ni Cristo sa isa o dalawa sa kanila.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ang Pinakadakilang Kabanalan na Matatamo ng mga Tagasunod ni Jesucristo

mga babaeng naglilingkod

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi isang bagay na ginagawa natin o isang bagay na ipinamimigay natin. Ito ay estado ng ating puso at paraan ng pamumuhay. Ito ang hantungan ng ating pagkatao at ng nadarama natin, at inaakay tayo nito na gumawa nang may pagmamahal (tingnan sa Moroni 7:45–47).

Kung walang pag-ibig sa kapwa-tao, tayo ay walang kabuluhan; kung taglay ito, nasa atin ang lahat (tingnan sa Eter 12:34; Moroni 7:44). Lahat ng iba pang bagay ay lumilipas, ngunit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nananatili magpakailanman at hindi kailanman nagkukulang (tingnan sa Moroni 7:46–47). Kaya, paano tayo magtatamo ng kaloob na ito? Sinabi ng propetang si Mormon, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, … na kung magpapakita [si Jesucristo] tayo ay magiging katulad niya” (Moroni 7:48).

Natututuhan nating ibigin ang ating kapwa-tao sa ating mga relasyon—sa ating pamilya, sa ating mga kongregasyon sa simbahan, sa ating komunidad, at sa lahat ng nakakasalamuha natin. Kapag sinisikap nating tanggapin ang iba kung sino sila at tingnan sila tulad ng pagtingin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo, magsisimula tayong magmahal ng mga tao na tulad ng Kanilang pagmamahal.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang 1 Corinto 13:1–7, na inilalagay ang iyong sarili sa mga talatang ito. Pagkatapos ay basahin ang talata 8. Ano ang ibig sabihin para sa iyo na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi kailanman nagkukulang [walang katapusan]”? Isipin kung may mga katangiang nakalista sa mga talata 4–7 na maaari mong gawin upang matulungan kang maging mas mabuting halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao.

  • Bagama’t ang pag-ibig sa kapwa-tao ay kaloob ng Diyos, tulad ng anumang kaloob, kailangan nating tanggapin ito. Ano ang natutuhan mo sa Moroni 7:48; 8:26 sa kung paano matatanggap ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

  • Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahahalagang katotohanang ito tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang lunas sa pagtatalo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang espirituwal na kaloob na tumutulong sa atin na iwaksi ang likas na tao, na makasarili, mapagtanggol sa sarili, palalo, at mainggitin. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang nangungunang katangian ng isang tunay na tagasunod ni Jesucristo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nakikita sa isang tagapamayapa.” Habang pinag-iisipan mo ang mga salita ni Pangulong Nelson, ano ang hinihikayat ng Espiritu na gawin mo? Isiping ipaskil ang pahayag ni Pangulong Nelson sa isang lugar na madalas mong nakikita bilang paalala na magpakita ng pag-ibig sa kapwa.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Paano ninyo matukoy ang isang tagasunod ni Jesucristo? Itinuro mismo ng Tagapagligtas, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa” (Juan 13:35). Bilang grupo, isipin ang mga taong hinahangaan ninyo na tunay na mga halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao. Paano ninyo nakitang nagpakita sila ng dalisay na pagmamahal ni Cristo? Isiping mag-text o magsulat ng maikling mensahe sa isa sa mga taong ito at ibahagi ang hinahangaan ninyo sa kanya.

  • Pag-usapan ang ilang mahahalagang pagpili na ginagawa ninyo araw-araw. Pagkatapos ay basahin ang “Mahalin ang Diyos, Mahalin ang Inyong Kapwa” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ([2022], 10–15). Talakayin kung paano magiging gabay ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao kapag ginagawa ninyo ang bawat isa sa mga pagpiling iyon.

  • Isipin ang payong ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Anumang mga problema ang kinakaharap ng inyong pamilya, anuman ang kailangan ninyong gawin para malutas ito, ang simula at wakas ng solusyon ay pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Magtulungan sa paggawa ng listahan ng ilang problema o hamon na kinakaharap ng mga indibiduwal o pamilya ngayon, tulad ng pagtatalo o inggit. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Moroni 7:45 at pag-usapan kung paano makatutulong ang mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao na inilarawan sa talatang ito para malutas ang mga problema sa inyong listahan. Pagkatapos ay maaari kayong gumawa ng isang simpleng plano upang mailapat ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pagtulong na malutas ang isa sa mga problema. Isama ninyo sa pagpaplano ang Diyos, at humingi ng tulong sa iba kung naaangkop.

Alamin ang iba pa

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 499.

  2. Mga Himno, blg. 50.

  3. Aklat ng mga Awit Pambata16.

  4. Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127.

  5. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Ang dahilan kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang at kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa kaysa sa mga pinakamakabuluhang gawa ng kabutihan [na binanggit ni Apostol Pablo] [sa 1 Corinto 13] ay dahil ang pag-ibig sa kapwa-tao, ‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’ (Moro. 7:47), ay hindi isang pagkilos kundi isang kundisyon o kalagayan. Natatamo ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga pagkilos na humahantong sa pagbabalik-loob. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na nagiging likas sa tao” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 34).

  6. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 100.

  7. Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 80.