“Pag-ibig sa Kapwa-tao,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Pag-ibig sa Kapwa-tao
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Ito ang pag-ibig ni Cristo para sa mga anak ng tao at ang dapat madama ng mga anak ng tao para sa isa’t isa. Ito ang pinakadakila, pinakamarangal, at pinakamalakas na uri ng pag-ibig at ang pinakanakagagalak sa kaluluwa.
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,” o “ang walang hanggang pag-ibig.” Itinuro ng propetang si Mormon: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.”
Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao. Sa Kanyang mortal na ministeryo, lagi Siyang “[naglilibot] na gumagawa ng mabuti,” nangangaral ng ebanghelyo at nagpapakita ng magiliw na habag para sa mga maralita, nahihirapan, at nababagabag. Ang Kanyang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa-tao ay ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala. Sabi Niya, “Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.” Ito ang pinakadakilang pagpapakita ng mahabang pagtitiis, kabaitan, at pagiging di-makasarili na ating malalaman.
Nais ng Tagapagligtas na tanggapin ng lahat ng tao ang Kanyang pagmamahal at ibahagi ito sa iba. Ipinahayag Niya sa Kanyang mga disipulo: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa. Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Sa mga relasyon sa mga miyembro ng pamilya at sa iba, itinuturing ng mga alagad ni Cristo na kanilang halimbawa ang Tagapagligtas at sinisikap nilang magmahal na tulad Niya, nang may walang-maliw na habag, pagtitiyaga, at awa.