“Matwid na mga Katiwala—Mga Disipulo ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2026.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Matwid na mga Katiwala—Mga Disipulo ni Jesucristo
Tatlong talinghaga ang nagtuturo ng pangangasiwa at halimbawa kung paano palalalimin ang ating pagkadisipulo kay Jesucristo.
Ten Virgins [Sampung Birhen], ni Jorge Cocco
Ang pagpapaningning ng liwanag ng ating pagiging disipulo ni Jesucristo ang pinakadakilang uri ng hindi nauubos na enerhiya—enerhiya na palaging napapanibago. Sa paghahatid ng kaginhawahan at liwanag ni Cristo sa iba, natatagpuan natin ang sarili nating kaginhawahan sa Kanya.
Kaya maging isang tagapayapa sa inyong sariling tahanan at komunidad at sa inyong imahe sa online. Pagaanin ang mga paghihirap ng sarili ninyong mga kapitbahay.
Layunin ni Satanas na diktahan ang kilos natin. Salungat ito sa plano ng kaligayahan ng Ama na nagbibigay sa atin ng pagkakataong kumilos, maging mga kinatawan para sa kabutihan, para sa kapayapaan, at para sa pag-asa.
Maaari nating kontrahin ang maling impormasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na nagbibigay-sigla, pag-asa, at tamang impormasyon, maging mga tagapagtaguyod ng katotohanan sa halip na mga tagasagap lamang ng impormasyon. Makokontra natin ang mga negatibong bagay sa pamamagitan ng pagpuno sa mundo ng liwanag at ng mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Tulad ng sinabi ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, ang sagot ay laging si Jesucristo: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.”
Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na ang ating pagkadisipulo ang “unahin natin higit sa lahat.” Pinalalalim natin ang ating pagkadisipulo kapag natututuhan at nalalaman natin ang tungkol kay Jesucristo. Kaya saliksikin natin ang mga turo ng Tagapagligtas.
Ang Sampung Birhen
Ang Mateo 25 ay naglalaman ng tatlong talinghaga. Una, ang talinghaga tungkol sa sampung birhen o dalaga (tingnan sa mga talata 1–13). Lima ang mga mangmang, at ang lima’y matatalino. Lahat ng sampu ay nasa tamang lugar, naghihintay sa kasintahang lalaki, at bawat isa ay dumating na may dalang lampara o ilawan.
Nang dumating ang kasintahang lalaki—na kumakatawan sa Tagapagligtas—sa hindi inaasahang oras ng hatinggabi, ang limang mangmang na dalaga ay walang sapat na langis para sa kanilang mga ilawan. Siguro, inisip nila na hindi kailangan ng ekstrang langis. O maaaring hindi sila naging masinop na tagapangalaga ng langis na mayroon sila. Marahil, silay ay nawala sa pokus, nabigo na sapat na maghanda para manatiling may apoy ang kanilang mga ilawan.
Kaya nga, bilang tugon sa kanilang pagsamong pumasok sa hapunan ng kasal, sumagot ang lalaking ikakasal, “Hindi ninyo ako nakikilala” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 25:11 [sa Mateo 25:12, footnote a]). Sa kabaligtaran, ipinahihiwatig nito na sa gitna ng kanilang paghahanda at matalinong pangangasiwa, Siya ay kilala talaga ng limang matatalinong dalaga.
Ang mahalagang langis ay makikita bilang kanilang personal na pagbabalik-loob. Nagbigay-daan ito para masindihan ng matatalinong dalaga ang kanilang mga ilawan at pumasok sa piging ng kasal kasama ang kasintahang lalaki. Ang langis ay hindi maaaring ibahagi sa kanilang mga kaibigan dahil ang personal na pagbabalik-loob ay talagang ganoon—personal. Maaari at dapat nating itaas ang liwanag ng ating mga ilawan para pasiglahin at palakasin ang iba, pero bawat isa sa atin ay katiwala ng sarili nating pagbabalik-loob.
Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki” (Doktrina at mga Tipan 33:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang mga Talento
Ang pangalawang talinghaga na nakasaad sa Mateo 25 ay ang tungkol sa mga talento (tingnan sa mga 14–30). Sa kuwentong iyon, ang panginoon, sa inaasahang paglalakbay nang malayo, ay nagbigay ng mga talento sa tatlong alipin niya. Ang “talento” ay kumakatawan sa pera. Maaari din nating isipin ang mga ito bilang mga kaloob, kakayahan, at pagpapala mula sa ating Ama sa Langit. Ang panginoon ay nagbigay ng limang talento sa isang alipin, sa isa ay dalawa, at sa ikatlo ay nagbigay siya ng isang talento. At pagkatapos ay naglakbay ang panginoon.
Nang magbalik siya, natuklasan niya na ang mga alipin na binigyan niya ng limang talento at dalawang talento ay naging tapat at kapaki-pakinabang na mga katiwala at ginamit nang tama ang mga talento, na ginawang doble ang halaga ng mga ito. At dahil naging matapat sa kaunting bagay, ang panginoon ay nagbigay nang higit pa, sinasabing, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (talata 21).
Kabaligtaran nito, ibinaon ng aliping may isang talento ang ibinigay sa kanya—marahil dahil siya ay nagambala at ipinagpaliban. O marahil nahirapan siya sa pag-alam kung paano magsisimula o natakot siyang mabigo. Baka ikinumpara niya ang sarili sa iba pang mga alipin, at ang pagdududa niya ang pumigil sa kanya na sumubok. Hindi siya naghanda para sa pagbabalik ng panginoon, hindi niya naranasan ang kagalakan ng tapat na pangangasiwa, at nawala ang talento niya.
Ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga at ang talinghaga tungkol sa mga talento ay pareho. Parehong binibigyang-diin ng mga ito na mayroon tayong personal na responsibilidad sa ating sariling pagbabalik-loob at dapat nating ihanda ang ating sarili na tanggapin ang kaloob na kadakilaan ng Panginoon—at na mayroong ipinagkatiwala sa atin at personal na pananagutan sa mga talento at kaloob na ibinigay sa atin.
Ang Tupa ng Mabuting Pastol
Sa huli, ikinuwento sa Mateo 25 ang tungkol sa mga taong “may tiwala sa harapan ng Diyos,” na inilarawan bilang mga tupa ng Mabuting Pastol, na nasa Kanyang kanang panig, na nasisiyahan sa piging ng kasal na kasama Niya, at pinagpala na maging mga pinuno sa maraming bagay (tingnan sa mga talata 31–40). Sasabihin sa kanila ng Panginoon:
“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw: ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan” (Mateo 25:35–36).
Bilang Kanyang mga disipulo, inihahanda natin ang ating sarili para sa Kanyang Ikalawang Pagparito at tapat at kapaki-pakinabang tayong nangangasiwa sa mga bagay na ipinagkaloob sa atin. Ang habag, pag-ibig sa kapwa, kabanalan, at tapat na pangangalaga ay nagmamarapat sa atin na mamuhay na kasama Niya kalaunan at magkaroon ng tiwala sa harap ng Diyos ngayon. Tulad ng itinuro ni Mormon, para sa mga taong puno ng pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo [ay]—“makabubuti sa [kanila]” sa huling araw. Sila ay magiging katulad ng Tagapagligtas, na makikita Siya kung sino Siya talaga at mapupuno ng pag-asa at magiging dalisay na katulad Niya na dalisay. (Tingnan sa Moroni 7:47–48). Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang pag-ibig sa kapwa at kabanalan ang nagbubukas ng daan sa pagkakaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos!”
Shepherd—Variation IV [Pastol—Baryasyon IV], ni Jorge Cocco
Pinangangalagaan ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga taong nangangailangan.
Lahat ng tatlong talinghagang ito ay nagtuturo ng pangangalaga ng ating sariling pagbabalik-loob; para sa mga kaloob, talento, at ari-arian na ibinigay sa atin; at para sa ating mga kapitbahay na nagugutom, walang tirahan, nasasaktan, at pagod.
Itinuturo nila kung paano dapat maghanda ang mga disipulo ni Cristo para sa mapanganib na panahon na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Tayo ay nabubuhay sa mga panahong ito! Dapat nating panatilihin ang mga ilawan ng ating pagbabalik-loob na nag-aalab, hayaang magliwanag ang ating ilaw, gamitin at palakihin ang ating mga talento, at pangalagaan ang mga nangangailangan. Ito ay pagtataglay ng pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.