Liahona
Ang Paskua at Pasko ng Pagkabuhay
Marso 2026 Liahona


Ang Paskua at Pasko ng Pagkabuhay

Tingnan kung paano tayo maitutuon ng mga elemento ng Paskua sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at sa ating mga tipan sa Diyos.

Ginugunita ng Paskua ang pagliligtas ng Panginoon sa mga mamamayan ng Israel mula sa huling mapangwasak na salot sa Egipto. Sa pamamagitan ni Moises, sinabi sa kanila ng Panginoon na magsagawa ng partikular na mga gawa para lampasan sila ng mapangwasak na anghel at maligtas ang kanilang mga panganay. Pagkatapos ay pinalaya sila ng Panginoon mula sa pagkaalipin at ipinadala sila sa lupang pangako. (Tingnan sa Exodo 12.)

Ang iba’t ibang elemento ng Paskua ay kumakatawan sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo para sa ating mga kasalanan, gayundin sa ating mga tipan sa Diyos.

kordero

Kordero

Isang taong gulang na lalaking tupa na walang batik.

Pinatay ito at pagkatapos ay inihaw sa apoy, buo—walang mga buto na nabali at ang ulo, mga binti, at mga laman-loob ay buo pa rin. Ito ay kakainin sa gabi ng Paskua, na walang natitira sa umaga. Kung may matitira, ito ay susunugin.

Posibleng kahulugan: Si Jesucristo bilang walang-salang sakripisyo para sa mga kasalanan; ang tamis ng paglapit sa Kanya ay kaiba sa kapaitan ng kasalanan; ang buong katapatan ni Cristo sa Kanyang misyon; ang katapatang hinihingi sa mga nakipagtipan sa Diyos.

larawan ng isang lalaking naglalagay ng dugo ng tupa sa haligi at mga hamba ng isang pinto

Dugo sa Haligi at mga Hamba

Isinasawsaw ang hyssop (isang halamang damo na ginamit sa mga ritwal ng paglilinis) sa mangkok ng dugo mula sa kordero, at pagkatapos ay ipinapahid ang dugo sa haligi at mga hamba ng pinto.

Posibleng kahulugan: Isang palatandaan na tumutukoy sa mga pinagtipanang tao ng Diyos; pagdadalisay sa pamamagitan ng dugo ni Jesucristo, na nabuhos upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan.

tinapay na walang lebadura

Tinapay na Walang Lebadura

Tinapay na ginawa nang walang lebadura o iba pang pampaalsa, na malamang na mula sa emmer wheat, barley, o sorghum sa sinaunang Egipto. Ginagawang mas malambot ng lebadura ang tinapay pero mas madaling masira. Gayundin, ang masa na may lebadura ay nangangailangan ng oras para umalsa, kaya mas matagal itong gawin.

Pitong araw itong kinakain. Ang lebadura (na nauugnay sa katiwalian) ay aalisin sa bawat tahanan sa panahong ito (tingnan sa Exodo 12:19).

Posibleng kahulugan: Kadalisayan; pagtakas mula sa pagkabihag; si Cristo bilang Tinapay ng Buhay (tingnan sa 1 Corinto 5:7).

mangkok ng mga halamang-gamot

Mapapait na Halamang-Gamot

Kasama ang mga watercres, labanos, endive, horseradish, at posibleng iba pang mga halamang-gamot na mapait ang lasa.

Kinakain ito noon na kasama ng kordero.

Posibleng kahulugan: Kapaitan ng pagkaalipin at pagkabihag sa Egipto; kapaitan ng pagkaalipin sa kasalanan; kapaitan ng pagdurusa ni Cristo para sa ating mga kasalanan.

mga lalaking nakasuot ng sandalyas na may tungkod

Nakabigkis ang Baywang, May Sapin sa Paa, May Hawak na Tungkod, Nakatayo Habang Kumakain

Posibleng kahulugan: Kahandaan para sa agarang pagtakas mula sa pagkabihag; hangaring magkaroon ng kalayaan mula sa kasalanan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “The Passover Supper,” New Era, Abr. 2019, 8–9.

  2. Tingnan sa Exodo 12:22–23; Levitico 14:2–7; Mga Bilang 51:7.

  3. Tingnan sa Bible Dictionary, “Leaven,” Gospel Library.

  4. Tingnan sa Bible Dictionary, “Bitter Herbs,” Gospel Library.