Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Genesis 22:1–18
Masdan, Narito Ako
Nawa’y palagi tayong tumugon sa Panginoon tulad ng ginawa ni Abraham.
Mga paglalarawan ni Julie Rogers
Minsang sinabi ni Joseph Smith, “Kapag iniutos ng Panginoon, gawin ito.” Ang pagpapakitang ito ng pananampalataya at pagkilos ay nagdudulot sa akin na isipin ang iba pang mga karanasang katulad nito.
Halimbawa, nang tanungin si Adan kung bakit siya nag-aalay ng mga hain, ang sagot niya ay na hindi niya alam pero alam niya kung sino ang nag-utos sa kanya (tingnan sa Moises 5:6). Naaalala ko rin ang kahandaan ni Lehi na iwan ang kanyang tahanan at mga ari-arian upang sundin ang mga tagubilin ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 2:2–4) o ang pananampalataya ni Nephi sa pagsang-ayon na bumalik upang kunin ang mga lamina (tingnan sa 1 Nephi 3–4).
Maaari kong banggitin ang maraming malilinaw na halimbawa sa mga banal na kasulatan na nagpapakita ng diwa ng pagsunod, pero gusto kong magpokus sa karanasan ni Abraham.
Pagsunod ni Abraham
Nangako ang Panginoon ng napakaraming inapo kina Abraham at Sara. Matagal bago dumating ang pagpapalang iyon, o, sa halip, dumating ito sa panahon ng Panginoon. Gayunman, sinubukan ng Panginoon ang pananampalataya ni Abraham nang hilingin Niyang isakripisyo niya ang kanyang anak na si Isaac, na pagpapalang ipinagdasal nila at matagal nilang hinintay. Baka maraming beses na nating nabasa ang salaysay na ito sa banal na kasulatan, pero gaano kadalas natin inilagay ang ating sarili sa sitwasyon ni Abraham?
Mahirap pa nga na isipin ang damdamin ng isang magiliw na ama sa gayong atas na tungkulin. Gayunman, talagang hanga ako sa determinasyon ni Abraham na sumunod habang naghahanda siyang magpunta sa bundok sa Moria at ialay ang hiniling na sakripisyo. Sa pagpapakita ng kahandaan at pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit, nanatili pa rin ang kanyang sagot, “Masdan, narito ako.” (Tingnan sa Genesis 22:1–2.)
Bilang kapalit ng kanyang pagsunod, biniyayaan siya na mapreserba ang buhay ni Isaac, at may magaganda at walang hanggang mga pagpapala para sa kanyang sarili, kay Sara, at sa kanilang mga inapo (tingnan sa Genesis 22:15–18).
Ang Pagsunod ng Tagapagligtas
Walang duda na ang pinakadakilang halimbawa ng pagsunod at pagpapailalim sa kalooban ng Ama sa Langit ay nakasentro sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Ipinakita Niya ang Kanyang kahandaang sumunod sa pamamagitan ng pagparito sa mundong ito; sa pagpapabinyag, pagiging malinis at perpekto; at sa pag-aalay ng Kanyang buhay bilang handog at pagpasan Niya sa mga pasakit, paghihirap, kahinaan, kasalanan, at kamatayan ng Kanyang mga tao, upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan sa laman (tingnan sa Alma 7:11–13).
Napakatindi ng karanasang iyon na sa loob ng ilang sandali, naging dahilan ito para itanong Niya kung may paraan para malampasan ang mapait na sarong iyon. Pagkatapos ay agad Niyang sinabi, “Gayunman, huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42)—sa madaling salita, “Masdan, narito ako”—sa gayon ay ipinapakita ang Kanyang kahandaang gawin ang kalooban ng Ama.
Pagsunod at Pagmamahal
Paano tayo magkakaroon ng gayong kahandaan para masabing “Masdan, narito ako” bilang tugon sa bawat kahilingan ng Ama sa Langit sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan, o kung minsan sa personal na paraan?
Itinuro ni Pablo sa mga taga-Roma, “Pag-ibig ang katuparan ng kautusan” (Roma 13:10). Kung gusto kong makahanap ng salitang kasing-kahulugan ng katagang “pagtupad sa batas,” sa tingin ko ang salitang pagsunod ang mabilis na papasok sa isipan. Kaya nga, masasabi natin na ang pagmamahal ay pagsunod. Kaya nga ang pahayag ng Tagapagligtas na “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15) ay talagang makahulugan.
Maaari tayong sumagot na “Masdan, narito ako” o, sa mga salita ni Nephi, “Hahayo po ako at gagawin” (1 Nephi 3:7). Sa ating makabagong pananalita, maaari nating sabihing, “Siyempre handa akong gawin ang iniuutos ng Ama sa Langit, anuman ang sitwasyon.”
Gayunman, ang gusto kong bigyang-diin, ay ang ugnayan ng pagmamahal at pagsunod, ibig sabihin ay sinusunod natin ang Ama dahil mahal natin Siya. Naniniwala ako na ang pagpiling sumunod ay isa sa mga pinakamaiinam na paraan para malinaw na maipahayag ang ating pagmamahal sa Kanya. “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:26), at para sa akin ang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang walang pagsunod ay hindi rin buhay.
Paano Madaragdagan ang Ating Pagmamahal at Pagsunod
Paano natin madaragdagan ang ating pagmamahal sa Kanya at ang ating pagsunod sa Kanya? Sinabi ng Tagapagligtas, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). Ang pagkakilala kay Jesucristo—at, sa pamamagitan Niya, ang Ama—ay nagtutulot sa atin na malaman ang pagmamahal Nila para sa atin at sa mga bagay na hindi mailalarawan ngunit ginawa at gagawin Nila para sa atin, pati na sa mahihirap na sandali na nararanasan natin sa buhay na ito. Ang pagkakilala sa Kanila ay nagpapabago sa ating puso, na dahilan para hangarin nating tularan ang Kanilang mga halimbawa sa ating mga kilos at maging handang sabihin, sa salita at gawa, “Masdan, narito ako.” Ang kahandaang ito ay makikita sa hangaring basahin ang mga banal na kasulatan o sa pagtugon sa Ama sa Langit sa panalangin.
Ang “Masdan, narito ako” ay maaaring tugon sa tawag na magmisyon o mas mailaan ang sarili sa pagsunod sa mga kautusan tulad ng pagpapanatiling banal ng Sabbath, paggalang sa ating mga magulang, o paghahangad na mamuhay nang malinis ang moralidad. Ang “Masdan, narito ako” ang pagpapahayag na taglay palagi ng mga disipulo ni Cristo, kahit naaapektuhan ng hiniling na sakripisyo ang pinakahahangad natin o binayaran natin ng mataas na halaga.
Ang kahandaang ito na sumunod ay napakahalaga, lalo na sa paggalang sa mga tipang ginawa natin noong bininyagan tayo o pumasok sa templo. Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang magiging buhay natin kung palagi nating iniisip na, “Masdan, narito ako” kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo o para alalahanin Siya sa tuwina at sundin ang Kanyang mga kautusan? Ang pagtanggap ng sakramento ay nag-aanyaya sa atin na panibaguhin ang pangakong iyon, na dapat makita sa ating mga kilos sa buong linggo. Gayundin ang angkop kapag nagpupunta tayo sa templo kapag gumagawa o inaalala natin ang mga tipan na ginagawa natin doon.
Halimbawa ng Isang Bata pang Misis
Naaalala ko ang pakikipag-usap ko sa isang bagong kasal maraming taon na ang nakalipas noong bishop pa ako. Isang gabi, nagkaroon sila ng mahaba at mainit na talakayan tungkol sa pagbabayad ng ikapu. Mahirap ang linggong iyon sa trabaho ng bata pang mister at gusto niyang itabi ang perang kinita niya para sa ilan sa kanilang mga personal na gastusin. Gayunman, naaalala ko ang sinabi ng bata pang misis, sa harap ng kanyang asawa ay sinabi niyang, “Bishop, handa akong hindi gumastos at tumigil pa sa pagkain, kung kinakailangan, pero gusto kong magbayad ng ikapu at sundin ang Panginoon.”
Napakalakas ng mga salitang “Masdan, narito ako,” na ipinakita nang may matinding patotoo ng bata pang misis, kaya nadama ng mag-asawa ang malakas na espiritu sa oras ng pag-uusap. Sa huli, hindi ko alam kung dahil ba sa kusang hinangad ng lalaki o dahil nahikayat siya ng kanyang misis, pero nagbayad ng kanyang ikapu ang lalaki sa linggong iyon.
Nang sumunod na Linggo, bago ang mga miting, hiniling ng bata pang mister na makausap ako saglit. Bakas ang kaanyuan na kaiba sa nakaraang linggo, sinabi niya sa akin, “Bishop, alam mo na noong nakaraang linggo ay nagbayad ako ng ikapu ko, at natakot ako na wala akong sapat na pera para sa pagkain, pero gusto ko lang na malaman mo na sa linggong ito ay nadoble ang halaga ng pera namin na pambili ng pagkain, na di gaya ng dati. Bishop, isang himala iyon, at gusto kong palaging makita ang mga himalang iyon sa buhay ko.” Para sa akin, para bang sinasabi sa akin ng taong iyon, “Bishop, handa akong sumagot na ‘Masdan, narito ako’ sa anumang hilingin ng Diyos sa akin.”
Ang Pangako sa Atin
Sinabi ng Panginoon na Siya ay nakatali kapag ginagawa natin ang ipinagagawa Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10). Talaga bang naniniwala tayo sa kahigpitan ng pangakong iyon?
Siguro ang mga pagpapala ay hindi dumarating sa gusto nating oras o paraan, pero pinatototohanan ko sa inyo na ang pangako ay tunay at totoo. Nangangailangan ito ng pagmamahal sa Kanya, pagsunod, hangaring gawin ang Kanyang kalooban, at pamumuhay bilang mga disipulo ni Cristo. Tutulungan at pagpapalain Niya tayo na maunawaan at tuparin ang ating mga tipan. Sa gayong paraan, kapag inuutusan Niya tayong gawin ang Kanyang kalooban, nawa ay sumagot tayo nang matunog na “Masdan, narito ako, Panginoon!”