Liahona
20 Ideya para sa Inyong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay
Marso 2026 Liahona


“20 Ideya para sa Inyong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mar. 2026.

20 Ideya para sa Inyong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mula sa pamilyar hanggang sa naiiba, maraming paraan para makalikha ng mga tradisyon na nakasentro kay Cristo.

iba’t ibang item na may kaugnayan sa Pasko ng Pagkabuhay

Mga paglalarawan ni Christina McMaster

Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensiya noong Abril 2023, itinanong ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Paano natin maituturo at maipagdiriwang ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay, nang may katulad na pagsisikap, kaligayahan, at pagdiriwang ng mga tradisyon sa relihiyon tungkol sa pagsilang ni Jesucristo, ang kuwento *ng Pasko?”

Ang mga miyembro ngayon sa buong mundo ay mas nakatuon sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Narito ang ilang simple at makabuluhang mga aktibidad para pagyamanin at palawigin ang Pasko ng Pagkabuhay—at pagsamba sa Tagapagligtas—para sa mga indibiduwal, grupo, at kongregasyon.

Mga Ideya para sa Indibiduwal at Pamilya

  1. Lumikha ng paper chain ng mga talata sa banal na kasulatan o sipi na nakasentro kay Cristo at pagnilayan ang isa bawat umaga sa buwan na palapit sa Pasko ng Pagkabuhay.

  2. Ang mga bagay ay maaaring sumagisag sa iba’t ibang aspeto ng mga nangyari noong Pasko ng Pagkabuhay sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, nagpapalipad ng makukulay na saranggola ang ilang tao para alalahanin ang pagbangon ni Cristo mula sa libingan. Maghanap ng mga bagay na nagpapaalala sa inyo sa Tagapagligtas sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.

  3. Ang paggawa ng mga Easter card ay maaaring isang malikhaing paraan para maibahagi ang liwanag ni Jesus. Isiping maghatid ng mga likhang ito sa mga kaibigan o kapitbahay na pinaglilingkuran ninyo.

  4. Gumamit ng spices ang mga alagad ni Cristo para magpugay sa Kanya sa Kanyang libing (tingnan sa Juan 19:39–40). Ang paggamit ng spices sa mga pagkain ninyo sa Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring gumabay sa inyong mga iniisip sa sagradong sandaling iyon.

  5. Namuhay si Cristo sa paglilingkod sa iba, at maaalala natin Siya ngayong Pasko ng Pagkabuhay sa paggawa nito. Papiliin ng pangalan ang bawat miyembro ng pamilya at palihim na paglingkuran ang taong iyon sa Mahal na Araw.

  6. Ang ilang tao ay gumagamit ng mga sanga at langis ng olibo bilang paalala sa kapayapaan at nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo. Maaaring isipin ng mga miyembro ng Simbahan na isama ang mga elementong ito sa dekorasyon o mga pagkain para ipakita ang kapayapaang handog ng Tagapagligtas.

  7. Ang ilang tema mula sa Pasko ng Pagkabuhay ay mas taimtim, at ang pag-uukol ng oras sa Mahal na Araw para sa tahimik na pag-aaral at pagninilay ay isang paraan para maalaala ang mga aspetong iyon.

  8. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay pagdiriwang ng pasasalamat sa lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin. Mag-ukol ng oras sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay na punuin ang isang dingding o poster ng mga paraan ng pasasalamat ninyo para sa Tagapagligtas.

  9. Sa ilang panig ng mundo, ang Pasko ng Pagkabuhay ay ipinagdiriwang sa panahon ng panibagong buhay, kaya ang panahon mismo ay nagsisilbing visual na paalala ng Pagkabuhay na Muli ni Cristo. Maghanap ng lugar para makapaglakad sa kalikasan at pahalagahan ang simbolismong ito.

  10. Ang batang tupa ay tradisyonal na pagkain sa Pasko ng Pagkabuhay na sumasagisag kay Jesucristo bilang Kordero ng Diyos, na nagsasakatuparan sa Paskua na nagbabadya ng pagliligtas sa pamamagitan ng sakripisyo (tingnan sa Exodo 12; Juan 1:29). Ang paghahain ng batang tupa ay isang paraan para maaalala ng mga pamilya ang papel ng Tagapagligtas sa pagpapalaya sa atin mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

camera, mga nota ng musika, at iba pang mga item

Mga Ideya para sa Ward at Stake

  1. Ang pag-aayuno at panalangin ay mabibisang paraan ng pagkonekta kay Cristo. Isiping mag-iskedyul ng pag-aayuno ng ward sa Mahal na Araw para sa mahalagang adhikain sa lokal na komunidad.

  2. Sa Pasko, nasisiyahan ang mga tao na muling isadula ang tagpo ng Pagsilang ni Cristo. Bilang paggalang, hindi natin muling isinasadula ang mga nangyari sa Pasko ng Pagkabuhay, kundi maaaring magdaos ang mga ward ng debosyonal na nagtatampok sa mga turo ng Tagapagligtas na hango sa Mahal na Araw at talakayin ang kahulugan ng mga tagpong iyon.

  3. Dahil sa Pagkabuhay na Muli ni Cristo, ang Pasko ng Pagkabuhay ay panahon ng pagpapanibago. Ang pag-oorganisa ng grupo para linisin ang bahay o bakuran ng isang tao ay maaaring makatulong para ipaalala ang temang iyon.

  4. Sa ilang lugar sa mundo, nagsisiga sila sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay bilang sagisag ng liwanag na dumaraig sa kadiliman. Ang pagsisindi ng apoy o kandila ay maaaring kumatawan sa Tagapagligtas bilang Ilaw ng Sanlibutan na dumaig sa kamatayan at kasalanan.

  5. Bilang bahagi ng lesson, ibahagi ang mga titik ng mga himnong ukol sa Pasko ng Pagkabuhay. Talakayin ang doktrina at patotoo sa bawat taludtod.

  6. Anyayahan ang mga miyembro na magdispley ng likhang-sining o retrato na nagpapakita ng mga tema ng Pasko ng Pagkabuhay.

  7. Maraming pangalan at titulo si Jesus, at bawat isa ay naghahayag ng isang bagay na naiiba tungkol sa Kanyang pagkatao. Ang pagsasama-sama bilang ward para gumawa ng art display tungkol sa mga ito ay maaaring magandang paraan para magtuon sa iba’t ibang aspeto ni Cristo sa Pasko ng Pagkabuhay.

  8. Maaari kayong lumikha ng tradisyon ng pagsamba gamit ang musika, ang banal na kasulatan at awitin para pagnilayan ang sakripisyo at pagmamahal ng Tagapagligtas. Maaaring magtipon ang ward o stake para pag-aralan at kantahin ang mga himnong para sa Pasko ng Pagkabuhay at magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan dito.

  9. Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaaring maging walang-hanggan ang mga pamilya. Maaaring ipaalala ng pagpaplano ng aktibidad sa family history o temple trip sa mga miyembro ang alituntuning ito sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.

  10. Ang pagdrowing gamit ang chalk ay masayang aktibidad para sa lahat ng edad, at ang isang interfaith Easter chalk art ay maaaring malikhaing paraan para magbahagi at tumanggap ng mga patotoo tungkol kay Cristo.