Liahona
Ang Aking Dalamhati ay Naging Kagalakan
Marso 2026 Liahona


“Ang Aking Dalamhati ay Naging Kagalakan,” Liahona, Mar. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Aking Dalamhati ay Naging Kagalakan

Isang bagong pananaw tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang nakatulong sa akin na sumulong nang may pananampalataya at pag-asa.

paglalarawan ng isang kamay na may hawak na liyabe at larawan ng isang matandang lalaki

Paglalarawan ni Briana Kranz

Noong 18 taong gulang ako, pumanaw ang lolo ko sa panig ng aking ina. Sa puntong iyon ng buhay ko, wala pang taong malapit sa akin na namatay. Alam kong mangyayari ito balang-araw, pero hindi ko inasahan na biglang mangyayari ito.

Ang lolo ko ay nasa mabuting kalusugan, pero walang kaanu-ano, siya ay na-stroke. Agad siyang dinala ng lola ko sa ospital, pero pumanaw siya pagkaraan ng apat na araw.

Ang biglang pagkawala ng isang tao sa unang pagkakataon ay masakit. Kakatwang nakadalo ang lolo ko sa bawat mahalagang pangyayari sa buhay ko at pagkatapos ay bigla na lang siyang nawala.

Pagkatapos ng libing, nakahanap ako ng paraan para bigyang-pugay ang alaala ng lolo ko at ang aming oras na magkasama. Gustung-gusto niyang kinukumpuni ang kanyang trak at gumawa ng iba pang mga proyekto. Sa katunayan, nang ma-stroke siya, nasa garahe siya na may hawak na liyabe sa isang kamay niya na may kalyo, na nagtatrabaho gaya ng karaniwan.

Nagpasiya akong magkumpuni rin ng mga kotse. Ang paggawa nito ay tumutulong sa akin na mapalapit sa kanya. Bumaling din ako sa panalangin at sa mga banal na kasulatan, kung saan nakadama ako ng kapayapaan na sumulong nang may pananampalataya at pag-asa sa kanyang pagkawala.

“May pagkabuhay na mag-uli,” paalala sa akin ng propetang si Abinadi, “kaya nga, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang hapdi ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.” (Mosias 16:8).

Ang pagkamatay ng lolo ko ay nakatulong sa akin na magkaroon ng pananaw para maging mas makabuluhan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay ko. Tulad ng pagpupugay ko sa lolo ko sa pagkumpuni ng mga kotse, natanto ko na nagpupugay rin tayo kay Jesucristo—at nadaramang malapit tayo sa Kanya—habang sinisikap nating mamuhay ayon sa Kanyang pamumuhay, pag-aaral ng Kanyang mga salita, pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo, at paggawa ng “mga gawa ng [Kanyang] Ama” (Juan 10:37). Ang paggawa nito ay nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at nagpapaibayo ng ating tiwala sa Kanya.

“Kapag umiiyak tayo sa pighati o kagalakan, lubos itong nauunawaan ni Jesucristo,” pagtuturo ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Maaaring nariyan Siya sa mga sandaling lubos nating kailangan ang mga dakilang kaloob ng kawalang-hanggan: Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Pagkabuhay na Mag-uli, pagpapanumbalik.”

Ginawa ni Jesucristo na kagalakan ang aking dalamhati. Dahil sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, alam kong makikita kong muli ang lolo ko.