Liahona
Pinagpapala ang Lahat ng mga Pamilya sa Mundo
Marso 2026 Liahona


“Pinagpapala ang Lahat ng mga Pamilya sa Mundo,” Liahona, Mar. 2026.

Pinagpapala ang Lahat ng mga Pamilya sa Mundo

Kung susundin at ibabahagi natin ang plano ng ating Ama sa Langit para sa mga pamilya, sasamahan Niya tayo, palalakasin tayo, at sasamahan tayo sa ating paglalakbay pabalik sa Kanya.

paglalarawan kay Jacob na nagkakaroon ng pangitain

Jacob’s Dream at Bethel [Panaginip ni Jacob sa Betel], ni J. Ken Spencer

Kamakailan, dumalo kami ni Sister Uchtdorf sa binyag ng isa sa aming mga apo sa tuhod. Habang minamasdan namin ang maraming henerasyon na masayang ipinagdiriwang ang pangyayaring ito, nakadama kami ng matinding pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang plano ng kaligtasan para sa Kanyang mga anak. Nadama namin kung gaano kahalaga sa Kanya ang pamilya at mga sagradong tipan mula pa sa simula.

Ang kahalagahang iyan ay makikita sa salaysay sa Lumang Tipan tungkol sa matapat na si Jacob, na matagal at nahirapan sa paglalakbay para makahanap ng asawa, magpakasal sa loob ng tipan, at bumuo ng pamilya. Isang gabi, tumigil si Jacob para magpahinga pero mga bato lamang ang kanyang naging unan. Siguro pagod-na-pagod na siya dahil nakatulog pa rin siya—at nanaginip.

Habang nasa isip niya ang karapat-dapat na mga mithiin ng kasal sa tipan at pamilya, nakakita si Jacob ng “isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.

“At ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac” (Genesis 28:12–13).

Pagkatapos ay gumawa ang Panginoon ng ilang mahahalagang pangako sa tipan kay Jacob—mga pangako rin na ginawa Niya sa ama ni Jacob na si Isaac, at sa kanyang lolo, si Abraham, kabilang na ang:

  • Mga pangako na si Jacob ay magiging ama ng “isang malaking bansa” (Genesis 28:3; tingnan din sa talata 14).

  • Mga ipinangakong lupain para sa mga inapo ni Jacob (tingnan sa Genesis 28:4, 13).

  • Mga pangako na sa pamamagitan ni Jacob at ng kanyang “binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa” (Genesis 28:14; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Napakasagrado ng karanasan ni Jacob kaya sinabi niya: “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito. … Ito’y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit” (Gen. 28:16–17). Kaya nga, pinangalanan ni Jacob ang lugar na Beth-el, na ibig sabihin ay “bahay ng Diyos” (Genesis 28:19, footnote a).

Kinailangan sa mga ipinangakong pagpapalang ibinigay sa panaginip ni Jacob na umakyat siya sa tunay na buhay. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hindi mahirap makita ang kaugnayan sa panaginip ni Jacob, sa mga tipan ng Panginoon, at sa bahay ng Panginoon. Ang mga templo ay katulad ng hagdan na nakita ni Jacob. Pinag-uugnay ng mga turo, ordenansa, at tipan ng bahay ng Panginoon ang langit at lupa. Ang mga tipan ay maikukumpara sa mga baitang sa hagdan na naglalapit sa atin sa Panginoon. At, sa mga sagradong paglilingkod na ibinibigay natin sa mga banal na templo, pinagpapala natin “ang lahat ng mga pamilya sa mundo”—noon, ngayon, at sa hinaharap.

“Napakagandang Tuklas!”

Minsan ay nakatanggap si Elder Bruce C. Hafen, isang emeritus na miyembro ng Pitumpu, ng tawag sa telepono mula sa patnugot ng isang national news magazine. Gusto ng patnugot na pag-usapan ang tungkol sa isang aklat kamakailan na nagsaliksik sa kasaysayan ng mga paniniwala tungkol sa langit sa iba’t ibang relihiyon.

“Natuklasan ng mga awtor na ang mga tao ay nakadarama ng malawakang pagkagutom hinggil sa langit—at sa mga pamilya sa langit,” pagsulat ni Elder Hafen. Pero kahit karamihan sa mga tao ay naniniwala pa rin sa kabilang-buhay, walang-hanggang pagmamahal, at mga reunion ng pamilya sa langit, “kakaunti ang sagot ng karamihan sa mga simbahang Kristiyano tungkol sa kagutuman na ito”—na may isang eksepsiyon: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas, mayroon tayong mga sagradong templo. Mayroon tayong walang hanggang kasal, na may awtoridad na magbuklod na nagpapala hanggang sa kabilang-buhay. Ipinangako sa atin ang walang-hanggang hinaharap kasama ang mga mahal natin sa buhay sa piling ng Ama at ng Anak. Dahil sa lahat ng ito, nagtapos ang mga awtor sa pagsasabi na ang konsepto ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa langit ang pinakakumpleto—at, idaragdag ko, ang pinakamasaya.

“Napakagandang tuklas!” puna ni Elder Hafen. “Hangad ng karamihan sa mga tao ngayon na magkaroon ng mga walang-hanggang pamilya, at ang [ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo] ang sagot sa hangarin nilang iyon kumpara sa iba pang mga ideya [o paniniwala ng relihiyon]. Sana marinig ng buong mundo ang pagkanta [ng ating] mga anak ng masayang balita: ‘Ang pamilya ay magsasama-sama magpakailan pa man.’”

Ang mga pamilya ay hindi lamang isang kumbinyenteng pagsasaayos sa lipunan. Ang mga ito ang walang-hanggang huwaran ng langit. Ang mga ito ang “sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nilikha [ng Panginoon] ang mundo [upang] magkaroon tayo ng pisikal na katawan at bumuo ng mga pamilya. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan para dakilain ang mga pamilya. Naglalaan Siya ng mga templo upang ang mga pamilya ay magkasama-sama magpakailanman.”

Pero ang interes natin sa matatag na mga pamilya ay hindi lamang tungkol sa mga walang-hanggang tadhana. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng pamilya sa ating mortal na kaligayahan. Ang ating Ama sa Langit, na lubos na nakakaalam kung ano ang naghahatid ng kaligayahan ngayon at sa walang-hanggan, ay isinusugo ang Kanyang mga anak sa mga pamilya—kahit hindi perpekto—at inaanyayahan tayong bumuo at pangalagaan ang matatag na pamilya. Siyempre pa, ang “kapansanan, kamatayan, o iba pang mga kalagayan ay maaaring magpabago sa pag-akma ng bawat isa.” Pero walang makahahalili sa mahalaga at itinalagang responsibilidad ng Diyos sa mag-asawa, ama at ina.

Ang paghahanap sa “tunay na pamilya na nabibigkis, at may dalawang-magulang” ay patuloy na nagpapakita na ang pamilya ay kailangan para maipreserba ang “matinding bigkis ng pag-ibig at pagmamahalan.” Ito ang “pangunahing incubator para sa mga taong matatag, naka-adjust nang mabuti, at nakikihalubilo.”

Masigasig na mga Tagapagtanggol ng Pamilya

Mangyari pa, hindi tayo dapat magulat na may isang bagay na napakahalaga sa plano ng Diyos na mahaharap sa oposisyon. Hindi kailanman naging mabait sa pamilya ni Satanas, at ang kanyang mga pagsisikap ay lalong nagiging agaran “palibhasa’y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon” (Apocalipsis12:12). Tulad ng sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Alam ni Satanas na ang pinakatiyak at pinakamabisang paraan para masira ang gawain ng Panginoon ay bawasan ang bisa ng pamilya at kabanalan ng tahanan.”

Batid ang nalalaman natin tungkol sa walang-hanggang pamilya ng Diyos, ang Kanyang plano para sa Kanyang mga anak, at ang walang-hanggang kahalagahan ng mga ugnayan ng pamilya, dapat tayong mapabilang sa pinakamasipag na mga tagapagtanggol ng pamilya sa mundo.

Paano natin ito magagawa?

Ibinigay ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang payong ito: “Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak … ang muling pagbibigay-diin ng Panginoon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na kailangan natin upang matulungan tayo sa kasalukuyang mga hamon sa pamilya.”

Sa ating personal na buhay, magagawa natin ang “maliliit at mga karanwalang bagay” (Alma 37:6) na nagpapatatag sa mga ugnayan ng pamilya. Kabilang dito ang pagsunod sa mga alituntunin ng matagumpay na mga pamilya at pagsasama ng mag-asawa na nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.” Anuman ang sitwasyon natin sa pamilya ngayon, maipapakita natin sa ating mga kilos na ang mga ugnayan ng pamilya ay mahalaga sa atin sa walang hanggan.

Bilang “mga responsableng mamamayan” sa ating komunidad, maaari nating “itaguyod ang mga hakbang na dinisenyo para mapanatili at mapalakas ang pamilya.”

Tayo ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa mga huling araw. Tayo ay mga tagapagmana ng mga pangakong ginawa kina Abraham, Isaac, at Jacob—mga pangakong may kinalaman sa mga pamilya. Ang mga pangakong iyon ay kasama ng sagradong panawagan na pagpalain “ang lahat ng mag-anak sa mundo.” At ang isang mahalagang paraan para magawa natin iyan ay sa pamamagitan ng pamumuhay, pagtatanggol, at pagbabahagi ng walang-hanggang katotohanan na “ang mag-anak ay inorden ng Diyos” at “ang mga ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ay ginagawang posible na makabalik ang mga indibiduwal sa piling ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama magpakailanman.”

“Ako’y Sumasaiyo”

Habang minamasdan namin ni Sister Uchtdorf ang mga miyembro ng aming pamilya na gumagawa ng mga sagradong tipan sa ating mapagmahal, walang hanggang Ama sa Langit, puno ng kagalakan at pasasalamat ang aming puso. Nagagalak kami hindi lamang sa mga anak namin at sa kanilang mga anak kundi maging sa aming mga magulang at sa kanilang mga magulang. Pinagninilayan natin nang may matinding pagmamahal kung paano tayo pinagkakaisa ng mga tipan ng ebanghelyo sa iba’t ibang henerasyon. Ito ay isang karanasan na hindi tulad ng nakikita “isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay [umaabot] sa langit: at ang mga anghel ng Diyos ay namamanhik-manaog doon” (Genesis 28:12).

Ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Jacob sa kanyang panaginip ay ibinibigay sa lahat ng Kanyang mga pinagtipanang anak—pati na sa inyo at sa akin. Tulad ng ginawa ng Panginoon para kay Jacob, sasagutin Niya tayo “sa araw ng [ating] kabalisahan” (Genesis 35:3) kung pipiliin natin Siya.

“Alamin mo,” sabi ng Panginoon, “Ako’y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, … sapagkat hindi kita iiwan” (Genesis 28:15).

Tulad ni Jacob, lahat tayo ay may ilang na tatawirin. Kung minsan parang malayo ang mga ipinangakong pagpapala. Kapag dumarating ang mabibigat na problema o hamon, maaari nating pagdudahan ang pagmamahal ng Panginoon. Maaari pa nating madama na pinabayaan na tayo ng Diyos. Sa kabila ng pinakamatitinding pagsisikap natin sa pagiging disipulo, maaaring madama natin na hindi natin natatanggap ang mga pagpapalang inaasam natin.

Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, ang landas ng tipan ay isang masayang landas, bagama’t kung minsan ay maaari itong mamantsahan ng mga luha. Kung nadarama mo na hindi natutupad ang mga bahagi ng plano ng kaligayahan sa buhay mo ngayon, magtiwala lamang na inaalala ka ng Panginoon at pagpapalain ka sa Kanyang takdang panahon, ayon sa Kanyang karunungan.

Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga pangako ay naghihikayat sa atin na umasa sa hinaharap, hindi ang lumingon sa nakaraan. Dahil sa Kanya, hindi kailangang maging bihag ang ating hinaharap ng anumang nangyari sa nakaraan o ng humahadlang sa ating pananaw ngayon. Oo, lahat tayo ay, o mararanasang masugatan sa ibang paraan. Pero naniniwala tayo sa Dakilang Manggagamot. Nagtitiwala tayo sa Kanya—nang sapat, sa katunayan, kaya tinatanggap natin ang Kanyang mga pangako, na lubos na “nahihikayat ng mga ito,” kahit na “malayo pa” ang mga ito (Mga Hebreo 11:13).

“Ngunit pinapaalalahanan tayong lahat na, sa paraan at panahon ng Panginoon, walang mga pagpapalang ipagkakait sa Kanyang matatapat na Banal,” sabi ni Pangulong Nelson. “Ang Panginoon ang hahatol at magbibigay-gantimpala sa bawat tao batay sa taos na hangarin ng puso at gawa.”

Ipinapangako ko na sa pagsunod at pagbabahagi natin ng plano ng ating Ama sa Langit para sa mga pamilya, sasamahan Niya tayo, palalakasin tayo, at sasamahan tayo sa ating paglalakbay. Hindi Niya tayo iiwang mag-isa, lalo na kapag dumarating ang mga pagsubok sa atin o sa ating mga mahal sa buhay. Bubuhatin Niya tayo, pasisiglahin, at dadalhin tayo sa lupang pangako ng ganap na kagalakan kasama Niya, kasama ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at ang ating pamilya—sa walang hanggan.