Liahona
Ang Masayang Balita
Marso 2026 Liahona


“Ang Masayang Balita,” Liahona, Mar. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Masayang Balita

Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, alam kong makikita kong muli ang aking kaibigan.

paglalarawan sa retrato ng dalawang babae

Paglalarawan ni Briana Kranz

Bilang magkapitbahay, nagkakilala kami ni Maritza noong bata pa kami. Bagaman mas matanda siya nang ilang taon, naging mabuting magkaibigan kami at talagang malapit kami sa isa’t isa.

Noong ako ay 19 at talagang nangailangan ng patnubay, ipinakilala niya sa akin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga full-time missionary. May kaunti na akong alam tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa aking tiyo at lola. Sila ang mga unang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya.

Kasama ko si Maritza sa buong conversion ko, tinulungan akong magkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, at hinawakan ako sa kamay sa tuwing kailangan ko siya.

Natutuhan ko sa kanya ang kagalakan ng pamumuhay ng ebanghelyo sa simpleng paraan at may determinasyon. Humanga ako sa kanyang pakikisalamuha, paraan na pinagsasama niya ang pamilya at mga kaibigan, at sa tiyaga sa pagkakamit ng mga temporal at espirituwal na mithiin. Natutuhan ko mula sa kanya na kapag natagpuan natin ang katotohanan, dapat nating isagawa ang natutuhan natin, sundin ang mga kautusan at ipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo sa ating buhay at pamilya. Upang manatiling tapat, dapat tayong maging matapang sa ating patotoo at sikaping kumapit nang mahigpit sa ating pananampalataya, sa kabila ng hirap at pagsubok.

Noong 2010, namatay si Maritza sa isang aksidente. Malungkot na sandali iyon para sa akin, pero alam ko na dahil sa plano ng kaligtasan at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makikita ko siyang muli. Alam ko na kung saan siya naroroon ngayon na masayahin pa rin siya at may pagkukusa gaya noong narito siya sa lupa.

Alam ko na itong “kalagayan ng pagsubok” (Alma 12:24) ay hindi lamang ganito. Alam ko na makikita nating muli ang ating pamilya at mga kaibigan sa kabilang panig ng tabing. Makikita natin sila, babatiin sila, at magkakasamang muli. Mararanasan natin ang damdamin ding iyon ng pagmamahal natin sa isa’t isa sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:2). Naroon ang mga kapamilya ko. Alam ko na naroon din si Maritza.

Masayang nakipag-usap si Maritza sa lahat ng tao sa lupa tungkol sa ebanghelyo. Sigurado ako na ganoon din ang ginagawa niya sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:57). Itinuro niya ang tungkol sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang masayang balita na dahil sa Kanya at sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo, makababalik tayo sa Kanyang piling at ng Ama upang mamuhay bilang mga pamilya sa walang-hanggan.

Tala

  1. Tingnan sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 ed. (1939), 461.