“Sa Kanyang Gawain,” Liahona, Mar. 2026.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Sa Kanyang Gawain
Hindi ko alam kung paano sasabihin sa isang pamilya na pumanaw ang kanilang anak na babae hanggang sa tulungan ako ng Espiritu Santo.
Paglalarawan ni Briana Kranz
Kung ang pinakamalungkot na karanasan ng tao ay tiisin ang kalunus-lunos at di-inaasahang pagkawala ng isang mahal sa buhay, palagay ko ang pangalawang pinakamahirap na karanasan ay maaaring mangyari kapag ang first responder ay tumingin sa mga mata ng isang ina at ama at sasabihin sa kanila na namatay ang kanilang anak.
Isang umaga ay ipinadala ako para ipaalam sa isang pamilya na namatay ang kanilang bunsong anak na babae habang nagmamaneho ito pauwi mula sa kolehiyo. Nakatulog siya habang nagmamaneho at agad na namatay nang lumihis ang kotse niya sa daan at bumangga nang ubod ng lakas. Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay noon.
Natakot ako sa sakit na maaaring idulot ko sa pamilyang ito. Sa kakaibang paraan, halos para bang sa pagbabalita nito sa pamilya, kahit paano ay may responsibilidad ako.
Pinindot ko ang doorbell, at lumapit ang isang lalaki. Nagtugma ang aming mga mata sa munting bintana sa pintuan. Natigilan siya, bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Alam niya na ang presensiya ko ay nagpapaliwanag kung bakit wala ang kanyang anak. Bigla akong nakatanggap ng espirituwal na pahiwatig:
“Jason, kalimutan mo ang iyong sarili. Ikaw ay nasa aking gawain at may karapatan kang gamitin ang aking kapangyarihan. Gamitin mo ito. Magtiwala ka rito. Gagabayan ka ng Espiritu Santo na maghatid ng pang-unawa at desisyon sa mga taong nababagabag o nalilito.”
Binuksan ng lalaki ang pinto na medyo nanginginig ang mga kamay. Napalitan ng espirituwal na tiwala ang pag-aatubili ko nang magpakilala ako at nagtanong kung puwede akong pumasok. Bagaman pinalakas ng Espiritu, labis na nasaktan ang puso ko para sa kanya. Gusto kong makibahagi sa kanyang pagdadalamhati, tumangis na kasama niya, at umiyak na kasama niya (tingnan sa Mosias 18:8–9), na nadarama na makakabawas iyon sa kanyang pagdurusa.
Naglakad kami sa isang maikling pasilyo papunta sa isang silid kung saan nakatipon ang kanyang asawa at mga anak. Napalakas ng Espiritu Santo, nakadama ako ng tiwala at kalinawan ng isipan. Sinagot ko ang kanilang mga tanong at pagkatapos ay nagpatotoo ako na dahil kay Jesucristo, sa Kanyang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli, makikita nilang muli ang kanilang anak.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, ang pananampalataya ko ay naging pagtitiwala sa Panginoon. Umasa ako na ganoon din sana ang sa kanila.
Itinuro ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu, “Kung minsan ang pinakamainam na paraan para matutong magtiwala sa Diyos ay sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala sa Kanya.”
Ang pagtitiwala sa Panginoon ay nakatulong sa akin na magkaroon ng lakas na tulungan ang iba. Pinalakas din nito ang aking patotoo at nagbigay-daan para sa napakaraming pagkakataong maglingkod sa iba para sa Kanya.