Liahona
Jose ng Arimatea: Mabubuting Hangarin at mga Himala ng Diyos
Marso 2026 Liahona


“Jose ng Arimatea: Mabubuting Hangarin at mga Himala ng Diyos,” Liahona, Mar. 2026.

Nakilala Nila ang Tagapagligtas

Jose ng Arimatea: Mabubuting Hangarin at mga Himala ng Diyos

Sino si Jose ng Arimatea, at ano ang matututuhan natin mula sa kanyang papel na ginagampanan sa kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay?

paglalarawan kay Jose ng Arimatea

Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin

Mahalaga ang ginampanang papel ni Jose ng Arimatea sa kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay, na tumulong sa Panginoon na makamtan ang pinakamalaking tagumpay sa kasaysayan ng sangkatauhan. Nang ipako sa krus si Jesucristo, si Jose ay “may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus” (Marcos 15:43). Matapos talikuran ng napakaraming tao ang Panginoon sa oras ng Kanyang kawalan ng pag-asa, ano ang nagtulak kay Jose para manatili at makibahagi sa napakahalagang yugto ng sakripisyo ng Tagapagligtas?

Ang kanyang katapatan ay tila salungat sa kanyang katayuan bilang mayamang tagapayo sa Sanhedrin, ang konseho ng mga Judio na binubuo ng mga Fariseo at Saduceo na humatol ng kamatayan kay Cristo (tingnan sa Mateo 27:1, 57). Bukod pa rito, inilihim ni Jose ang kanyang pagiging disipulo ni Cristo “dahil sa takot sa mga Judio” (Juan 19:38).

Gayunpaman, sa huli, kitang-kita ang kanyang katapatan. Siya ay “hindi sang-ayon sa [panukala at gawa nila]” na gustong mahatulan ng kamatayan ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 23:50–51). At matapos mamatay ang Tagapagligtas, ibinalot ni Jose ang katawan ng Panginoon sa lino at inilagay ito sa kanyang sariling bagong libingan (tingnan sa Mateo 27:59–60; Lucas 23:52–53). Katuparan ito ng propesiya na ang libingan ni Cristo ay makakasama ng mayayaman (tingnan sa Isaias 53:9).

Siya ay Nabuhay

Sa pagbibigay ng kanyang libingan para paglibingan ng Tagapagligtas, tumulong si Jose ng Arimatea na matupad ang propesiya at naghanda ng daan para sa mahimalang pagsaksi sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Sa ikatlong araw matapos ang Pagpapako sa Krus, natagpuan ng mga alagad ni Cristo na walang laman ang libingan, at ipinahayag ng tinig ng anghel, “Wala siya rito; sapagkat siya’y binuhay” (Mateo 28:6).

“Ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo ay nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan at sa Kanyang pagdaig sa lahat ng bagay,” pagtuturo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Pinatototohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Muli na, sa ating pakikipagtipan sa Kanya, maaari [din] nating madaig ang lahat ng bagay at maging isa. Pinatototohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Muli na sa pamamagitan Niya, ang imortalidad at buhay na walang-hanggan ay tunay.”

Maaaring hindi alam ni Jose ang ibinigay niya noong unang Pasko ng Pagkabuhay na iyon nang higit pa sa hangarin niyang magpitagan kay Jesucristo. Pero ginamit ng Panginoon ang mabubuting hangarin ni Jose bilang bahagi ng Kanyang pinakadakilang himala upang maging “unang bunga ng mga namatay” (1 Corinto 15:20), ang unang nagbangon mula sa mga patay.

Tulad ng pagkakaroon ni Jose ng mahalagang papel na gagampanan, bawat isa sa atin ay maaaring maging kasangkapan sa mga kamay ng Ama sa Langit. Ang Kanyang plano ay para sa lahat, at gagamitin Niya ang ating mga kasanayan, karanasan, at sitwasyon para isulong ang Kanyang dakilang gawain. Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, maaari nating alalahanin ang mensaheng ito at hanapin si Jesucristo, na isinasakripisyo ang makakaya natin para makatulong na itayo ang Kanyang kaharian at hayaang matupad ang Kanyang mga himala sa ating buhay.

Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Iisa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2023, 79–80.