“Tomas: Pagkakaroon ng Pananampalataya sa Buhay,” Liahona, Mar. 2026.
Nakilala Nila ang Tagapagligtas
Tomas: Pagkakaroon ng Pananampalataya sa Buhay
Ipinapakita sa atin ng kuwento ni Tomas na ang pagtatanong, pagtitiyaga, at pagkakaroon ng patotoo ay bahagi ng pagpapalago ng ating pananampalataya at paniniwala.
Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin
Ano ang naiisip mo kapag narinig mo ang pangalan ng disipulo ng Tagapagligtas na si Tomas? Kadalasan ay iniuugnay natin ang kanyang pangalan sa “nagdududa” o “pagdududa.”
Pero hindi lamang gayon si Tomas. Sa Ebanghelyo Ayon kay Juan, nakikita natin ang pagkakaroon ng pananampalataya ni Tomas na maaaring katulad ng sa atin: Mapapalakas ang pananampalataya sa paglipas ng panahon kapag tayo ay naniwala at kumilos para maragdagan ang ating pananampalataya.
Ayos Lamang na Magkaroon ng mga Tanong
Tinawag ni Jesucristo si Tomas na maging isa sa Kanyang Labindalawang Apostol, at sinunod ni Tomas ang Tagapagligtas sa buong tatlong-taong ministeryo Niya. Nagkaroon siya ng tapat na pagmamahal sa Tagapagligtas. Nang matakot si Tomas para sa buhay ng Panginoon, hinimok niya ang iba pang mga Apostol, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya” (Juan 11:16).
Sa kanyang katapatan, mayroon pa rin siyang mga tanong. Bago ang Getsemani, ipinaalam ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na aalis na Siya. Tanong ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
Sagot ni Jesucristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:5–6).
Tulad ni Tomas, maaaring hindi natin maunawaan ang lahat ng turo ng Diyos o ang bawat aspeto ng plano ng kaligtasan. Pero ang pagtatanong ng mabubuting bagay ay maaaring maghayag ng katotohanan mula sa Panginoon. Kailangang palaguin ang ating pananampalataya.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala. …
Ang inyong tapat na mga pagtatanong, nang may pananampalataya, ay laging hahantong sa mas malaking pananampalataya at dagdag na kaalaman.”
Pananampalataya Bersus Takot
Nang marinig ng mga Apostol na nagbangon na si Jesus mula sa mga patay, ito ay “inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan” (Lucas 24:11). Ang panahon ng pagdududa ni Tomas ay maaaring mas nagtagal kaysa sa iba dahil wala siya roon nang unang magpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa kanila (tingnan sa Juan 20:24).
Matapos nilang sabihin kay Tomas na nakita nila ang Tagapagligtas, sumagot siya, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala” (Juan 20:25).
Pagkaraan ng walong araw, muling nagpakita ang Panginoon at sinabihan si Tomas na damhin ang Kanyang mga sugat. Bilang tugon, sinabi ni Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko” (Juan 20:28). Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas ang isang mahalagang katotohanan: “Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” (Juan 20:29).
Dumarating talaga ang mga sagot. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindawalang Apostol, “Bawat taimtim na panalangin ay dinirinig at sinasagot ng ating Ama sa Langit, pero ang mga sagot na ating natatanggap ay maaaring hindi ang ating inaasahan o hindi dumating ayon sa ating panahon o sa paraang inaasam natin.”
Paniniwalang Tumatagal
Kapag nakatanggap tayo ng mga sagot sa pamamagitan ng pagtitiis, panalangin, at paghahayag, maaari din tayong magtamo ng paniniwala—ng patotoo. Kung patuloy nating pangangalagaan ang ating pananampalataya, ang patotoong iyan ay maaaring manatili sa atin habambuhay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating. Iyan ang gagawin sa inyo ng personal na paghahayag.”
Ipinapakita sa atin ng karanasan ni Tomas na ang pananampalataya ay hindi destinasyon kundi isang proseso. Iginagalang ng Diyos ang prosesong iyan at pinagpapala tayo kapag nananatili tayong bukas sa Kanyang patnubay at naghahangad ng patotoong nangungusap ng kapayapaan sa ating puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63).