“Ang Mataas na Saserdoteng si Caifas,” Liahona, Mar. 2026.
Nakilala Nila ang Tagapagligtas
Ang Mataas na Saserdoteng si Caifas
Nabulag ng mga makamundong hangarin, at sa kabila ng maraming oportunidad, hindi niya nagawang makilala ang Mesiyas.
Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin
Matapos buhayin ng Tagapagligtas si Lazaro mula sa mga patay, nagpatawag ng pulong ang pinakamakapangyarihang mga pinunong Judio para pagpasiyahan kung ano ang gagawin kay Jesus. Natakot sila na maging popular Siya sa mga tao dahil gumawa Siya ng maraming himala. (Tingnan sa Juan 11:47.)
Pinamunuan ni Caifas ang pulong na ito bilang namumunong mataas na saserdote at pinuno ng Sanhedrin, ang namamahalang pangkat ng mga Judio sa panahon ng pananakop ng mga Romano. Bilang high priest, pinangasiwaan niya ang mga ordenansa sa templo na nilayong ituro si Cristo.
Pero nang dumating si Cristo, hindi niya nakilala ang Tagapagligtas. Ang mas malala pa, nakipagsabwatan siyang patayin si Cristo. Isa ito sa malalaking kabalintunaang nakatala sa Bagong Tipan.
Mga Salita ng Propeta
Sa kabila ng malaking papel na kanyang ginampanan, kaunti lang ang alam ng tao tungkol kay Caifas. Siyam na beses lamang siyang binanggit sa Bagong Tipan. Siya ang liaison sa pagitan ng mga Judio at Romano. Isa siyang Saduceo, isang sektang Judio noong panahon ni Cristo na hindi naniwala sa pagkabuhay na muli (tingnan sa Mga Gawa 23:8).
Nagsalita si Caifas sa kapulungan matapos ibangon ni Cristo si Lazaro mula sa mga patay, isang himalang maaaring nakabagabag sa kanya at sa iba pang mga Saduceo dahil sa kanilang mga paniniwala.
Ipinalagay ng kapulungan na kung wala silang ginawa bilang tugon sa bantog na himalang ito, maniniwala ang mga tao na si Jesus ang Mesiyas, ang Hari ng mga Judio, “[at] darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa” (Juan 11:48).
“Wala talaga kayong nalalaman,” sagot ni Caifas, “[ni] hindi ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa [atin] na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa” (Juan 11:49–50).
Napansin ni Apostol Juan na “hindi ito sinabi [si Caifas] mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinapakapunong [saserdote] nang panahong iyon [na] siya’y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa[ng iyon];
“At hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay” (Juan 11:51–52).
Paghatol
Muling lumitaw ang pangalan ni Caifas sa Bagong Tipan nang litisin si Cristo bago Siya ipinako sa Krus.
“At sinabi ng pinakapunong [saserdote] sa kanya, Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos” (Mateo 26:63).
Pinagtibay ni Jesus na Siya nga: “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit” (Mateo 26:64). Bilang sagot dito, muling tinalikuran ni Caifas ang Tagapagligtas. “Nang magkagayo’y pinunit ng pinakapunong [saserdote] ang kanyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kalapastanganan” (Mateo 26:65).
Bagama’t nasa harapan ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ang inorden noon pa man na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan at danasin ang lahat ng pasakit, kalungkutan, at paghihirap, hindi kinilala ni Caifas na si Jesus ang Cristo, at hinatulan niya Siya.
Buhay ang Anak ng Diyos
Muling binanggit si Caifas sa Biblia sa Mga Gawa 4. Nakasaad sa talaan kung paano pinagaling ni Apostol Pedro ang isang lalaking lumpo mula nang isilang (tingnan sa Mga Gawa 3:1–8). Pagkatapos, habang nangangaral sila ni Juan tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Cristo, dinakip sila sa ilalim ng awtoridad ng Sanhedrin. Magdamag silang ibinilanggo at dinala sa harap ng kapulungan na kinabilangan ni Caifas at ng biyenan nitong si Anas, ang dating mataas na saserdote. (Tingnan sa Mga Gawa 4:1–6; tingnan din sa Juan 18:13.)
Nang tanungin kung anong awtoridad ang ginamit nila sa pagpapagaling sa lalaki, sumagot si Pedro: “Dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay, [dahil sa kanya ay nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang buo]” (Mga Gawa 4:10).
Ito ang huling itinalang oportunidad ni Caifas para tanggapin si Cristo. Sa halip, binantaan ng kapulungan sina Pedro at Juan. Pero hindi binago ng kanilang mga banta ang katotohanan na si Cristo ay buhay. (Tingnan sa Mga Gawa 4:13–22.)
Sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ni Jesucristo, pinagaling ni Pedro ang lalaking lumpo. Gayundin, maaaring mangyari ang mga himala ngayon sa pamamagitan ng ipinanumbalik na priesthood ni Cristo at sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan. Ang aral na matututuhan natin mula kay Caifas ay simple. Hindi niya tinanggap si Jesus bilang Cristo, ang Anak ng Diyos, pero kaya natin Siyang tanggapin. Kapag naniwala tayo sa Kanya, susunod ang mga tanda, kababalaghan, at himala (tingnan sa Marcos 16:17–18).