“Ang Daan Papuntang Emaus: Isang Paglalakbay Tungo sa Paghahayag at Pagkilala,” Liahona, Mar. 2026.
Nakilala Nila ang Tagapagligtas
Mga Disipulo sa Daan Papuntang Emaus: Isang Paglalakbay Tungo sa Paghahayag at Pagkilala
Katulad ng naranasan ng mga disipulong ito, ang ating puso ay maaaring mag-alab sa ating kalooban bilang saksi sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas.
Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin
Araw ng Linggo, kinahapunan ng Pagkabuhay na Muli, nilalakad ng dalawang disipulo ang walong milya (13 km) mula Jerusalem hanggang Emaus. Malungkot ang araw na iyon—malungkot ang ilang araw.
Mabigat ang puso nila. Puno ng pagkamangha at lungkot ang kanilang isipan. Pinag-usapan nila si Jesus ng Nazaret—ang Kanyang kamatayan, ang mga bulung-bulungan tungkol sa Kanyang pagbangon, at ang masakit na kawalang-katiyakan kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito.
Habang naglalakad sila, isang dayuhan ang sumingit sa kanilang pag-uusap. Si Jesus iyon, bagama’t hindi nila Siya nakilala. Hindi nakamulat ang kanilang mga mata at malabo ang kanilang pang-unawa. Tanong ng dayuhan, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad [at bakit kayo nalulungkot]?” (Lucas 24:17).
Sumagot ang isa sa mga disipulo na si Cleopas na namamangha na may taong walang-alam sa mga nangyari, na hindi nalalaman ang malalaking pangyayaring nagpayanig sa Jerusalem sa Sabado’t Linggong iyon. “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”
“Ano ang mga bagay?” tanong ni Jesus.
Ang sagot nila ay taos-puso at mabilis: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan” (Lucas 24:18–19). Sinabi nila na nagtiwala sila na tutubusin ni Jesus ang Israel, pero ikatlong araw na iyon mula nang Siya ay mamatay. At bagama’t may ilang babaeng nagbalita ng pagdalaw ng mga anghel na nagpapahayag na Siya ay buhay, hindi Siya nakita ng mga Apostol na nagpunta para magsiyasat.
Pagkatapos ay nagsalita si Jesus—hindi bilang dayuhan kundi bilang isang guro. “O napakahangal naman ninyo at napakakupad [ng inyong] puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta” (Lucas 24:25). Ipinaliwanag Niya sa kanila ang mga banal na kasulatan, mula kay Moises at sa lahat ng propeta, na naghahayag ng mga bagay tungkol sa Kanyang sarili. Isipin ninyo na kunwari’y naglalakad kayo nang ilang oras na kasama ang Anak ng Diyos, ang Panginoon ng buhay, na naririnig Siya na binibigyang-kahulugan ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas. Nagsimulang maglaho ang lungkot nila, at napalitan iyon ng pagkamangha at pagkaantig.
Manatili sa Amin
Habang papalapit sila sa Emaus, parang magpapatuloy pa si Jesus. Pero pinakiusapan nila Siya, “[Manatili] sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw” (Lucas 24:29). Nanatili Siyang kasama nila, umupo, at nagputul-putol ng tinapay.
Tungkol sa sumunod na nangyari, isinulat ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaaring may isang bagay sa kataimtiman ng pagbasbas, o sa paraan ng pagpuputul-putol at pamamahagi ng tinapay, na bumuhay sa mga alaala ng nakaraang mga araw; o, marahil, nakita nila ang mga butas na kamay; ngunit, anuman ang agarang dahilan, tumingin sila sa kanilang Panauhin, ‘at nabuksan ang kanilang mga mata, siya’y nakilala nila; at siya’y nawala sa kanilang mga paningin’ [Lucas 24:31].”
Sa sumunod na sandali, bumaling sila sa isa’t isa at sinabi nila, “Hindi ba [nag-alab] ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y [kausap] niya sa daan, [at nang buksan] niya sa atin ang mga kasulatan?” (Lucas 24:32). Ang pag-aalab na iyon ay hindi pagkalito o takot—iyon ay pagkilala. “Ang mga damdaming inilarawan nang gayon ay ang tiyak na patotoo sa pagiging Anak ng Diyos,” pagtuturo ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Ang Sarili Nating Daan Papuntang Emaus
“Ano kaya ang sasabihin Niya sa iyo kung kaya mong maglakad at makipag-usap sa Kanya?” tanong ni Elder Patricio M. Giuffra ng Pitumpu.
Tulad ng mga disipulo, maaaring hindi natin mapansin na kasama nating naglalakad ang Tagapagligtas, sabi niya. “Maaaring hindi natin nakikita kung paano Siya namamalagi sa piling natin, nagsisikap na kasama natin, nakikipagtulungan sa atin, at umiiyak na kasama natin.” Ang mga panggagambala sa buhay—mga pagsubok man o tagumpay—ay maaaring ikubli ang Kanyang presensya.
Bawat isa sa atin ay naglalakad sa sarili nating daan papuntang Emaus. Sa landas na iyon, nahaharap tayo sa karamdaman, kahinaan, problema sa pera, o maging sa pagmamataas na maaaring idulot ng tagumpay. Subalit hindi natin kailangang maglakad nang mag-isa, sabi ni Elder Giuffra. “Maaari nating hilingin sa Tagapagligtas na samahan tayo.”
Habang natututo tayo tungkol kay Cristo, sumusunod sa Kanyang mga utos, nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, sumusunod sa mga buhay na propeta, at nag-aanyaya sa Kanya na manatili sa atin, unti-unti nating napapansin ang Kanyang impluwensya. Ang pakiusap ng mga disipulo—”Manatili sa amin”—ay dapat maging pakiusap natin, sabi ni Elder Giuffra. At kapag nagkagayon, mag-aalab din ang puso natin sa ating kalooban.