“Ang Paglilingkod na Katulad ni Cristo ay Nagpalambot ng mga Puso, Nagbukas ng mga Pintuan sa Corsica,” Liahona, Ene. 2026.
Ang Paglilingkod na Katulad ni Cristo ay Nagpalambot ng mga Puso, Nagbukas ng mga Pintuan sa Corsica
Sa pag-aalok ng tulong sa mga residente sa abot ng kanilang makakaya, ang mga missionary sa Islang Mediterranea na ito ay determinadong anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo.
Alam na alam ng alkalde ng Bastia na ang mga missionary na nakatayo sa harapan niya ay mga dayuhan. Nag-isip siya, bakit pumupunta ang mga binata mula sa ibang bansa at nag-aalok ng tulong sa kanyang mga tao sa isla ng Corsica?
Matapos huminto sandali, tinanggap niya ang kanilang alok at hinamon silang magpakita nang maaga kinabukasan para pinturahan ang kanyang maliit na hotel.
Tapat sa kanilang pangako, dumating ang mga binata nang alas-7:00 n.u., at sabik at handang pinturahang muli ang hotel ng alkalde sa magandang islang ito sa baybayin ng France sa Mediterranean Sea.
Nang dumating ang alkalde sa hotel kalaunan sa araw na iyon para hanapin ang mga missionary na nagtatrabaho pa rin sa ilalim ng mainit na araw, “nagulat siyang makita kami roon,” sabi ni Jake Lowry, isa sa mga missionary na naglilingkod noon.
Namangha sa kahandaan nilang magbanat ng buto para tulungan ang mga taong hindi nila kilala, nabawasan ang pasubali ng alkalde at “pinaupo kami at tinanong kung ano ang kailangan namin,” sabi ni Brother Lowry.
Ibinahagi ng mga missionary ang ebanghelyo at sinabi kung paano pagpapalain ng kanilang layunin ang mga tao sa isla ng Corsica. Isinalaysay nila ang kanilang mga paghihirap sa paghahanap ng apartment dahil sa mga residente na hindi lubos na nagtitiwala sa mga dayo. Ilang buwan bago iyon, inalis na ang lahat ng missionary sa isla para maging ligtas sila. Ngunit muli itong binuksan ng mga elder na ito para sa gawaing misyonero.
Nakinig ang alkalde sa mga elder. “Kinaumagahan,” sabi ni Brother Lowry, “nakakuha siya ng isang apartment sa magandang lugar para sa amin at sumulat ng isang magiliw na liham.”
Nang gabing iyon, matapos makalipat sa bago nilang tirahan, “dalawang bihis na bihis na kinatawan mula sa opisina ng alkalde ang dumaan para batiin kami at tiyakin sa amin na tanggap nila kami at ligtas kami sa lungsod,” sabi ni Brother Lowry.
Sa loob ng maikling panahon, nagsimulang dumalo ang alkalde at ang kanyang asawa sa mga pulong sa araw ng Linggo ng branch, kung saan tunay na nagustuhan nila ang pagkanta ng mga himno. Hindi nagtagal at nabinyagan ang buong pamilya.
Matabang Lupa
Mula sa mga simpleng simulang ito noong mga unang taon ng 1990s, nagkaugat ang Simbahan sa islang ito na kilala bilang bayang sinilangan ni Napoleon Bonaparte. Hindi nagtagal ay yumabong ang gawaing misyonero. Pagkaraan ng tatlong buwan, mahigit 40 katao na ang dumadalo sa mga serbisyo sa araw ng Linggo sa isang napakagandang lugar ng pagpupulong na isinaayos ng alkalde.
“Sa pagbabalik-tanaw, makikita natin nang malinaw ang kamay ng Panginoon sa tiyempo at paraan ng pagtatatag ng Simbahan sa isla ng Corsica,” sabi ni Richard W. Thatcher, na noon ay mission president ng France Marseille Mission, na France Lyon Mission na ngayon.
Ngunit hindi naging madali ang pagtatamo ng tagumpay sa isla. Ang naunang pagsisikap na maglagay ng mga missionary ay sinalubong ng paglaban at mga banta ng panganib. “Tumindi ang damdamin ng mga katutubong Corsican laban sa mga French noong mga unang taon ng 1990s,” sabi ni Brother Thatcher.
Ipinakita ng mga katutubong Corsican ang kanilang hinanakit sa mga dayo sa paggawa ng mga bombang gawang-bahay para wasakin ang mga negosyo at ari-arian ng mga banyaga. “Karaniwan,” sabi ni Elder Darin Dewsnup na missionary noon, “na marinig ang maraming pagsabog araw-araw sa lungsod. Hindi kami French, pero hindi rin kami Corsican.”
Binalaan ang mga missionary tungkol sa mga panganib, at nang may sumabog na bomba sa kanilang lugar, inilipat ang apat na missionary sa isla sa isa pang bahagi ng mission sa mainland France.
“Wala na sa isla ang mga missionary namin,” sabi ni Brother Thatcher, na sinasabi na ang problemang ito ay isang oportunidad para matuto at lumago.
Paglilingkod na Katulad ni Cristo ang Sagot
Para mas maunawaan ang mga layunin ng langit, nangako ang mga missionary na pag-aralan ang buhay at ministeryo ng Tagapagligtas para mas malaman ang Kanyang pamamaraan. Pinag-aralan nila ang ipinakita Niyang mga paglilingkod at habag, na kinabilangan ng pagpapakain at pagpapagaling at pagmamahal. Naisip nila na mahalaga ang paglilingkod upang makuha ang tiwala ng mga tao at makapaglingkod sa paraan ng Panginoon.
Dahil sa napanibagong tuon sa paglilingkod, tatlong missionary ang ipinadala para muling buksan ang Corsica noong Marso 1992. Sa pagkakataong ito, ipinadala sila sa ikalawang pinakamalaking lungsod ng isla, sa Bastia. Doon ay nagpasiya silang makipagkilala sa mga tao sa natural na paraan sa halip na kumatok sa mga pintuan, na kung minsa’y nagdulot ng takot sa mga residente.
“Nasagot ang aming mga dalangin. Natanto namin na ang paglilingkod ay maaaring magpakita ng aming katapatan sa komunidad at magpalambot sa puso ng mga taong tutol sa mga dayo,” sabi ni Brother Thatcher.
Nagpakilala ang mga bagong missionary sa mga residente sa pamamagitan ng pag-aalok ng tulong sa abot ng kanilang makakaya. Nagbunot sila ng mga damong ligaw sa mga hardin ng mga pamilya, nagkumpuni ng mga kotse, at sa alkalde naman, pininturahan nila ang lumang hotel nito. Madalas silang magkaroon ng mga bagong kaibigan, at pinasalamatan ng mga ito ang kanilang mga pagsisikap. Halos palagi silang pinauupo at pinaiinom ng isang baso ng “limonata” (lemonada) at sinasabihang “magkuwento kayo sa amin tungkol sa simbahan ninyo,” sabi ni Brother Thatcher. Hindi nagtagal, “lubhang nagbago ang kapalaran namin.”
Isang dating referral ang humantong sa pagpapabinyag ng pamilya Lota, na humantong pagkatapos sa isa pang referral. Nang pumasok ang mga missionary sa tahanan ng referral, ang ina ng pamilya, na matagal nang ipinagdarasal na malaman ang katotohanan, “ay lumuhod at umiyak at nagpasalamat sa Panginoon sa pagsagot sa kanyang mga dalangin.”
Pagbabalewala sa Pagkakaiba
Sa simula ng kanilang paglilingkod sa Bastia, nagboluntaryo ang mga missionary sa pangunahing ospital na Katoliko, ngunit tinanggihan ng monsenyor ng ospital ang kanilang paglilingkod nang malaman nito ang kanilang relihiyon. Nag-atubili siyang makabahagi ang ibang relihiyong Kristiyano sa ospital.
Makalipas ang ilang buwan, noong Mayo 1992, bumagsak ang malaking bahagi ng isang soccer stadium sa oras ng isang kampeonato, kung saan 19 ang namatay at libu-libong manonood na nasugatan nang malubha ang dinala sa ospital.
Nang bumagsak ang isang soccer stadium sa Corsica, kung saan 19 ang namatay at libu-libo ang nasugatan, maraming oras ang ginugol ng mga missionary sa pagtulong sa pagbibigay ng lunas sa lokal na ospital.
Larawang kuha ni Craig Peterson
Napuno ng mga naapektuhan ang ospital. Napuno ng mga sugatang tagahanga ng soccer ang mga silid at pasilyo. Ang ilan ay inilipad sa mainland France para malunasan. Naalala ng monsenyor, na desperado sa mga boluntaryong may kakayahan, ang isang card na iniwan ng mga missionary at humingi ito ng tulong sa kanila.
Sa loob ng 36 na oras, nagpalipat-lipat ang mga missionary sa mga gawain, na tumutulong sa iba’t ibang uri ng pagbibigay-lunas, tulad ng pagsasabit ng mga linya ng IV, pag-apply ng mga tourniquet, paglilinis, at paglilipat ng mga nasaktan. Binigyan nila ng mga priesthood blessing ang mga miyembro ng branch na nasugatan sa pagbagsak.
Nang makita ng monsenyor ang walang-puknat na pagsisikap ng mga missionary, tinipon niya sila at iginala sa buong ospital, sinasabi sa mga pasyente na ang mga missionary ay mga alagad ng Diyos at hayaan silang magbigay ng blessing sa mga sugatan.
Paggunita ni Brother Thatcher: “Natamo namin ang paggalang at paghanga ng isang mataas na opisyal ng lungsod at isang mahalagang awtoridad ng simbahan sa aming paglilingkod.” Nagpalambot ito ng mga puso at nakatulong na mawala ang pagtutol sa komunidad, wika niya. “Kritikal ito sa tagumpay ng pagsisikap naming mangaral ng ebanghelyo.”
Sabi ni Jason Soulier, pangulo ng France Lyon Mission noong 2024: “Ngayon, ang mga himala ng paglago ay patuloy sa Corsica, sa kabila ng iba’t ibang gambala. Noong 2024, 14 na miyembro ng Bastia Branch ang naglakbay patungong Paris France Temple para magsagawa ng gawain sa templo sa loob ng maraming araw, ang pinakamalaking grupong naglakbay mula sa liblib na islang ito sa Mediterranean na nagpunta sa templo. Sa tulong ng mga full-time senior couple at limang masisiglang elder at sister, patuloy na pinagpapala ng Panginoon ang paraisong islang ito ng mga bagong convert.”