Liahona
Katapatan at mga Propeta—Noon at Ngayon
Enero 2026 Liahona


“Katapatan at mga Propeta—Noon at Ngayon,” Liahona, Ene. 2026.

Katapatan at mga Propeta—Noon at Ngayon

Ang limang mahahalagang alituntunin ay makakatulong sa atin na maiwasan ang patibong ng pagsalungat sa mga propeta at apostol.

paglalarawan sa isang lalaking may dalang hagdan

Noong 17 anyos ako, naninirahan sa West Philadelphia, Pennsylvania, USA, tinuruan ng mga missionary ang pamilya ko tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ang hangarin ng batang si Joseph na makipag-ugnayan sa Diyos at malaman ang Kanyang kalooban ay tumugma nang husto sa sarili kong mga hangarin.

Nang magturo sa amin ang mga missionary tungkol sa mga buhay na propeta at apostol, nagtanong ako, “May mga Apostol ngayon? Nasaan sila?” Ipinakita nila sa amin ang isang larawan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1980. Pinalakas nito ang aking sumisibol na patotoo na ang Diyos, na siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, ay kailangan pa rin ng mga propeta at apostol para gabayan ang Kanyang mga anak sa makabagong panahon.

Sa paglipas ng panahon, nabinyagan ang aking mga magulang at lahat ng 10 anak sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Simula nang malaman ko na may mga buhay na propeta at apostol, lalo lamang lumakas ang aking patotoo tungkol sa kanilang sagradong tungkulin at mga susi.

Mga Hamong Kinakaharap ng mga Propeta at Apostol

Natural, laging hangad ni Satanas na mabawasan ang tiwala sa mga propeta at apostol. Tutal, sa buong kasaysayan sila ang mga pangunahing saksi sa pangalan ni Jesucristo sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:23).

Sa ating panahon, hangad ng kalaban na hadlangan ang tinatawag ni Pangulong Russell M. Nelson na “pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon,” ang pagtitipon ng Israel, na kailangang mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Hawak ng mga propeta at apostol ang mga susi ng pagtitipong ito. Kaya nga, lagi silang nahaharap sa oposisyon.

Noon pa man o sa mga huling araw, nakahanap pa nga si Satanas ng mga paraan para linlangin ang ilan sa sariling mga pinagtipanang anak ng Diyos para labanan ang mga Apostol ng Kordero, noon at ngayon (tingnan sa 1 Nephi 11:34–36).

Narito ang limang alituntunin na makakatulong sa atin na maiwasang mahulog sa patibong na ito.

paglalarawan sa isang lalaking umaakyat sa isang hagdanan sa ibabaw ng malalim na bitak sa bangin

Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Ang una sa mga alituntuning ito ay siya ring unang alituntunin ng ebanghelyo: pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang pananampalataya ay umiimpluwensiya sa direksyon ng buhay. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ang pananampalataya ay laging nakatuon sa hinaharap.

Habang nadaragdagan ang ating pananampalataya kay Cristo at tiwala sa Diyos, tayo ay “umaasa nang may mata ng pananampalataya, at nakikita” [natin] na natutupad ang Kanilang mga pangako (tingnan sa Alma 5:15; tingnan din sa Mosias 18:21; Alma 32:40). Sa pagdiriwang na “Be One [Maging Isa]” na gumugunita sa ika-40 anibersaryo ng paghahayag tungkol sa priesthood noong 1978, inanyayahan ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang lahat na “asamin ang pagkakaisa ng ating pananampalataya at magtiwala sa pangako ng Panginoon [tingnan sa 2 Nephi 26:33].”

Ang pagtutuon na ito sa pagsulong ay inaakay tayo tungo sa katuparan ng pangako ni Pangulong Nelson sa kaganapan ding ito na “ganap na kapayapaan at pagkakasundo” at ang araw kung kailan, tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “ang Panginoong Jehova ay babalik upang manahan sa piling ng mga taong naging Kanyang mga tao at matatagpuan sila na nagkakaisa, may isang puso, nakikiisa sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.”

Sa kabilang dako naman, hangad ni Satanas na patigasin ang puso ng mga anak ng Diyos upang manatiling nakatuon sa nakaraan, nananahan sa nakaraang mga sitwasyon, pahayag, o turo—maging yaong mga nilinaw na ng mga propeta at apostol kalaunan. Bilang “tagapag-paratang sa ating mga kapatid … araw at gabi” (Apocalipsis 12:10), nag-uudyok siya ng walang-katapusang pagpuna sa mga propeta at apostol ng Diyos at sa kanilang mga turo. Malinaw na pinahihina nito ang pananampalataya sa pinagtutuunan ng kanilang patotoo, si Jesucristo—ang kanyang pangunahin at pinakamasamang layunin.

Malinaw ang mga pahayag ng pagkakaisa, kapayapaan, at pagkakasundo mula sa mga makabagong Apostol na bagama’t tuso si Satanas sa pag-uudyok ng pagtatalo at pagkakawatak-watak, ito ang panahon para magkaisa ang lahat ng mga pinagtipanang anak ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:34–36) sa pagtanggap at pagkilos ayon sa mga walang-hanggang katotohanang inihahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol. Sa paggawa nito, maaari tayong maging mga taong nagkakaisa, masaya, malakas, nakipagtipan, puspos ng pananampalataya na walang kinikilalang lahi, kasarian, etniko, o iba pang di-pagkakasundo.

Binibigyang-inspirasyon ng mga turo ng mga propeta at apostol ang pagkakaisa at matibay na pananampalatayang ito kay Jesucristo, na laging magsusulong sa atin.

Huwag Humatol, Huwag Manghusga, Kumilos nang May Pananampalataya

Nang makita ang ating panahon, itinuro ni Moroni kung paano tayo makakaiwas sa pagiging mapunahin sa mga propeta at apostol: ang alituntunin ng hindi paghatol o paghusga.

Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking kahinaan, ni ang aking ama, dahil sa kanyang kahinaan, ni sila na naunang sumulat sa kanya; kundi magbigay-pasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan, nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa amin noon” (Mormon 9:31; idinagdag ang diin).

Sa madaling salita, nagtutuon at natututo tayo mula sa mga turo at patotoo ng mga propeta at apostol tungkol kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo at huwag hanapin ang kanilang mga kahinaan. Sa buong kasaysayan, inihayag ng Diyos ang ilan sa mga kahinaang ito para sa ating kapakinabangan at para tulungan tayong matuto na maging mas matalino. Nagpapasalamat ako sa Kanya sa paggawa nito.

Gayunpaman, kailangang maging maingat tayo. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2019, binanggit ni Pangulong Eyring ang turong ito ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Pinili ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod. Inaangkin Niya bilang Kanyang karapatan ang isumpa sila kung kailangan silang isumpa. Hindi Niya ibinigay sa atin bilang mga indibiduwal na pintasan at isumpa sila. Walang tao, gaano man siya katibay sa pananampalataya, gaano man kataas sa Priesthood, ang makapagsasalita ng masama tungkol sa pinili ng Panginoon at maghahanap ng kamalian sa awtoridad ng Diyos sa mundo nang hindi nakatatanggap ng Kanyang galit. Inilalayo ng Espiritu Santo ang kanyang sarili mula sa ganitong tao, at masasadlak siya sa kadiliman. Dahil dito, nakikita ba ninyo kung gaano kahalaga na mag-ingat tayo?”

Nasa atin ang pagpapala at utos ng Panginoon hinggil sa mga turo at gawain ng propeta, kabilang na ang anumang mahirap nating maunawaan o tanggapin:

“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;

“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:4–5; idinagdag ang diin).

Muli, hindi tayo humahatol o humuhusga (tingnan sa Mateo 7:1–2). Nang sumulong ako nang may pananampalataya kay Jesucristo at pasasalamat para sa pagpapala ng mga propeta at apostol, napagpala ako nang sagana (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:6).

Iwasan ang Tuksong Lumampas sa Ating Awtoridad

Ang isa pang mahalagang alituntunin ay ang iwasang lumampas sa ating awtoridad o gumanap sa mga tungkuling hindi atin. Ang mga kaisipang ito ay nag-uudyok sa atin na ipalagay na napakahalaga ng sarili nating mga opinyon, na likas na nangyayari kapag napakababa ng pagpapahalaga natin sa mga turo ng mga propeta at apostol. Ang paghatol sa mga propeta at apostol, kabilang na ang mga propeta noon, ay malinaw na paglampas sa ating awtoridad, dahil inilalaan ng Panginoon ang kakayahang ito sa Kanyang sarili. Lubos ang tiwala ko na ang ating Tagapagligtas na nakakaalam ng lahat, mapagmahal, at maawain ay nilunasan o lulunasan at sabik na patatawarin ang anumang nakaraang mga kamalian o kakulangan, tulad ng inaasam natin na gagawin Niya para sa atin sa kasalukuyan.

Ang isa pang halimbawa ng paglampas sa ating awtoridad ay ang pangunahan ang mga propeta at apostol kung ano ang dapat gawin ng Simbahan o kung paano ito dapat pamahalaan. Tungkulin iyan ng Panginoon, hindi sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:2–7). Gaano man kabuti ang ating hangarin, ang hatulan at pangunahan ang mga propeta at apostol ay nagmumula sa kapalaluan at humahantong sa panlilinlang at kabiguang sundin ang awtoridad ng propeta.

Ang Patuloy na Pagpapanumbalik

Mula 1820 hanggang ngayon, patuloy na tinuturuan ng Panginoon ang Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa proseso ng paghahayag kung paano Niya pinamumunuan ang Kanyang Simbahan.

Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Nang magtipon kami bilang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, ang mga silid na aming pinagpupulungan ay naging mga silid ng paghahayag. Damang-dama na naroon ang Espiritu. … Bagama’t sa una ay magkakaiba ang aming mga pananaw, ang pagmamahal namin sa isa’t isa ay nananatili. Ang aming pagkakaisa ay tumutulong sa amin na mahiwatigan ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan.

“Sa aming mga pulong, hindi batayan sa pagpapasiya ang pananaw ng nakakarami! Pinakikinggan namin ang isa’t isa nang may panalangin hanggang sa magkaisa kami.”

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang adhikain ay hindi lamang ang magkaisa ang mga miyembro ng kapulungan kundi ang magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Ito ay prosesong kinapapalooban kapwa ng katwiran at pananampalataya na makamit ang kagustuhan at kalooban ng Panginoon.”

Ang alituntuning ito ng kaligtasan na ipinanumbalik at pinino nang husto ay nagpapaibayo ng tiwala sa kakayahan ng ating kasalukuyang mga lider na palaging pamahalaan ang Simbahan ayon sa kalooban ng Panginoon.

Manatiling Mapagpakumbaba

Mangyari pa, si Jesucristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan, at tinatagubilinan Niya ang Kanyang mga propeta. Ang maaari nating maisip na ang mga kahinaan sa kanilang mga salita o kilos, sa katunayan, ay maaaring magpakita ng kakulangan natin sa pananaw o pag-unawa sa buhay na ito. Ang pag-alaala na ang mga paraan ng Panginoon ay mas mataas kaysa ating mga paraan at na ang Kanyang mga iniisip ay mas mataas kaysa sa ating mga iniisip (tingnan sa Isaias 55:8–9) ay nagtutulot sa atin na iwasang husgahan ang mga propeta, kabilang ang mga propeta noon. Ang mapagpakumbabang pag-uugaling ito ay nagbibigay sa atin ng kakayahang makinig sa mga salita ng mga buhay na propeta “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5; tingnan din sa 1:28).

Tinutulungan din tayo nitong tumanggap ng dagdag na paghahayag, pag-asa, at pananampalataya kay Cristo sa lalong humihirap na mundo. Itinuro ni Jacob, “Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag” (Jacob 4:6). Kung tayo ay mapagpakumbaba, maaalis ng mga sagradong karanasang ito ang anumang hangarin natin na hanapan ng mali ang mga propeta at apostol, kabilang ang mga propeta noon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124; 136:23). Ang pagpapakumbaba ay tumutulong sa atin na “saliksikin ang mga propeta” para sa mga katotohanang nagpapaibayo sa ating kagalakan at kapayapaan at hindi maghanap ng mga kahinaan o kakulangan.

Sa diwang iyan, ibinabahagi ko ang aking tiyak at taimtim na patotoo na ang mga propeta mula kay Joseph Smith hanggang sa mga sumunod ay mga propeta ng Diyos sa isang walang-putol na linya ng paghalili at pati na si Pangulong Russell M. Nelson. Malaking pagpapala sa akin ang “saliksikin ang mga propeta” at mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga turo ng bawat isa sa kanila.

Pinatototohanan ko na ang mga tinawag sa banal na pagka-apostol sa ilalim ng pamamahala ng mga propetang ito ay mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo noon at ngayon. Napakalaking pribilehiyo ang umasa at lumapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ng mga saksing ito.