Liahona
5 Katotohanan na Magpapalakas sa Iyo Laban sa Paggamit ng Pornograpiya
Enero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

5 Katotohanan na Magpapalakas sa Iyo Laban sa Paggamit ng Pornograpiya

Matutulungan tayo ni Jesucristo na madaig ang mga nakalululong na gawi at ituon ang ating mga hangarin tungo sa kabutihan.

paglalarawan sa isang babaeng nakangiti na may malalakas na bisig

Hindi ko ninais kailanman na makagawian ang pornograpiya at pagma-masturbate, pero noong tinedyer ako, ang pagkamausisa ko—na sinamahan ng mga bagay na nakita ko sa internet—ay humantong kalaunan sa mga gawing ito. Bagama’t nahihiya ako, mahirap tanggalin ang mga nakagawian ko, lalo na kapag ako ay nalulumbay, namomroblema, o nalulungkot.

Sa gitna ng aking pakikibaka, may limang mabibisang bagay akong natutuhan na humikayat at nakatulong sa akin na mas makontrol ang sarili ko, mas magmahal, at mas manampalataya kay Jesucristo.

1. Ang Seksuwalidad ay Sagrado

Ang isang bagay na nakatulong sa akin ay ang matutuhan na ang seksuwalidad ay maganda at sagrado, hindi kahiya-hiya. Ang ating seksuwal na mga damdamin at hangarin na bigay ng Diyos ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mga anak at magalak, magmahal, at maging kaisa ng ating asawa kapag may-asawa tayo. Inutusan tayo ng Diyos na gamitin lamang ang ating kakayahang seksuwal sa loob ng kasal para maranasan natin ang lubos na kabutihan ng kapangyarihang ito.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga seksuwal na relasyon “ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili” kundi “isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating [likas na kabanalan] at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa.”

Ang ating mga pananabik na magpahayag ng pagmamahal sa loob ng kasal ay mga matwid na hangarin. Ang “pagkakaroon ng damdaming seksuwal at seksuwal na pagkapukaw ay normal” kapwa para sa kababaihan at kalalakihan. Pero sinusubukan ni Satanas na gamitin ang ating mga hangarin para manipulahin tayo. Tinutukso Niya tayong ituon ang ating seksuwal na kakayahan sa mga nakapipinsalang gawi sa halip na sa mga banal na layunin.

2. Ang Pangangatwiran sa Iyong Ginagawa ay Hindi Naghahatid ng Kapayapaan

Sinasabi ng mga pananaw ng mundo na ang masturbation at panonood ng pornograpiya ay hindi nakapipinsala o mabubuti pa nga ang mga gawaing ito. Kung minsan ay sinusubukan kong gamitin ang mga ideyang ito para pangatwiranan o bigyang-katwiran ang aking mga kilos o gawa. Sinasabi ko sa sarili ko, “Hindi ito nakakaapekto sa iba, kaya hindi ito nakakapinsala.”

Gayunman, natuklasan ko na ang pagbibigay-katwiran sa aking pag-uugali ay hindi nagbibigay sa akin ng kapayapaan. Sa halip, nakadama ako ng kahungkagan at lungkot, at nabitag ng aking mga gawi. Natanto ko na ang aking mga pag-uugali—na alam ko nang salungat sa mga kautusan ng Diyos—ay humahadlang sa akin na makipag-ugnayan sa Diyos at makadama ng tunay na kagalakan.

3. Palalakasin Ka ni Jesucristo

Bagama’t gusto kong baguhin ang aking mga gawi, kung minsan ay tila imposible iyon. Pero nakasumpong ako ng pag-asa sa paglapit kay Jesucristo.

Nalaman ko na nahahabag Siya sa lahat ng nanghihina, nasasaktan, o nabibigatan. Pinalalim Niya ang hangarin kong magsisi at maging malaya at binigyan ako ng lakas na piliin ang mas mabubuting pag-uugali at gawi. Bagama’t maraming beses akong nadapa, tinulungan Niya ako na unti-unting “iwagwag ang mga tanikala” na nakakabigat sa akin (2 Nephi 1:23).

Sinimulan kong palitan ang aking nakapipinsalang mga gawi ng mga aktibidad na nagbigay sa akin ng tunay na kasiyahan, tulad ng pag-uukol ng oras sa mga mahal sa buhay, pagpapaunlad ng aking mga talento, at pag-aaral ng ebanghelyo. Nakasumpong din ako ng lakas sa paghingi ng payo sa aking bishop at sa iba pang mga taong sumusuporta.

Kahit nagkakaroon na ako ng progreso, kung minsan ay pinanghihinaan pa rin ako ng loob o nahihiya, pero sinikap kong magtiwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kinailangan kong manampalataya na kahit sa aking kahinaan, ang Kanyang biyaya ay sapat para sa akin (tingnan sa Eter 12:27).

Itinuro ni Elder J. Devn Cornish, emeritus General Authority Seventy, “Kung kayo ay talagang magsisikap at hindi pangangatwiranan ang mali o maghihimagsik—patuloy na magsisisi at sasamo ng biyaya, o tulong ni Cristo—tiyak na magiging ‘sapat ang kabutihan’ ninyo, ibig sabihin, katanggap-tanggap sa Panginoon.”

4. Maaaring “Mapuspos Ka ng Pagmamahal”

Itinuro ng propetang si Alma, “Pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin, upang mapuspos ka ng pagmamahal” (Alma 38:12). Ang pigilin ay maaaring mangahulugang ituon, kontrolin, o pigilan.

Natuklasan ko na kapag kumilos ako ayon sa aking seksuwal na mga damdamin sa di-mapigilan o sa masasamang paraan, nakadarama ako ng kahungkagan. Pero nang pigilan at ituon ko ang aking seksuwal na damdamin sa mabubuting layunin, napuno ako ng pagmamahal.

Noong dalaga pa ako, nakasumpong ako ng lakas sa pagtutuon sa aking matwid na hangarin na ipahayag balang-araw ang aking seksuwalidad sa loob ng walang-hanggang kasal. Nang maharap ako sa tukso, sinikap kong alalahanin na ang talagang gusto ko ay walang-hanggang pagmamahal, hindi pansamantalang kasiyahan. Nadama ko rin ang pagiging buo at kaligayahan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba at pagpapatibay ng aking ugnayan sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, sa aking pamilya, at sa aking mga kaibigan.

Kalaunan, nakilala ko ang taong mapapangasawa ko. Magkasama kaming nagsikap na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri at maghanda para sa kasal sa templo. Nahikayat kami ng pagmamahal namin sa Panginoon, pagmamahal namin sa isa’t isa, at ng hangarin naming magkaroon ng masaya at mabuting walang-hanggang pagsasama.

Ngayon, habang tinutupad namin ang aming tipan sa kasal, tinatamasa namin ang lubos na mga pagpapala ng aming seksuwalidad na ipinagkaloob ng Diyos. Ginagawang posible ng aming katapatan sa isa’t isa at kay Jesucristo na maranasan namin ang katuparan, pagiging isa, at kagalakan.

5. Ang Tagapagligtas ay Nagbibigay ng Pag-asa at Paghilom

Maaaring mahirap sundin ang batas ng kalinisang-puri at iwasan ang nakapipinsalang mga gawi, lalo na kung ikaw ay nalulungkot o naghihintay ng oportunidad na makapag-asawa.

Pero ang Tagapagligtas ay may kapangyarihang tulungan tayong madaig ang tukso at makahanap ng kabuuan. Nagpatotoo kamakailan si Pangulong Russell M. Nelson: “Pinasan ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang inyong mga kasalanan, ang inyong mga pasakit, ang inyong mga pighati, at ang inyong mga kahinaan. Hindi ninyo kailangang pasanin ang mga ito nang mag-isa! Patatawarin Niya kayo kapag nagsisisi kayo. [Bibiyayaan] Niya kayo ng mga kailangan ninyo. Pagagalingin Niya ang inyong sugatang kaluluwa.”

Nais ng Diyos na maranasan mo ang seksuwal na katuparan at kagalakan sa paraang nilayon Niya. Tutulungan ka Niya na tahakin ang landas ng tipan. Puno Siya ng habag at matutulungan ka Niya na madaig ang iyong mga problema at matanggap ang iyong mga matwid na hangarin.