Liahona
Hindi Nawawala para sa Tagapagligtas
Enero 2026 Liahona


“Hindi Nawawala para sa Tagapagligtas,” Liahona, Ene. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Hindi Nawawala para sa Tagapagligtas

Nagpapasalamat ako sa nakapapanatag na pagpapalang nagmula sa pagdalo sa templo.

paglalarawan sa isang babaeng nakatingin sa isang painting ni Jesucristo na may dalang kordero

Paglalarawan ni Allen Garns, na may pahintulot na ilarawan ang painting ni Del Parson na The Lost Lamb [Ang Nawawalang Tupa]

Isang miyembro ng pamilya at ang kanyang asawa ay nagpasiya kamakailan na lisanin ang Simbahan, kasama ang maliliit na anak nila. Nakalulungkot ang balita para sa aming pamilya. Nang sumunod na ilang linggo, sinubukan naming hanapin ang bagong bagay na dapat makasanayan.

Ang mga araw na kasunod ng kanilang pahayag ay puno ng dalamhati, mga luha, at taos-pusong mga dalangin sa ating Ama sa Langit. Ang isa sa mga agarang sagot sa aking mga dalangin ay na kailangan kong sumamba sa templo linggu-linggo. Bilang isang estudyante at asawa at inang nagtatrabaho, nakakatakot ang sagot na iyon, pero nagpasiya akong sundin ang pahiwatig hangga’t maaari.

Isang gabi matapos ang isang partikular na mahirap na shift sa trabaho, labis kong nadama na kailangan kong magpunta sa templo nang gabing iyon. Hiniling ko sa aking anak na samahan akong gumawa ng initiatory work.

Pagdating namin sa templo, naghiwalay na kami. Nang mag-proxy ako para sa ilang babae at marinig ko ang mga ipinangakong pagpapala sa kanila, naantig ako. Hindi maalis sa aking isipan ang kapamilya kong lumayo sa Simbahan.

Nang makatapos ako, nagbihis na ako, tumuloy sa waiting room, at naupo. Gayunman, hindi nagtagal, nadama ko na kailangan kong lumipat ng upuan para makita ko ang anak ko sa paglabas niya mula sa dressing room ng mga lalaki.

Lumipat ako pero hindi ako mapakali sa bawat lugar na inupuan ko—hanggang sa umupo ako sa wakas sa isang couch na nakaharap sa dingding na malapit sa pasukan ng templo. Kakukuha ko pa lang ng mga banal na kasulatan, at sinisikap kong pawiin ang nababagabag kong puso, nang mapasulyap ako sa dingding.

Doon, nakita ko ang isang painting ng Tagapagligtas na halos sinlaki ng normal na tao na hawak ang isang maliit na kordero. Biglang ipinaalala sa akin ng Espiritu na bagama’t tila nawawala para sa akin ang mahal kong mga kapamilya, hindi sila nawawala para sa ating Tagapagligtas.

“Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito’y kanyang matagpuan?

“At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak” (Lucas 15:4–5).

Patuloy nating minamahal at ipinagdarasal ang mga naliligaw. Ngunit kapag nadaraig ako ng kalungkutan, naaalala ko ang karanasang ito, at umaasa ako na balang araw, matatagpuan ng mga naliligaw ang daan pabalik sa tulong ng isang mapagmahal na Tagapagligtas.