“Gagabayan Ako ng Panginoon,” Liahona, Ene. 2026.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Gagabayan Ako ng Panginoon
Sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsunod, pagtitiyaga, at panalangin, nalaman ko na hindi ko kailangang mangamba para sa hinaharap.
Paglalarawan ni Allen Garns
Lumaki ako na kumakanta at napapaligiran ng musika. Ang pangarap ko noong bata pa ako ay maging isang propesyonal na mang-aawit. Nanalo pa nga ako sa ilang paligsahan sa pag-awit. Pero sa ilang punto sa buhay ko, nakadama ako ng kahungkagan nang maisip ko ang layunin ng Diyos para sa akin na higit pa sa pagkilala at papuri ng iba.
Ang pagkakaroon ng ebanghelyo ni Jesucristo na lalo kong nadarama sa buhay ko ay nakatulong sa akin na manampalataya sa mga panahon ng kawalang-katiyakan. Nakatulong din ito upang maunawaan ko na nais ng Ama sa Langit na gamitin ko ang talentong ibinigay Niya sa akin para mas mapalapit sa Kanya at luwalhatiin Siya.
Bagama’t isinuko ko ang aking pangarap, nadama ko na dapat akong magpatuloy sa pag-awit at pag-aaral ng musika.
Sa edad na 25, nakatapos ako sa pag-aaral ng arkitektura at nag-aral din ako sa pamamagitan ng BYU–Pathway Worldwide at Brigham Young University–Idaho, na nakatulong sa akin na paghusayin ang kakayahan kong magsalita ng Ingles.
Pagkatapos ay may nangyaring himala.
Tumanggap ako ng paanyaya na maging isang musical missionary bilang bahagi ng Global Participant Program ng The Tabernacle Choir. Hindi ko alam ito, pero lahat ng ginagawa ko sa loob ng ilang taon ay nakatulong sa akin na maghanda para sa sandaling ito. Ang paanyaya ay sagot sa aking mga dalangin at hangarin. Alam ng Ama sa Langit ang wakas mula sa simula at tinulutan akong umawit na kasama ng Tabernacle Choir at Temple Square sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2024.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, mapapatotohanan ko ang kapangyarihan na maakay ng Banal na Espiritu, maging matiyaga, at magtiwala na may layunin ang Diyos, bagama’t maaaring hindi natin nauunawaan ang layuning iyon. Tulad ng ipinangako sa atin, “Maaaring hindi palaging malinaw ang natatanaw na hinaharap, pero masusunod natin ang Tagapagligtas nang may pananampalataya na ang ating paglalakbay ay magwawakas nang maganda at matagumpay dahil gagabayan Niya tayo nang ligtas patungo sa kailangan nating kalagyan.”
Para sa mga naghahanap sa kanilang landas sa hinaharap, dapat ninyong malaman na may inihanda ang Panginoon para sa inyo na higit pa kaysa maiisip ninyo. Kung susundin natin Siya, matatanggap natin ang inihanda Niya para sa atin. Maaaring hindi malinaw ang landas, at maaaring mahirap ang buhay, pero gumagawa pa rin ng mga himala ang Panginoon para sa Kanyang mga anak.
Nalaman ko na sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsunod, pagtitiyaga, at panalangin, gagabayan ako ng Panginoon.