“Tutungo Ako Saanman,” Liahona, Ene. 2026.
Mga Banal sa Bawat Lupain
Tutungo Ako Saanman
Nilisan niya ang kanyang tahanan, nilakbay ang karagatan para ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at namatay siya sa edad na 26, na tapat sa kanyang mga tipan.
Si Emma Purcell (unang hanay) at iba pang mga missionary sa Samoan Mission, Oktubre 1902
Noong Mayo 5, 1901, tinanggap ng 17 taong gulang na si Emma Purcell ang tawag na magmisyon sa Samoa. “Tinitiyak ko sa inyo, bawat pagsisikap ko ay para isulong ang gawain ng Panginoon,” pagliham niya kay Pangulong Lorenzo Snow. Ipinangako pa niya, “Kasiyahan ko palagi na ipagtanggol ang mga alituntunin ng Ebanghelyo, kailanman, at saanman magkaroon ng pagkakataon.”
Nang maghanda siyang maglingkod, halos walang alam si Emma kung ano ang aasahan. Kakaiba siya sa kanyang mga kapwa missionary. Kasisimula pa lamang ng Simbahan na tumawag ng mga dalaga bilang mga full-time missionary tatlong taon bago iyon. At sa puntong iyon, siya ang pinakabatang tinawag.
Siya rin ang naging unang babaeng Samoan na maglilingkod ng isang full-time mission. Bagama’t nakatira siya sa Salt Lake City, siya ay isinilang sa Malaela, isang nayon sa silangang dulo ng isla ng Upolu sa Samoa. Sa edad na 12, nilisan niya ang kanyang tahanan at pamilya para mag-aral sa Utah, na 5,000 milya (8,047 km) ang layo.
Ang ideyang bumalik sa Samoa pagkaraan ng limang taon ay malamang na kapwa kapana-panabik at nakakatakot para kay Emma. Para espirituwal na maihanda ang kanyang sarili, tinanggap niya ang kanyang endowment sa Salt Lake Temple. Tulad ng mga missionary ngayon, gumawa siya ng mga sagradong tipan sa Diyos at pinangakuan ng mga pagpapala kung siya ay magiging tapat.
At, tulad ng makikita sa kanyang kuwento, ginawa niya ang lahat para matupad ang mga tipang iyon nang maglingkod siya sa Panginoon.
Mula sa Upolu hanggang Utah—at Pabalik
Si Emma ay isinilang noong Hunyo 26, 1883, ang ikapitong anak nina Viliamu at Matafua Purcell. Ang kanyang pamilya ay isa sa ilang pamilyang Euronesian (halong European at Polynesian) sa loob at sa paligid ng Malaela. Ang kanyang ina ay mula sa isla ng Savai‘i, sa hilagang kanluran lamang ng Upolu. Ang kanyang ama ay anak ng isang Englishman na nagpunta sa Samoa noong mga 1834, ikinasal sa isang babaeng Samoan, at nanirahan sa Malaela.
Marahil ay unang nalaman ni Emma ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang makitira sila kina John at Nanave Rosenquist, isang mag-asawang Banal sa mga Huling Araw na itinuring siyang ampon na anak na babae. Nabinyagan siya sa edad na 12 noong Nobyembre 3, 1895. Nagpatotoo ang isang missionary na dumalo sa binyag tungkol sa matinding espiritung nadama sa binyag.
Makalipas ang ilang buwan, tumanggap ng pahintulot si John W. Beck, ang pangulo ng Samoan Mission, mula sa Unang Panguluhan na ipadala sa Utah si Emma at ang iba pang mga batang Samoan para mag-aral. Umalis siya sa Apia, ang pangunahing daungan ng Upolu, kasama si Pangulong Beck at ang iba pang mga missionary noong Abril 23, 1896. Bagama’t pumayag ang tunay niyang mga magulang na umalis siya, naluha ang mga ito nang magpaalam sila.
Halos tatlong linggong naglakbay si Emma sakay ng barko at tren patungong Salt Lake City. Mas malaki ang lungsod kaysa sa kanyang nayon sa Upolu, at malamang na nagulat siya sa mga abalang lansangan at di-pamilyar na ingay. Sa panahong iyon, kakaunti lang ang mga residenteng Polynesian sa Utah. Kadalasan, wala siyang nakitang sinuman na kamukha niya.
Sa Utah, nakatira si Emma sa Salt Lake City Thirteenth Ward, tumanggap ng magandang edukasyon sa mga paaralang pag-aari ng Simbahan, at patuloy na nakipag-ugnayan sa mga returned missionary mula sa Samoan Mission. Noong mga unang araw niya roon, napansin ng bishop niya ang kanyang potensyal at pinayuhan siya na maghandang magmisyon sa kanyang bayang tinubuan.
Sineryoso ni Emma ang sinabi nito, at nang dumating ang tawag noong unang bahagi ng 1901, handa na siya.
Paglilingkod sa Malaela
Bumalik si Emma sa Upolu noong Hulyo 25, 1901, na masayang makita na naghihintay sa kanya ang kanyang ama sa daungan. Habang wala siya, nawala nang kaunti ang kakayahan ni Emma na magsalita ng Samoan. Ngunit nang anyayahan siyang magdasal sa pangwakas na panalangin sa isang miting, binigyang-inspirasyon siya ng Espiritu, at inialay niya ito sa kanyang katutubong wika.
Inatasang maglingkod si Emma sa Malaela, na kanyang bayang sinilangan, kung saan nagpatakbo ng paaralan ang Simbahan mula pa noong 1896. Siya ang nagturo sa mga estudyanteng babae. Pinamunuan din niya ang Young Ladies’ Mutual Improvement Association ng Malaela Branch. Tuwing Linggo at sa buong linggo, nangaral at nagturo siya na kasama ng iba pang mga missionary.
Noong una, tinutulan ng ilang kapamilya ni Emma sa isla ang kanyang gawain at hinimok siyang talikuran ang Simbahan. Gayunman, ayon sa mission president na si William G. Sears, “ipinagtanggol niya ang kanyang layunin” at nagpasiyang tuparin ang kanyang mga tipan, sa kabila ng oposisyon.
May kakayahan din siya na katulad ng iba pang mga missionary. Minsan, pabiro, pinalitan ng dalawang elder ng karaniwang tubig ang kanyang sabaw ng buko sa almusal. “Nalungkot” si Emma dahil sa biro, ngunit ginantihan niya ang mga elder sa pagsisilbi sa kanila ng niyog na nilagyan ng asin sa halip na asukal.
Maliban sa biruang iyon, napakalaki ng paggalang ng mga missionary kay “Sister Purcell.” Napansin ng isang missionary na siya ay “puspos ng espiritu sa kanyang katungkulan at calling.” Sumulat ang isa pang elder nang may pagpapahalaga tungkol sa kanyang kabaitan. Minsan, nag-iwan ng ilang saging si Emma sa daan upang may makain ito at ang kompanyon nito habang naglalakbay.
Ipinapakita sa mga talaan na nangaral siya tungkol sa awtoridad ng priesthood, sa Aklat ni Mormon, at sa iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Matapos marinig na mangaral si Emma tungkol sa buhay at misyon ng Joseph Smith, isinulat ng isang missionary, “Tuwang-tuwa ako sa kanyang mensahe; at nalungkot ako nang tumigil siya sa pagsasalita.”
Ang malungkot, nagkaroon ng elephantiasis si Emma noong patapos na ang kanyang misyon at pinauwi siya nang maaga. Nang malaman ng kababaihan at mga batang babae sa paaralan na pabalik na siya sa Utah, nag-iyakan sila. Nagdaos ng farewell meeting ang Malaela branch para sa kanya, na nagbigay sa kanya ng huling pagkakataong mangaral. “Sapilitan siyang nagsalita,” nakasaad sa minutes ng meeting, “at pinayuhan niya ang lahat na maging tapat sa ebanghelyo.”
Isang Pamana ng Katapatan
Si Emma mismo ay nanatiling tapat sa ebanghelyo—at sa kanyang mga tipan—sa buong buhay niya. Sa Utah, nagpatuloy siya sa pag-aaral, nakilahok sa komunidad ng mga Polynesian sa estado, at kinonsulta sa unang himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Samoan. Sa isang pagkakataon, nakilala rin niya ang isang Hawaiian Saint na nagngangalang Henry Kahalemanu. Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Enero 31, 1907.
Makalipas ang tatlong taon, pumanaw si Emma sa edad na 26 at inilibing sa Iosepa, isang pamayanan ng mga Polynesian Saint 60 milya (97 km) sa kanluran ng Salt Lake City. Bagama’t maikli ang kanyang buhay, ang kanyang katapatan sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nananatiling isang mabisang halimbawa para sa mga Banal sa buong mundo, lalo na sa mga kabataang babae na tumutugon sa tawag na maglingkod ngayon.