“Mga Kabahagi sa Likas na Kabanalan ng Diyos,” Liahona, Ene. 2026.
Mga Kabahagi sa Likas na Kabanalan ng Diyos
(2 Pedro 1:4)
Ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ay nagbibigay ng mahalagang pananaw, nagdaragdag sa ating mga kagalakan, at nagpapatatag sa atin para madaig ang ating mga hamon at paghihirap.
Christ Calls Two Disciples [Tumawag si Cristo ng Dalawang Disipulo], ni Gary E. Smith
Ipinaalala sa atin ni Apostol Pedro na para sa mga disipulo ni Jesucristo, “ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan:
“Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako: upang sa pamamagitan ng mga ito ay … maging kabahagi kayo sa likas [na kabanalan] ng Diyos” (2 Pedro 1:3–4; idinagdag ang diin).
Inilalarawan ng plano ng Ama sa Langit ang napakadakila at mahahalagang katotohanan at pangako na naglalarawan sa ating walang-hanggang pagkatao at layunin.
Tulad ng ipinaliwanag sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:
“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. …
“Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak ang Diyos bilang kanilang Amang Walang Hanggan at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan ng daan para magkaroon ang Kanyang mga anak ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo para umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”
Ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak na kung susundin nila ang mga tuntunin ng Kanyang plano at tutularan ang halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, susundin ang mga kautusan, at magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas, sila ay “magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).
Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa pag-unlad at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Bawat bahagi ng Kanyang plano ay nilayong pagpalain ang Kanyang mga anak dahil “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa [Kanyang] paningin” (Doktrina at mga Tipan 18:10).
Ang Plano ng Ama
Sa kapulungan sa premortal na buhay, inilahad ng Ama sa Langit sa Kanyang mga espiritung anak ang Kanyang plano para sa kanilang walang-hanggang pag-unlad at kaligayahan.
“Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;
“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;
“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.
“At sinabi ng Panginoon: Sino ang isusugo ko? At ang isa ay sumagot gaya ng Anak ng Tao: Narito ako, isugo ako. At may isa pang sumagot at nagsabi: Narito ako, isugo ako. At sinabi ng Panginoon: Aking isusugo ang una.
“At ang ikalawa ay nagalit, at hindi napanatili sa kanyang unang kalagayan; at, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya” (Abraham 3:24–28).
Pansinin na isang plano lamang ang inilahad sa kapulungan sa premortal na buhay—ang plano ng Ama. Hindi itinanong ng ating Ama sa Langit na, “Ano ang gagawin natin?” Hindi Siya humingi ng opinyon, mga rekomendasyon, o mga panukala. Sa halip, inilahad Niya ang mga pangunahing elemento ng Kanyang plano at nagtanong, “Sino ang isusugo ko?” Ang diwa ng Kanyang tanong ay nakatuon sa kung sino ang dapat isugo para isagawa ang mga tuntunin at kundisyon ng Kanyang plano.
Ang mga bunga ng paghihimagsik ng kalaban ay inilarawan din sa mga banal na kasulatan.
“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan … , aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
“At siya ay naging si Satanas, … ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:3–4; idinagdag ang diin).
Hindi naglahad ng isang plano si Lucifer na pinagbotohan ng karamihan sa mga lumahok sa kapulungan sa premortal na buhay. Hindi siya isang mahabaging katauhan na natalo sa halalan. Siya’y naghimagsik! Ang pagmamalaki, kayabangan, at kasakiman ay nag-udyok sa kanya na maghimagsik laban sa plano ng Ama.
Ang Plano ng Ama at ang Ebanghelyo ng Tagapagligtas
Inilalarawan ng plano ang mga gawain ng Ama at ng Anak para matanggap ng buong sangkatauhan ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang bumubuo sa paraan kung paano natin matatanggap ang mga pagpapalang ipinangako sa plano ng Diyos, maging ang doktrina, mga alituntunin, ordenansa, at tipan na kailangang paniwalaan at sundin ng kalalakihan at kababaihan. “Wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban dito kay Jesucristo … na makaliligtas sa tao” (2 Nephi 25:20). Totoong ang Panginoong Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6; idinagdag ang diin).
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Kailangan sa plano ang Paglikha, at dahil doon ay kinailangan ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala. Ang mga ito ang tatlong pangunahing bahagi ng plano. Ang paglikha ng malaparaisong planeta ay nagmula sa Diyos. Ang pagiging mortal at kamatayan ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Pagkahulog ni Adan [tingnan sa 2 Nephi 2:25; Moises 6:48]. Ang kawalang-kamatayan at ang posibilidad na magkaroon ng buhay na walang hanggan ay inilaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa 2 Nephi 2:21–28]. …
“… Naparito tayo sa mundo sa maikling panahon lamang, tinitiis ang mga pagsubok at paghihirap natin, at naghahandang kumilos nang pasulong at patungo sa isang maluwalhating pagbabalik [tingnan sa Mga Awit 116:15; Alma 42:8]. Tiyak na magkakaroon ng layunin ang ating mga iniisip at ginagawa habang naririto [sa mortalidad] kung nauunawaan natin ang plano ng Diyos at nagpapasalamat at sumusunod sa Kanyang mga kautusan” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:20–21].”
Mga Titulo ng Plano sa Aklat ni Mormon
Nalalaman natin ang mahahalagang katotohanan sa pag-alam at pag-aaral ng maraming iba’t ibang titulo para sa plano ng Ama sa Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo. Halimbawa, isipin ang sumusunod na piniling halimbawa ng mga titulo:
“Ang maawaing plano ng dakilang Lumikha” (2 Nephi 9:6).
“Ang plano ng ating Diyos” (2 Nephi 9:13).
“Ang plano ng kaligtasan” (Jarom 1:2; Alma 24:14).
“Ang plano ng pagtubos” (Alma 12:25, 26, 30, 32, 33; 42:11, 13).
“Ang plano ng panunumbalik” (Alma 41:2).
“Ang plano ng kaligayahan” (Alma 42:16).
“Ang dakilang plano ng awa” (Alma 42:31).
Bawat isa sa mga titulong ito ay tumutulong sa atin na maunawaan nang mas malinaw ang mahahalagang pangako ng plano ng Ama at pinagyayaman ang ating pananaw tungkol sa mga layunin at kahulugan ng ating mortal na buhay.
Ang kapansin-pansin, ang pinakamadalas gamiting titulo para sa plano ng Diyos sa Aklat ni Mormon ay nakatuon sa pagtubos na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ipinahayag ni Alma, “Kung hindi dahil sa plano ng pagtubos, na inilatag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ang mga patay; ngunit may isang plano ng pagtubos na inilatag, na magpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 12:25).
Ipinayo rin niya, “[Magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa” (Alma 33:22).
Ang Daan ay Inihanda
Ang ating kaluluwa ay dapat mapuspos ng pasasalamat habang iniisip natin ang dakilang plano ng kaligtasan, plano ng pagtubos, plano ng pagpapanumbalik, plano ng awa, at plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang kaalaman tungkol sa Kanyang plano ay nagbibigay ng mahalagang pananaw, nagdaragdag sa ating mga kagalakan, at nagpapalakas sa atin para madaig ang ating mga hamon at paghihirap.
Nasasabik ang Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanya. Nag-aanyaya at nangangako Siya ng mga pagpapala, ngunit hindi Niya kailanman pipilitin, pupuwersahin, o pipigilan ang paggamit natin ng kalayaang moral na ibinigay Niya sa atin. Kailangang kumilos tayo at piliin nating bumalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak.
His Hand Is Stretched Out Still [Nakaunat pa rin ang Kanyang Kamay], ni Elizabeth Thayer
“Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman” (Alma 37:46; idinagdag ang diin).
Masaya kong pinatototohanan na ang Ama sa Langit ang may-akda ng banal na plano para sa Kanyang mga anak. Si Jesucristo ang ating Manunubos at Tagapagligtas. At bilang isa sa mga Apostol ng Panginoon sa mga huling araw, pinatototohanan ko na Siya nga “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6; idinagdag ang diin).