Liahona
Nakadama Ako ng Kapayapaan
Enero 2026 Liahona


“Nakadama Ako ng Kapayapaan,” Liahona, Ene. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Nakadama Ako ng Kapayapaan

“Parang hindi pa sapat ang sakit na nadama ko,” naisip ko, “ngayo’y kailangan kong tumugtog ng isang mahirap na himno.”

paglalarawan sa mga kamay na tumutugtog ng piyano

Paglalarawan ni Allen Garns

Nang tumanggap ako ng dalawang calling sa Simbahan bilang piyanista sa iisang linggo, nagsimula akong mag-alala kung paano ako makakahanap ng oras para sa iba ko pang mga responsibilidad sa bahay, trabaho, at paaralan. Sa puso ko, ang pinakadakilang hangarin ko ay paglingkuran ang Panginoon at dalhin ang Kanyang Espiritu sa mga tao habang pinagbubuti ko ang aking mga talento. Gayunman, nadama ko ang kakulangan na hindi ko kayang ilaan ang sarili ko sa bago kong mga calling na tulad ng gusto ko.

Nang sumunod na linggo, dumami ang trabaho sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Dahil karamihan ng trabaho ko ay pagta-type, nagsimulang sumakit ang mga braso at pulsuhan ko. Nag-alala ako kung makakatugtog ba ako ng piyano kung hindi mawawala ang sakit na nadarama ko.

Pagsapit ng Linggo, nang tugtugin ko ang prelude music sa piyano ng chapel, nagsimulang muling sumakit ang mga kalamnan ko. Agad akong nagdasal sa puso ko, na humihingi ng lakas na patuloy na makapagpiyano.

Sa oras ng sakramento, natanto ko na ang kasunod na himno ay isang himnong matagal ko nang hindi natugtog. “Parang hindi pa sapat ang sakit na nadama ko,” naisip ko, “ngayo’y kailangan kong tumugtog ng isang mahirap na himno.” Noon ko nabasa ang mga salitang ito, na nagsabi ng mismong nadarama ko:

Tulungan akong [tumugtog]

Na Kayo’ng aking gabay.

Hangarin ng kapwa sana’y

Maturuang mag-alay.

Habang nagbabasa ako, nakadama ako ng kapayapaan. Alam ko na alam ng Tagapagligtas ang sakit na nadarama ko. Kung tutuusin, naranasan Niya ang mga ito (tingnan sa Alma 7:11–12). Hindi ko kailangang pagdaanan ito nang mag-isa. Hindi ko inasahan iyon, pero nadama ko ang Espiritu ng Panginoon.

Nang magsimula akong magpiyano, wala na akong nadamang sakit, at parang naging pamilyar ang mga nota sa mga daliri ko. Natanto ko na ang paglilingkod ko ay nagbigay-daan para gumaling ako at mas mapalapit sa Ama sa Langit.

Habang pinagninilayan ko ang karanasan ko sa piyano, alam ko na hindi ako nag-iisa sa pagtugtog. Naantig ako sa kapangyarihan at biyaya ni Jesucristo—isang espirituwal na karanasang dumating dahil naglilingkod ako sa Kanya. Alam ko na lagi Siyang nariyan para suportahan at bigyan tayo ng lakas kung handa tayong maglingkod sa Kanya.