“Paano Ako Magrereklamo?,” Liahona, Ene. 2026.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Paano Ako Magrereklamo?
Ang apat na paglipat namin ng tirahan bilang isang pamilyang refugee ay talagang isang napakahirap na pagsubok. Pero humawak kami sa gabay na bakal nang may katiyakan na isinusulong kami ng Panginoon tungo sa isang mas magandang hinaharap.
Noong taglagas ng 2019, nakarating ako sa Spain kasama ang aking mga anak, ang 8-taong-gulang na si Aaron at ang 17-taong-gulang na si Jorge, na may autism. Wala akong ibang dala kundi mga pangarap ko, kaya kumapit ako sa Diyos at lubos na nagtiwala sa Kanya.
Malugod kaming tinanggap ng isang matulunging babae sa kanyang tahanan, kung saan kami namalagi nang dalawang linggo. Pero hindi naging madaling alisin si Jorge mula sa kanyang pamilyar na kapaligiran. Dahil sa kanyang kundisyon, mahigpit ang routine na sinusunod niya. Sa unang ilang gabi, pinupukpok niya ang mga dingding, at mabilis akong bumabangon para hindi niya magising ang ibang tao. Lumuhod ako sa tabi niya at nanalangin, na naaalala ang Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.”
Sa pangalawang Linggo namin sa Spain, dumating kami sa simbahan na papatapos na ang sacrament meeting. Nilapitan ko ang isang dalagitang kasama ng mga batang Primary at ipinaliwanag ko na miyembro ako ng Simbahan pero wala akong kakilala. Ipinakilala niya kami sa ilang mga miyembro.
Kinabukasan tinanggap kami ng city council ng Zaragoza bilang mga refugee at dinala kami sa isang apartment na walang tubig o kuryente. Tinulungan kami ng bishopric, Relief Society, at elders quorum mula sa ward na dinaluhan namin na may dalang mga kumot, pagkaing hindi na kailangang initin, damit para sa taglamig, at iba pang mga pangangailangan.
Nagsimulang mag-aral ang mga anak ko, at nagsimula ako sa isang training course. Ang mga oras ng pagkain ay naging hamon kay Jorge, na sanay kumain sa tanghali. Ipinaalam sa akin ng tutor niya na sino man ang nagtuturo, kapag alas-dose na ng tanghali, inilalabas niya ang kanyang pagkain at nagsisimulang kumain.
“Mag-aayuno Rin Ako”
Ang apat na paglipat namin ng tirahan ay talagang isang napakahirap na pagsubok. Ipinagdasal ko na manatili akong matatag pero madalas ay umiiyak akong mag-isa. Sa loob ng ilang linggo, dalawa o tatlong oras lang ako nakakatulog sa gabi. Pagkaraan ng ilang araw na naghahanap ng trabaho, pinalad akong makakita ng trabaho bilang tagapag-alaga ng isang babae na may nakamamatay na kanser sa utak. Pagkatapos ng bawat shift sa trabaho, sinusundo ko ang aking mga anak, tinutulungan sila sa kanilang pag-aaral, at pagkatapos ay ginagawa ko ang training homework ko.
Isang taon kong inalagaan ang mabait na babaeng ito, hanggang sa pumanaw siya sa edad na 48, na may naiwang dalawang maliliit na anak. Dahil sa kanyang sitwasyon, tinanong ko ang sarili ko, “Paano ako magrereklamo?” Ang pag-aalaga sa kanya ang tumustos sa aming mga pangangailangan at napuspos ako ng pasasalamat sa aking Ama sa Langit.
Araw-araw sa bahay nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan, nagdarasal, at nagtatatag ng mga gawaing kagagawian para mabigyan ng seguridad si Jorge. Noong unang bahagi ng 2024, nagsimula kaming maghandang pumunta sa Madrid Spain Temple. Para mas mapalapit sa Ama sa Langit, nadama ko na dapat kaming mag-ayuno bilang pamilya. Pumayag si Aaron, at kinabukasan sinabi sa akin ni Jorge, “Inay, mag-aayuno rin ako ngayon.” Iyon ay isang sandali ng di-maipaliwanag na kagalakan.
“Para mas mapalapit sa Ama sa Langit nang simulan naming maghandang pumunta sa Madrid Spain Temple, nadama ko na dapat kaming mag-ayuno bilang pamilya,” sabi ni Yesmin. “Sabi sa akin ni Jorge, ‘Inay, mag-aayuno rin ako ngayon.’ Iyon ay isang sandali ng di-maipaliwanag na kagalakan.”
Mula nang bumisita kami sa templo, malaki ang ibinuti ng lagay ni Jorge. Mas naiaakma na niya ang kanyang iskedyul. Tuwing Sabado inihahanda niya ang kanyang mga damit upang maging handa siyang magpasa ng sakramento sa araw ng Linggo. Malaki rin ang iniunlad niya sa pag-aaral.
Ngayo’y natutustusan na namin ang aming mga kailangan, sa tulong ng mapagmahal na Ama sa Langit. Binigyan kami ni Jesucristo ng putong na bulaklak sa halip na mga abo (tingnan sa Isaias 61:3). Sa pagbabayad ng aming ikapu, nakatanggap kami ng saganang mga pagpapala. Humawak kami sa gabay na bakal (tingnan sa 1 Nephi 8:24, 30; 11:25; 15:23) nang may katiyakan na sumusulong kami tungo sa isang mas magandang hinaharap.