Liahona
Kaligtasan sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo
Enero 2026 Liahona


“Kaligtasan sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Ene. 2026.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Kaligtasan sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo

Ang landas pabalik sa Diyos ay malinaw na minarkahan kung may pananampalataya at tiwala tayo sa ating Tagapagligtas.

view ng mga paa ng isang taong naglalakad sa kalsada

Dahil sa ating likas na katangian bilang mga nahulog na nilalang at sa sitwasyon natin sa mortalidad, lahat tayo ay madaling napapalayo mula sa Diyos na kilala at minahal natin sa ating buhay bago tayo isinilang. Ito ang likas na katangian ng mortalidad. Kaya nga, binigyan Niya tayo ng mga paraan para mapanatili tayong ligtas na nakaangkla sa Kanya, para maibuklod ang ating puso sa Kanya, at para matulungan tayong makakilos nang ligtas hangga’t maaari sa mga tagong espirituwal na panganib sa mortalidad.

Sa panahon ng mga malawakang digmaang pandaigdig, ang mga hukbong sandatahan ay nagbaon ng mga mina, o mga bomba, sa ilalim ng lupa. May malalawak na lugar na pinagtaguan ng mga mina, at ang isang hukbo ay maaaring makatapak nang di-sinasadya sa mga minang iyon at masabugan sila.

Pagkaraan ng mga digmaan, nanatili ang libu-libong di-sumabog na mina, at maraming tao, kabilang na ang mga bata, ang namatay o nawalan ng mga bahagi ng katawan nang di-sinasadyang mapunta sila sa mga lugar na pinagbaunan ng mga mina. Ang mga organisasyong nakalaan sa paghahanap at pagmamarka ng mga mina sa mga pinagbaunan nito ay nakapagligtas ng maraming buhay.

Ang mortalidad ay parang isang lugar na pinagbaunan ng mga mina. Napakahusay ng kaaway sa pagtatago ng mga panganib para magmukhang hindi mapanganib at kaakit-akit ang mga ito, tulad ng isang magandang parang. Nagkaroon na siya ng libu-libong taon ng karanasan sa paggawa nito. Isa siyang eksperto sa paggawa ng mga landas na mukhang kaakit-akit na patungo sa mapanganib na mga resulta at dalamhati.

Ligtas na Nagabayan Pauwi

Alam ng ating Ama sa Langit kung paano tayo pananatilihing ligtas at minarkahan Niya ang landas para ligtas tayong akayin pauwi. Siyempre, maraming panganib at paghihirap na bahagi ng ating mortal na karanasan. Ngunit maiiwasan natin ang mga pagpili na maaaring magdulot ng walang-saysay na mga pasanin at pighati.

Kaya nga binigyan tayo ng ating Ama ng mga kautusan, ng kaloob na Espiritu Santo, ng mga propetang gagabay sa atin, at ng makapangyarihang pakikipagtipan sa Kanya at sa ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo. Dito lamang sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo natin natatagpuan ang lahat ng makapangyarihang tandang iyon at mga pag-iingat na ligtas tayong gagabayan pauwi.

May malalaking pagpapala sa pagkakaroon ng mga propeta sa panahong ito. Ikinuwento ni Pangulong Hugh B. Brown (1883–1975), dating tagapayo sa Unang Panguluhan, ang isang pakikipagtalakayan niya sa isang miyembro ng British House of Commons na isang hukom noon. Sinabi ng lalaking ito na inakala niya na hindi nangusap ang Diyos sa mga tao sa lupa mula pa noong unang siglo, at tumugon si Pangulong Brown sa pagpapaliwanag sa kanya tungkol kay Joseph Smith at sa Pagpapanumbalik.

“Naupo ang hukom at nakinig na mabuti,” paggunita ni Pangulong Brown. “Nagtanong siya ng ilang bagay na napakalinaw at mapagsaliksik, at sa pagtatapos ng interbyu ay sinabi niya, ‘Mr. Brown, iniisip ko kung pinasasalamatan ng iyong mga tao ang kahalagahan ng iyong mensahe. Ikaw ba? … Kung totoo ang sinabi mo sa akin, ito ang pinakadakilang mensahe sa lupa mula nang ibalita ng mga anghel ang pagsilang ni Cristo.’”

Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak. Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, na mga propeta, inihayag Niya ang Kanyang plano ng kaligtasan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para gabayan ang Kanyang mga anak. Ipinapakita ng Panginoon sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ang mga bagay na hindi nakikita ng iba. Sila ay mga bantay sa tore (tingnan sa Ezekiel 33:1–7) na nakakakita sa malayo at nagpapatunog ng babala sa lahat ng makikinig, kadalasa’y mas maaga nang ilang taon. Mas nakakakita sila nang malinaw kaysa sa atin dahil sa pakikipag-ugnayan nila sa Diyos bilang Kanyang mga awtorisadong lingkod. Napakahalaga na magtamo tayong lahat ng malalim at personal na patotoo tungkol sa ating kasalukuyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Katotohanan kay Jesucristo

Mas humihirap na mahiwatigan kung ano ang katotohanan sa ating mundo ngayon. Napakaraming tinig na nagmumula sa napakaraming direksyon—Instagram, TikTok, Facebook, X, mga podcast, cable news, at iba pa. At ngayong narito na ang artificial intelligence, o AI, mas mahirap nang mahiwatigan kung ano ang totoo at ano ang mali—o maging kung ano ang tunay! Ang mapanlinlang na mga pekeng video ay maaaring pagmukhain na may sinabi o ginawa ang isang tao na isang bagay na hindi naman nila sinabi o ginawa. Magiging napakahirap na mahiwatigan ang katotohanan sa kasinungalingan sa darating na mga taon.

Sa kanyang unang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan noong Abril 2018, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Maganda ang pananaw ko sa hinaharap. … Ngunit nababatid ko rin ang mga mangyayari sa mga darating na araw. Nabubuhay tayo sa mundong puno ng kaguluhan at tumitinding salungatan. Ang social media at ang 24 na oras na pagbabalita ay inaatake tayo ng walang humpay na mga mensahe. Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.

“Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian. Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo. …

“… Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”

Sa Amos 3:7 sa aklat na Lumang Tipan mababasa natin, “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.” Habang ang mga tinig ng mundo ay nagiging mas malakas at mas nakahihikayat, kailangang marinig ng bawat isa sa atin ang tahimik na tinig ng Espiritu nang mas madalas at malinaw upang marinig at masunod natin ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.

Mahal ng Diyos ang Lahat ng Kanyang Anak

Kapwa sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon, mababasa natin na ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman (tingnan sa Mga Hebreo 13:8; Mormon 9:9). Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa ating panahon tulad ng pagmamahal Niya sa Kanyang mga anak noong unang panahon, at dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak, ginagawa Niya ngayon ang ginawa Niya noon. Minamarkahan Niya ng mga kautusan ang pinagbaunan ng mina ng mortalidad para mapanatili tayo sa ligtas na daan; mga propetang magpaparating ng tinig ng babala kapag nakakita sila ng mga panganib sa daan; at mga tipan ng priesthood na nag-uugnay sa atin nang mas matibay sa Diyos.

Kapag nanampalataya tayo sa Tagapagligtas at nagtiwala sa Kanya, gagabayan Niya tayo nang ligtas pauwi sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu Santo; sa pamamagitan ng sinauna at makabagong banal na kasulatan; sa pamamagitan ng mga tinig ng mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag; at sa pamamagitan ng malalim na pakikipag-ugnayan sa Kanya at sa ating Ama sa Langit na ginawang posible ng mga ordenansa at tipan sa templo.

view ng mga paa ng Tagapagligtas na naglalakad sa buhanginan

Wala nang iba pang kasaganaan ng patnubay at direksyon, kaligtasan at proteksyon, at ginhawa, aliw, at pag-asa kay Cristo maliban dito sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.