Liahona
Isang Panalangin sa Puso Ko
Enero 2026 Liahona


“Isang Panalangin sa Puso Ko,” Liahona, Ene. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Panalangin sa Puso Ko

Ang araw-araw na payo ng aking ina tungkol sa panalangin ay nakagawa ng malaking kaibhan sa buhay ko.

paglalarawan sa isang babae na hinahalikan ang kanyang anak

Paglalarawan ni Allen Garns

Noong nasa elementarya ako, laging akong binabaunan ng nanay ko ng pagkain sa tanghalian, hinahalikan sa noo, at sinasabing, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo ngayon, at tandaan laging manalangin sa iyong puso.” Ganyan ang lagi niyang sinasabi sa akin tuwing umaga, hanggang mag-high school ako.

Sa katunayan, “laging manalangin sa iyong puso” ang huling sinabi niya sa akin noong pasakay ako ng eroplano papunta sa dalawang taon kong misyon sa Florida. Nakasanayan ko nang marinig ang tagubiling iyon kaya hindi ko gaanong pinag-isipan iyon habang lumalaki ako. Naisip ko na isang bagay lang iyon na laging sinasabi ng kanyang henerasyon, tulad ng “Ingat ka.”

Bilang full-time missionary, natuto akong magsalita ng kaunting Spanish habang naglilingkod sa Miami, Florida, USA. Natuklasan ko na ang bago naming mga kaibigan, maraming mula sa Cuba at Puerto Rico, ay katulad ng nanay ko. Bawat pamilyang binisita namin ay magiliw na nagsasabi sa amin ng: “Vaya con Dios” (Patnubayan ka ng Diyos).

Nang maunawaan ko sa wakas ang ibig sabihin ng nanay ko, nagsimula akong maghanap ng mga paraan para tunay na laging manalangin sa puso ko. Nang gawin ko ito, lumaki ang pasasalamat ko sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Nakaranas ako ng dagdag na pagtitiis sa mga panahon ng pagsubok at hirap. Nakadama ako ng higit na pagmamahal sa aking mga magulang at pagpapahalaga sa mga sakripisyong ginawa nila para sa akin.

Isang araw nabasa ko ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Sa ikalawang araw ng Kanyang pagbisita, “inutusan niya ang kanyang mga disipulo na sila ay manalangin.” Habang nananalangin sila, nanalangin din ang Tagapagligtas, na sumasambit ng “napakadakila at kagila-gilalas” na mga salita. Nang matapos Siya, iniutos Niya sa maraming tao “na huwag silang tumigil sa pananalangin sa kanilang mga puso” (3 Nephi 19:17, 34; 20:1).

Ang isang paraan para magawa iyan ay ang isipin na ang panalangin ay isang kuwadro na nakapalibot sa ating mga pang-araw-araw na aktibidad. Ang balangkas na iyan ng panalangin, lakip ang pagmamahal at pasasalamat, ay tumutulong sa atin na magtuon sa Tagapagligtas at tuparin ang ating mga tipan.

Nagpapasalamat ako sa araw-araw na payo ng aking ina na “huwag tumigil sa pananalangin” sa puso ko. Nakagawa ito ng malaking kaibhan sa buhay ko.