“Ang Kaibigan Mong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Ene. 2026.
Ang Kaibigan Mong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang resource ngayong taon ay nagdaragdag ng mga bagong likhang-sining at mga kabatirang nakakapukaw ng isipan para sa pag-aaral mo ng Lumang Tipan.
I Will Surely Deliver Thee [Tiyak na Ililigtas Kita], ni Eva Timothy, hindi maaaring kopyahin
Hindi ba maganda kung, habang nagbabasa ka ng iyong mga banal na kasulatan, palagi kang may kaibigang nakaupo sa tabi mo, na nagpapasaya sa iyo? Siguro isang tao na gustung-gusto ang mga banal na kasulatan at tuwang-tuwa na binabasa mo ang mga ito, kaya halos hindi niya mapigilan ang kanyang sarili. Paminsan-minsan ay sinasabi ng kaibigan mo ang tulad nito, “Hindi ba nakakamangha ang bahaging ’yan?” “Ano ang palagay mo sa mga talatang iyan?” “Naku, katulad lang ’yan ng buhay natin, hindi ba?” Kung hindi mo maunawaan o nalilito ka sa isang mahirap na talata, maaaring sabihin ng kaibigan mo, “Ganito ’yan. Nakakatulong ba iyan?”—pero magiging maingat siya na huwag magbigay ng mga detalye na dapat mong tuklasin mismo. Kaibigan mo naman siya.
Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay parang ang kaibigang iyon. Ang layunin nito ay tulungan kang magkaroon ng kamangha-manghang karanasan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Maituturo nito sa iyo ang mga talatang tutulong na patatagin ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—at pagkatapos ay matutulungan ka nitong iugnay ang mga talatang iyon sa mga bagay na nangyayari sa iyong buhay. Makakatulong ito kapag mayroon kang mga tanong, ngunit mas madalas, ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay tatanungin ka ng mga bagay-bagay sa halip na sagutin ang mga iyon—dahil ang isang tunay na kaibigan ay hinding-hindi aagawin sa iyo ang kasiyahang tuklasin mo mismo ang mga espirituwal na katotohanan.
Magagawa ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang lahat ng mabubuting bagay na ito tuwing magbabasa ka ng mga banal na kasulatan. Oo, kahit habang binabasa mo ang Lumang Tipan ngayong taon.
Bukod pa sa mga tanong na nakakapukaw ng isipan at mga ideya para sa aktibidad, makakakita ka ng iba pang makakatulong na mga tampok na bahagi sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Narito ang ilan:
Buod ng Lumang Tipan
Bago magsimula ang 2026 na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, makikita mo ang isang visual na buod ng Lumang Tipan. Para itong timeline na kinabibilangan ng mga pangalan ng mga propeta, hari, at iba pang mahahalagang tao. Makakatulong ito dahil ang mga aklat sa Lumang Tipan ay hindi lahat nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod. Maipapakita sa iyo ng buod, halimbawa, kung saan nakaakma ang isinulat ng mga propetang tulad nina Isaias at Jeremias sa kasaysayan ng Kaharian ng Juda. Makikita mo kung saan nakaakma ang mga kuwento tungkol kina Daniel at Esther sa mas malawak na kasaysayan ng Lumang Tipan. Kung pakiramdam mo ay nalilito ka sa Lumang Tipan, tingnan ang “Buod ng Lumang Tipan” para muling makatuon.
Bagong Likhang-Sining
Labindalawang bagong painting ang binili para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon. Kabilang sa ilang itinampok ang:
-
Enoch Sees the Meridian of Time [Nakita ni Enoc ang Kalagitnaan ng Panahon], ni Jennifer Paget, isang simbolikong representasyon ng pangitain ni Enoc tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa Moises 7).
-
Stand as a Witness [Tumayo bilang Saksi], ni Kwani Povi Winder, na itinatampok ang “dalagita” na ang simpleng patotoo ay humantong sa isang malaking himala (tingnan sa 2 Mga Hari 5).
-
I Have a Great Work to Do [May Dakilang Gawain Akong Gagawin], ni Tyson Snow, na inilalarawan ang determinasyon ni Nehemias na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem, sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga kaaway (tingnan sa Nehemias 4).
-
I Will Surely Deliver Thee [Tiyak na Ililigtas Kita], ni Eva Timothy, isang paglalarawan kay Jeremias na pinalalaya mula sa isang maputik na balon ni Ebed-melec, na taga-Etiopia (tingnan sa Jeremias 38–39).
“Mga Kaisipang Dapat Tandaan”
Kadalasan, ang pagkakasunud-sunod ng lingguhang mga gabay sa pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay humihinto sa “Mga Kaisipang Dapat Tandaan.” Ito ay maiikling sanaysay tungkol sa mga paksang tulad ng mga tipan, sakripisyo, pagtitipon ng Israel, at tula sa Lumang Tipan. Ang “Mga Kaisipang Dapat Tandaan” ay nagbibigay ng konteksto ng kasaysayan, mga pananaw sa mga huling araw, at mga simpleng kabatiran na maaaring mas magpadali na magkaroon ng mga karanasang nagpapalakas ng pananampalataya kapag pinag-aaralan ang Lumang Tipan.
Tulad sa nakaraang mga taon, ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay hindi ang layunin ng iyong pag-aaral. Pantulong lang ito habang pinag-aaralan mo ang salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan. Ganyan ang magkaibigan, nagtutulungan.