Mula sa Lingguhang YA
Ang Itinuro sa Akin ng Paglipat sa Ibang Bansa Tungkol sa Espirituwal na Pag-asa sa Sarili
Ang espirituwal na pag-asa sa sarili ay hindi nangangahulugan na gawin natin ang lahat nang mag-isa; tungkol ito sa pag-asa sa Panginoon.
Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor
Nang lumipat ako sa Estados Unidos mula sa Peru para maging isang stay-in na yaya, tila hindi pamilyar sa akin ang lahat. Ang wika, kultura, pagkain, at klima ay pawang ibang-iba.
Ito rin ang unang pagkakataon na mag-isa lang ako. Habang lumalaki ako, ang pagsisimba ay bahagi na ng buhay ng aming pamilya. Gustung-gusto ko iyon, at madaling umasa na manatiling espirituwal na matatag ang aking pamilya.
Saka ko lamang naunawaan ang kahulugan ng espirituwal na umasa sa sarili nang lumipat ako.
Paghugot ng Lakas sa Simbahan
Nang lumipat ako, wala akong kakilala at hindi ako marunong mag-Ingles. Nalito ako, nahiwalay, at nag-iisa. Nakakatakot iyon.
Nang ibahagi ko sa nanay ko ang aking mga alalahanin tungkol sa pamumuhay sa ibang bansa, pinayuhan niya ako, “Saan ka man magpunta, hanapin mo ang Simbahan.”
Kaya iyon mismo ang ginawa ko: Hinanap ko ang pinakamalapit na chapel at natagpuan ko ang kinabibilangan kong ward. Nagulat ako na ang simpleng hakbang na ito ay magiging isang malaking pagbabago sa aking paglalakbay tungo sa espirituwal na pag-asa sa sarili.
Ang unang Linggo ko sa bagong bansang ito ay nakakakaba, pero ang pagtanggap sa akin ng mga miyembro ng bago kong ward ay tunay na himala. Inanyayahan ako ng isang sister na dumalo sa institute, at sa pamamagitan niyan, hindi lamang ako humusay sa Ingles kundi dumami rin ang mga kaibigan ko.
Dahil sa institute, dumalo ako sa isang kumperensya para sa mga young single adult sa kalapit na Simbahan at nakipag-ugnayan sa iba pang mga young adult na nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.
Talagang nadama ko na lumalago ang aking espirituwal na pag-asa sa sarili nang tuparin ko nang may panalangin ang aking mga tipan, tumanggap ako ng sakramento bawat Linggo, at naglingkod ako sa iba.
Pag-asa sa Panginoon
Sa kabila ng lahat ng pagpapalang ito, naharap pa rin ako sa mga hamon.
Ang pagtatrabaho bilang isang live-in na yaya ay hindi naging maayos na tulad ng inasahan ko. Hindi tinupad ng pamilyang pinasisilbihan ko ang aming kasunduan sa kontrata, at sa huli ay nagpasiya akong maghanap ng bagong trabaho at tirahan.
Maraming gabi na hindi ko alam kung saan ako pupunta. Tila walang katapusan ang paghahanap, at ang tensyon namin ng pamilyang pinagsisilbihan ko ay naging dahilan para pagdudahan ko ang lahat.
Alam ko na ang unang hakbang ay manalangin sa Ama sa Langit tungkol sa aking sitwasyon. Tulad ng itinuro ni Elder Clement M. Matswagothata, Area Seventy: “Maging madasalin habang naghahanap kayo ng mga paraan para maging self-reliant. Tinitiyak ko sa inyo na ang Ama sa Langit ay magdadala ng mga ideya sa inyong isipan at pagpapalain kayo.”
Gabi-gabi, nagdasal ako sa Ama sa Langit, na hindi lamang humihingi ng solusyon kundi ng lakas na kumilos ayon sa mga pahiwatig. Alam ko na “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:26).
Nang ibahagi ko ang aking sitwasyon sa mga kaibigan ko sa ward, inalok ako ng part-time job ng isang sister, na tumulong sa akin na makaipon ng ekstrang pera para suportahan ang sarili ko. Lubos akong nagpapasalamat na nakipag-ugnayan ako sa aking ward at maaasahan ko sila sa mahirap na panahong ito.
Pagtanggap sa Espirituwal na Paglago
Kalaunan, nakahanap ako ng bagong pamilyang pagsisilbihan sa Utah. Pagkaraan ng maraming panalangin, lubos kong nadama na dito ako nararapat mapunta. Lumipat akong muli, at nakahanap ng YSA ward kung saan maaari akong patuloy na maglingkod at lumago.
Natutuhan ko sa karanasang ito na ang pag-asa sa sarili—espirituwal o temporal—ay hindi nangangahulugan ng pagharap sa lahat ng bagay nang mag-isa. Tulad ng itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ‘pag-asa sa sarili o self-reliance’ ay hindi nangangahulugang umasa lamang sa ating sarili. Sa huli ay nangangahulugan ito ng pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon. Ang self-reliance ay pasiyang ginagawa natin para lumapit sa Panginoon upang matulungan Niya tayong tulungan ang iba.
Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagpapakumbaba, maaari nating isuko ang ating mga kahinaan, at ang Panginoon ay “gagawin ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Ang aking mga kahinaan ay naging mga pagkakataon para mas mapalapit ako sa Diyos, umasa sa Kanya na tulungan akong “kumilos, umasa sa sarili, at maging katulad Niya.”
Sa tuwing hindi ako nakatitiyak o natatakot ako sa hinaharap, ang pag-una sa kaugnayan ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagdarasal, pakikipag-ugnayan sa aking mga kapwa disipulo, at pagpapanibago ng aking mga tipan ay tumutulong sa akin na makadama ng kapayapaan.
Sa paggunita sa nangyari sa buhay ko, nakikita ko na bawat hamon ay isang pagkakataon para espirituwal na lumago. Tulad ng paglago ng temporal na self-reliance ko, lumago ang espirituwal na pag-asa ko sa sarili nang kumilos ako para patibayin ang kaugnayan ko sa Diyos.
Ano man ang sitwasyon ko sa buhay, lagi kong naaalala ang payo ng nanay ko na hanapin ang Simbahan—na hanapin si Cristo. Alam ko na lubos na nalalaman ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang aking sitwasyon. Saan man ako magpunta, ang pagbaling sa Kanila ay palagi akong itinuturo sa tamang direksyon.