2025
Ibinalik Ako ng Tagapagligtas
Agosto 2025


“Ibinalik Ako ng Tagapagligtas,” Liahona, Ago. 2025.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Ibinalik Ako ng Tagapagligtas

Dahil nagdaan ako sa apoy ng tagapagdalisay, alam ko na mababago tayo ng Tagapagligtas—gaano man kabigat ang ating kasalanan.

si Tony at ang kanyang pamilya

Mga larawang kuha ni Christina Smith

Akala ko makakapag-weekend trip ako sandali para bisitahin ang pamilya ko sa kasal ng kapatid kong lalaki. Pero nang ibaba ako ng asawa kong si Etelani sa airport, at inabutan ako ng isang nakaimpakeng maleta, at sinabihan na manatili sa mga magulang ko hanggang sa handa na akong maging asawa, alam ko na malala na ang mga bagay-bagay. Kakailanganin kong gumawa ng matitinding pagbabago sa buhay ko.

Nang pagmasdan ko ang kanyang pag-alis, hindi ko alam na lubha siyang nasasaktan. Sinabi niya sa akin kalaunan na pagkatapos noon ay nagpunta siya sa isang ligtas na lugar at pumarada sa tabing-daan, kung saan siya humagulgol. Hindi ko natanto kung gaano siya nasasaktan sa pag-uugali ko—pag-inom ng alak at pagdodroga—at hindi ko natanto kung gaano ako nasasaktan nito.

Pareho kaming lumaki sa Samoa, kung saan kami nagkita. Sumapi ang pamilya ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong high school ako. Pero naging hadlang ang mga kautusan sa paraan ng pamumuhay ko at sa mga party na gusto kong daluhan. Nang mabuklod na sa templo ang iba pang mga miyembro ng aking pamilya, hindi na ako aktibo sa Simbahan at nagdahilan ako palagi para hindi dumalo sa mga aktibidad ng Simbahan.

Nang ikasal kami ni Etelani, lumipat kami sa Seattle, Washington, kung saan nakatira ang pamilya ko. Pagkatapos ay humiwalay kami sa kanila ang nagpunta sa Utah. Doon, sinikap nang husto ni Etelani na tulungan akong magbago.

Kadalasan, isa o dalawang linggo akong wala dahil sa pag-inom ng alak at pagpa-party habang nasa bahay lang siya, at hindi alam kung nasaan ako. Nasaktan siya nang husto, natatanto na hindi niya ako kayang baguhin. Nawalan siya ng pag-asa at naging mahirap para sa kanya ang mga panahong ito. Naging mapanglaw siya, at madalas ay puno ng kawalang-katiyakan. Inisip niya kung ang masasamang ginagawa ko ay dahil sa kawalan niya ng kakayahang magdalantao.

“Kung dapat pa kaming magsama,” dalangin niya sa Ama sa Langit, “sana’y ipaalam Ninyo sa akin ang dapat kong gawin.”

Hinikayat siya ng Espiritu na kumilos nang tumawag ang mga magulang ko na ikakasal ang isa sa mga kapatid kong lalaki. Sa araw na inihatid ako ni Etelani sa airport, ang sabi niya, “Palagay ko magandang pagkakataon ito para maghiwalay tayo.” Ang nangyari, 10 buwan bago kami nagkabalikan.

Pagmamahal ng Pamilya at Tulong ng Langit

Ang mga magulang at kapatid ko ay aktibong mga miyembro ng Simbahan noon. Matibay ang patotoo ng nanay ko at alam niya ang sitwasyon ko. Sa loob ng 10 buwan na nakatira ako sa mga magulang ko, binigyan niya ako ng mabait at magiliw na paanyaya na sumama sa pamilya na magsimba at dumalo sa mga aktibidad ng simbahan, at ipinaalala sa akin ang kahalagahan ng mabuklod kay Etelani sa templo. Ang mga simpleng paanyayang iyon, at ang mapalibutan ng pagmamahal ng pamilya ko, ay nakatulong sa akin na bumalik sa simbahan.

Habang nasa Utah si Etelani, na nag-oovertime sa trabaho para hindi malungkot, nararanasan ko ang pagbabago na dulot ng pagmamahal ng nanay ko at ng nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas.

Maraming beses ko nang sinubukang tanggalin ang masasamang bisyo ko, pero hindi ko nagawa. Dati, nagamit ko ang lahat ng dahilan para hindi magsimba, pero ngayong posibleng mawala sa akin ang asawa ko, nalaman ko na kailangan kong magbago.

Hindi madaling magbago. “Sino ako para iligtas pa?” naisip ko. Dati, sinubukan ko nang baguhin ang sarili ko. Hindi ko kinayang mag-isa na tanggalin ang mga bisyo ko, pero sa tulong ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak, pati na ng mga banal na kasulatan, ng pag-aayuno at pagdarasal, ng sakramento, at ng pagsisisi, nalaman ko na kaya kong magbago. Binago ng pagiging aktibo sa Simbahan at pagsampalataya kay Jesucristo ang aking puso’t isipan (tingnan sa Mosias 5:7; Alma 5:12–13). Hindi nagtagal ay nalaman ko na kaya kong gawin ang mga bagay na hindi ko kinayang gawin dati.

Nadama ko sa paglipas ng panahon ang awa ng Tagapagligtas nang tuluy-tuloy. Alam Niya ang nangyayari sa amin ni Etelani. Nadama ko na mahal Niya kami. Ang Kanyang pagmamahal ang nagpabago sa aking mga pagnanasa. Hindi na ako nahuhumaling sa mga dati kong layaw. Nang magkaroon ako sa wakas ng patotoo sa ebanghelyo, ginusto kong makasamang muli si Etelani.

Nang makita niya na mayroon na akong permanteng trabaho at nakaipon na ng pera para sa isang tirahan, sumama siya sa akin sa Seattle. Gusto pa rin niyang magkabalikan kami. Nang maipakita ko na totoo ang katapatan ko sa kanya at sa ebanghelyo, nag-ampon kami ng isang anak na babae. Ang pagkakaroon ng anak ay nakatulong sa akin na maging tapat sa mga pagbabagong nagawa ko. Alam ko na kailangan kong maging mabuting ama para sa kanya. Nagustuhan ko kung saan ako patungo, at gusto kong isama ang pamilya ko. At nabuklod ako sa mga magulang ko. Nag-ampon kami ni Etelani ng isang anak na lalaki. At nabuklod na kami sa templo bilang isang pamilya. Naging mabuti sa amin ang Diyos.

mag-ama na naghahanda ng pagkain

si Tony kasama ang kanyang anak na si Tony Jr.

Dahil nagdaan ako sa apoy ng tagapagdalisay, alam ko mula sa personal na karanasan na mababago tayo ng Tagapagligtas. Pero kailangan muna nating lumapit sa Kanya. Mamamangha kayo sa kaya Niyang gawin. Ang madama ang Kanyang banal na pagmamahal ay maaaring humantong sa taos-pusong pagsisisi, at mababago kayo niyan—gaano man kabigat ang inyong kasalanan.

Nagpapasalamat ako sa pangalawang pagkakataon. Nagpapasalamat ako sa ebanghelyo. Nagpapasalamat ako na ibinalik ako ng Tagapagligtas. At nagpapasalamat ako na tinulungan Niya akong maging mas mabuting asawa sa aking asawa at ama sa aking mga anak.

Kung mananampalataya tayo sa Tagapagligtas at magtitiwala sa Kanya, magugulat tayo sa mga pagbabagong magagawa Niya sa atin.

pamilyang naglalakad sa lansangan

Nananatiling nagpapasalamat si Tony na tinulungan siya ng Panginoon na maging mas mabuting asawa sa kanyang asawang si Etelani at ama sa kanyang mga anak na sina Tony Jr. at Prelain.