“Ang Katotohanan ng Ating Buhay,” Liahona, Ago. 2025.
Ang Katotohanan ng Ating Buhay
Naghayag na ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ng mga katotohanan tungkol sa ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, kabilang na kung paano matatanggap ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob.
Pag-akyat ng hagdan sa isang maliit at siksikang silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio, noong Enero 22, 1833, nagtipon ang mga elder ng Simbahan na kasama si Propetang Joseph Smith. Noong Disyembre ng nakaraang taon, nakatanggap ng paghahayag si Joseph na nag-uutos sa kanya na magtayo ng isang paaralan na ang pangunahing layunin ay ihanda ang kalalakihan para sa mga misyon.
“Binibigyan ko kayo ng kautusan,” sabi ng Panginoon, “na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.
“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo, upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong maunawaan; …
“Upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 88:77–78, 80).
Ang “Paaralan ng mga Propeta” na ito, na siyang tawag dito, ay nagbubuhos ng napakagagandang espirituwal na karanasan. Maraming naunang mga lider ng Simbahan ang tinuruan doon. Ngayon ang mundo ay ganap na naiibang lugar, pero hindi kapani-paniwala na ang patnubay na ibinigay ng Panginoon noon ay angkop pa rin ngayon. Kailangan din tayong maghangad ng kaalaman at katotohanan “ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24).
Ang Paghahanap Natin sa Katotohanan
Sa panahong ito kung kailan tayo nabubuhay, mas maraming kaalaman ang magagamit natin kaysa rati. Noong araw, kung may gusto kayong malaman, kailangan ninyong pumunta sa library at hanapin iyon. Ngayon ang internet at mga handheld device ay nagbibigay ng access sa halos walang-katapusang impormasyon na halos agad nating mahahanap.
Nalulugod ang Panginoon kapag ginagamit natin nang may katalinuhan ang resources na available sa atin, pero inilaan Niya ang walang-hanggang payong ito: “Masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Hinihikayat Niya tayong alamin ang tungkol sa mundo sa ating paligid (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:79; 93:53), pero sa paghahanap natin ng katotohanan, kailangang umasa tayo sa Diyos, na “nauunawaan ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay nasa harapan niya, … at siya ay [nangingibabaw sa] lahat ng bagay, … at lahat ng bagay ay ginawa niya, at mula sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 88:41).
Sa mga katotohanang ibinigay na sa atin ng Diyos, isa sa pinakapundasyon ng ating buhay sa lupa ay ang katotohanang Siya ang ating Ama sa Langit. Tayo ay Kanyang mga espiritung anak na lalaki at babae. Kilala Niya tayo at sakdal ang pagmamahal Niya sa atin. At bilang Kanyang mga espiritung anak, mayroon tayong likas na kabanalan at tadhana. Ang pag-unawa at pagtanggap sa mga walang-hanggang katotohanang ito ay nagbibigay sa atin ng identidad, halaga, at layunin na nagpala at gumabay sa atin sa ating buhay bago tayo isinilang sa mundo at patuloy itong magpapala at gagabay ngayon at magpakailanman.
Kasama Natin ang Ama sa Simula
Kapag hinahanap natin ang katotohanan ng mga bagay “[na] nakalipas,” natutuklasan natin ang mga salitang ito mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo: “At ngayon, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako sa simula ay kasama ng Ama, at ako ang Panganay,” at “kayo rin sa simula ay kasama ng Ama” (Doktrina at mga Tipan 93:21, 23).
Bago tayo nabuhay sa lupa, dumalo tayo sa isang kapulungan sa langit kung saan inilahad ng ating Ama sa Langit ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang motibo ng Diyos sa Kanyang plano ay para bigyan tayo ng “pribilehiyong umunlad na katulad niya [at] … mapadakilang kasama niya.” Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ginamit natin ang ating kalayaan at piniling sumunod sa plano ng Ama sa Langit. Mapalad tayong isilang sa buhay na ito, kung saan patuloy tayong magtataglay ng kalayaan at makakaranas ng mortalidad, matututo, at uunlad tungo sa buhay na walang hanggan.
Sa paglalakbay natin sa buhay, daranas tayo ng mga hamon at kabiguan. Pero hindi natin kailangang haraping mag-isa ang paghihirap sa buhay. Itinuro ni Joseph Smith na ang Ama sa Langit, “ang Dakilang Magulang ng sansinukob[,] ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamahal at pagmamalasakit ng isang ama.”
Ang ating Ama sa Langit, “ang Ama ng mga kaawaan, at Diyos ng lahat ng kaaliwan,” ay pagpapalain tayo, pasisiglahin tayo, at aaliwin tayo “sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na [ipinang-aliw] sa atin ng Diyos” (2 Corinto 1:3–4). Bilang mahalagang bahagi ng Kanyang plano, naglaan ng daan ang Ama sa Langit para makabalik tayo sa Kanya.
Ang Daan Tungo sa Ating Ama
Malinaw ang katotohanan “ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito” (Jacob 4:13): hindi natin maaabot nang mag-isa ang ating buong potensyal bilang mga anak lamang ng ating Ama sa Langit. Si Jesucristo, ang Panganay na Anak ng Ama sa espiritu, ay nakipagtipan na maging ating Tagapagligtas at Manunubos.
Si Jesucristo, “[a]ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan, maging [ng] Espiritu ng katotohanan, … [ay] pumarito at nanirahan sa laman, at nanirahang kasama natin” (Doktrina at mga Tipan 93:11). Ipinakita Niya sa atin ang daan para makasumpong ng kaligayahan, kahulugan, at kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
“Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang [sumpain] ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” (Juan 3:16–17).
Mahalaga ang karanasan ng Tagapagligtas sa lupa. “Hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, [kundi] tumanggap nang biyaya sa biyaya” (Doktrina at mga Tipan 93:12). Lumaki Siya hanggang sa “tinanggap niya [ang] lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa, at ang kaluwalhatian ng Ama ay nasa kanya, sapagkat siya ay nanahan sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 93:16–17). Itinuro ng Tagapagligtas:
“Ibinibigay ko sa inyo ang mga salitang ito upang maunawaan ninyo at malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin, upang kayo ay makarating sa Ama sa aking pangalan, [at] sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan.
“Sapagkat kung inyong susundin ang aking mga kautusan ay tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin kagaya ko sa Ama; samakatwid, sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya” (Doktrina at mga Tipan 93:19–20).
Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inako ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan at nagdanas Siya ng lahat ng kalungkutan at “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11). Ito ang “dahilan upang [Siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, [ay] manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Sa pamamagitan lamang ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli naging posible ang kaligtasan at kadakilaan.
Sa pamamagitan ng biyaya at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari tayong lumago hanggang sa makatanggap tayo ng kaganapan at maaaring maging perpekto balang-araw. Kung tutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga utos, aakayin at gagabayan Niya tayo sa ating daan pabalik sa maluwalhating presensya ng ating Ama sa Langit.
Christ on the Road to Jerusalem [Si Cristo sa Daan Papuntang Jerusalem], ni Michael Coleman, hindi maaaring kopyahin
Tatanggapin Mo ba ang Kanyang Handog?
Sa mga katotohanan “ng mga bagay [na tunay na mangyayari]” (Jacob 4:13), nalaman natin na ang ating karanasan sa kawalang-hanggan ay matutukoy sa pamamagitan ng pagpili nating sundan si Jesucristo at pagtanggap sa mga kaloob na Kanyang iniaalok. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ating “[tatamasahin] yaong [ating] handang tanggapin.” Ang malungkot, ang ilan ay hindi magiging “handang tamasahin yaong kanila sanang tatanggapin” (Doktrina at mga Tipan 88:32).
Itinuro ng aking mission president na si Elder Marion D. Hanks (1921–2011), na naglingkod bilang General Authority Seventy, sa kanyang mga missionary na ang paghingi ng bagay na handa tayong tanggapin at matamasa ay isang paraan para mahusgahan natin kung nasaan tayo sa ating espirituwal na paglalakbay. “Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog?” Kapag tinanggap natin ang mga kaloob ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng taimtim na paghahanap at pagsunod sa Kanya, magagalak tayo sa pag-asa ng buhay na walang hanggan at “sa kanya [na] siyang nagkaloob ng handog [na iyon]” (Doktrina at mga Tipan 88:33). Ang kaloob na ito na buong pagmamahal na ibinigay “ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).
Ang Diyos ang ating Ama sa Langit. Kilala at mahal Niya tayo. Kapag bumaling tayo sa Kanya sa paghahanap natin sa katotohanan, maaari tayong kumapit sa katalinuhan, tumanggap ng karunungan, tumanggap ng katotohanan, magmahal sa kabutihan, at kumapit sa liwanag na nagmumula sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:40). Pagkatapos ay magpapatuloy tayo sa buong buhay natin hanggang sa “[dumating] ang araw na [ating] mauunawaan maging ang Diyos, na binuhay sa kanya at sa pamamagitan niya” (Doktrina at mga Tipan 88:49).
Iyon ay magiging isang pinakamaluwalhati at masayang araw.