2025
Ang mga Kasama Natin
Agosto 2025


“Ang mga Kasama Natin,” Liahona, Ago. 2025.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Ang mga Kasama Natin

Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas ay bababa sa Kanyang matatapat na pinagtipanang tao.

paglalarawan sa mga kabayo at anghel na nakapalibot sa bundok

Gustung-gusto ko ang kuwento tungkol sa propetang si Eliseo. Nais ng hari ng Siria na dakpin si Eliseo at nagpadala siya ng mga hukbo para palibutan ang lungsod kung saan ito nakatira. Nang makita sila ng binatang lingkod ni Eliseo, natakot ito at nagtanong kay Eliseo kung ano ang gagawin nila. (Tingnan sa 2 Mga Hari 6:11–15.) Ang sagot ni Eliseo ay “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila” (2 Mga Hari 6:16). Maaaring nagtaka ang lingkod kung paano ito naging posible dahil nakikita niya na napapaligiran sila ng kaaway. Pero ipinagdasal ni Eliseo na buksan ng Panginoon ang mga mata ng binatang ito, at nakita nito na “ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo” (2 Mga Hari 6:17).

Saan ka man naroroon sa mundo, lagi mong tandaan na ang mga kasama natin at tumutulong sa atin at nagbubunyi para sa atin ay higit kaysa mga kalaban natin, anuman ang tila nangyayari. Kapag pinili nating manatiling konektado nang husto sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Kanila, makatitiyak tayo sa katotohanang iyan. At ang mga makakasama natin ay mas makapangyarihan kaysa sa mga kalaban natin. Pinatototohanan ko iyan!

Tulad ng ipinahayag ng dakilang missionary sa Aklat ni Mormon na si Ammon matapos ang kanyang maraming taon ng paghihirap at kagalakan sa pangangaral sa mga Lamanita, balang-araw ay ipapahayag din natin:

“Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay; oo, masdan, maraming dakilang himala ang nagawa natin sa lupaing ito, kung saan pupurihin natin ang kanyang pangalan magpakailanman. …

“… Masdan, sino ang maaaring labis na pupuri sa Panginoon? Oo, sino ang makapagsasabi ng labis-labis [tungkol] sa kanyang dakilang kapangyarihan, at [sa] kanyang awa, at [sa] kanyang mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao?” (Alma 26:12, 16; idinagdag ang diin).

Isang Diyos na may Dakilang Kapangyarihan at Awa

Iyan ang Diyos na sinasamba natin! Isang Diyos na may dakilang kapangyarihan at awa at mahabang pagtitiis! Isang Diyos na may planong tubusin tayo—ang dakilang plano ng kaligayahan—na ginawang posible ng ating mahal na Tagapagligtas at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin (tingnan sa Alma 42).

Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay lagi nating makakasama saanman tayo magpunta sa mundo, kung papayagan natin Sila sa pamamagitan ng pagpili sa Kanila at patuloy na pagpili sa Kanila. Hindi nila ipipilit ang Kanilang Sarili sa ating buhay. Tayo ang magpapasiya, pero bakit natin pipiliing gawin ito nang mag-isa samantalang maaari nating taglayin ang banal na kapangyarihan, proteksyon, at mga pangakong inaalok Nila sa atin kapag pinili nating masayang ibigkis ang ating sarili sa Kanila sa pamamagitan ng pakikipagtipan? Iyan ang taglay ng propetang si Eliseo, at dahil diyan, hindi siya natakot, kahit pinaligiran siya ng mga hukbo ng masamang hari.

Nakita ni Nephi ang ating panahon:

“At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti. …

“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:12, 14).

paglalarawan sa araw at mga ulap

Mga Pinagtipanang Tao na Nasasandatahan ng Kapangyarihan

Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo sa buong mundo, kakaunti lamang tayo, ngunit ang pangako ay na ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos ay bababa sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo. Tayo iyan! Kapag tinupad natin ang ating mga tipan sa Diyos, ang pangako ay sasandatahan tayo ng Kanyang kapangyarihan.

Pinatototohanan namin ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na may mga anghel sa ating paligid sa magkabilang panig ng tabing. Dahil ipinahayag niya: “Hindi tayo iniiwang mag-isa ng Diyos kailanman, na walang tumutulong sa mga hamong kinakaharap natin. … At sa tuwina ay nariyan ang mga anghel na paroo’t parito sa paligid natin, nakikita at hindi, kilala at hindi, mortal at imortal.”