“Manila Philippines Temple nang Lusubin ng mga Sundalo,” Liahona, Ago. 2025.
Mga Kuwento mula sa Saints, Volume 4
Manila Philippines Temple nang Lusubin ng mga Sundalo
Larawan ng Manila Philippines Temple na kuha ni Leo Camposano Imperial
Nag-alala si Dignardino Espi, lead security officer sa Manila Philippines Temple, pagdating niya para magtrabaho noong gabi ng Disyembre 1, 1989. Maaga pa noong araw na iyon, nagkaroon ng himagsikan ang mga armadong lalaki sa Maynila, at nagkagulo sa lungsod. Ito ang ikapitong pagtatangkang ibagsak ang pamahalaan ng Pilipinas sa loob ng apat na taon.
Sa kabila ng kaguluhan sa pulitika, nagtamasa ng matibay na pundasyon ang Simbahan sa Pilipinas. Sa nakalipas na 30 taon, dumami na ang mga miyembro nito mula sa isang maliit na grupo ng mga Pilipinong mananampalataya at naging mahigit 200,000 Banal. Mayroon na ngayong 38 stake sa bansa at siyam na mission. At mula nang ilaan ito noong Setyembre 1984, pinagmulan na ng malaking kagalakan at espirituwal na kapangyarihan ang Manila Philippines Temple.
Sa guardhouse ng templo, natagpuan ni Dignardino ang kanyang mga kasamahang sina Felipe Ramos at Remigio Julian. Bagama’t patapos na ang shift nila, nag-atubiling umuwi ang dalawa. Nasa tapat ng templo ang Camp Aguinaldo, isang malaking base militar. Batid na maaaring maging target ng mga armadong lalaki ang kampo, nag-alala ang mga guwardiya na lisanin ang kanilang mga puwesto at mapagitna sa barilan. Mas pinili nilang manatili at tumulong na mapanatili ang kasagraduhan ng bahay ng Panginoon at ng bakuran nito.
Bandang ala-una ng umaga, naglagay ng harang ang mga sundalo ng pamahalaan sa isang sangandaan malapit sa templo. Makalipas ang ilang oras, inararo ng isang tangke ang harang sa daan, at napinsala ang pader sa paligid ng templo.
Nang sumiklab ang karahasan sa kalye, kinalap ni Dignardino at ng iba pang mga security officer ang dalawang custodian ng templo para tulungan silang mapanatiling ligtas ang gusali at bakuran nito. Sa paghahanap ng mapagtataguan mula sa pagbaril ng pamahalaan, pinilit buksan ng isang grupo ng mga lalaki ang tarangkahan ng templo. Sinikap ni Dignardino na pilitin silang umalis, pero ayaw nila.
Dignardino Espi
Kalaunan nang hapong iyon, tinawagan ni Dignardino ang temple president na si Floyd Hogan at ang area president na si George I. Cannon. Pinayuhan siya ni President Cannon at ang mga tauhan na magtago sila sa loob ng templo. Maya-maya pa, namatay ang mga linya ng telepono.
Kinaumagahan ay Linggo ng ayuno, at sinimulan ng mga tauhan ang kanilang pag-aayuno sa paghiling sa Diyos na huwag tulutang malapastangan o masira ang bahay ng Panginoon.
Lumipas ang araw na halos katulad ng nakaraang araw. Nagliparan ang mga helicopter sa ibabaw ng templo at pinaulanan ng bala ang bakuran nito. Naghulog ng ilang bomba ang isang eroplano sa malapit, na dumurog sa mga bintana ng distribution store ng Simbahan at puminsala sa iba pang mga gusali. Minsa’y nagpakawala ng dalawang rocket ang isang fighter jet sa ibabaw ng templo at nasunog ang isang kalapit na bukid.
Maaga pa nang hapong iyon, may natagpuan si Dignardino na 10 armadong lalaki malapit sa pasukan ng templo. “Ang makikita ninyo sa loob ng gusali ng templo ay puro panrelihiyon at sagrado,” sabi niya sa kanila. Kabado siya, pero patuloy siyang nagsalita. “Kung pipilitin ninyong pasukin ang kabanalan ng gusali, mawawala ang pagkasagrado nito,” sabi niya. “Ipagkakait ba ninyo sa amin ang mga pagpapalang ito?” Natahimik ang mga lalaki, at nang lumakad sila palayo, nalaman ni Dignardino na naantig sila sa sinabi niya.
Nang gabing iyon, tinipon ni Dignardino ang mga tauhan niya, at muli silang nagtago sa loob ng templo. Nagdasal siya nang taimtim, na nagtitiwala na pangangalagaan ng Panginoon ang Kanyang banal na bahay.
Buong gabi, hinintay nilang bumagsak ang mga bomba, pero tahimik na lumipas ang mga oras. Madaling-araw ng Lunes, dahan-dahan silang lumabas mula sa templo para suriin ang sitwasyon. Wala na ang mga armadong lalaki. Walang natira kundi mga abandonadong armas, bala, at uniporme ng militar.
Ininspeksyon ni Dignardino at ng iba pang kalalakihan ang bakuran at nakakita sila ng kaunting pinsala sa ilan sa mga gusali sa labas. Pero walang pinsala ang templo mismo.