“Ang Gumagabay na Impluwensya ng Diyos,” Liahona, Agosto 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Gumagabay na Impluwensya ng Diyos
Ibinaling ng pagbabasa ko tungkol sa aking mga ninuno ang puso ko sa kanila sa paraang hindi ko inasahan.
Paglalarawan ni Brian Call
Noong buntis ang asawa ko sa pangatlong anak namin, natuklasan na may kundisyon siya na nagpahirap sa kanya na maglakad. Dahil dito at sa iba pang mga kumplikasyon, kinailangan niyang manatiling nakahiga sa kama sa halos buong panahon ng kanyang pagbubuntis.
Nahirapan siyang manganak, at walong araw siyang nasa ospital. Kahit nakauwi na siya, hindi nagbago ang kundisyon niya. Hindi nagtagal ay nakatuklas ang mga doktor ng iba pang mga problema. Kinailangang mag-adjust ng aming pamilya sa isang bagong pamumuhay.
Dahil dito, halos gabi-gabi ay ako ang nag-alaga sa aming bagong-silang na anak. Nagtatrabaho ako noon nang full-time, at naging hamon ang patuloy na paggising sa gabi. Para hindi ako mainis, sinimulan kong basahin ang mga kasaysayan ng mga ninuno kong pioneer habang gising ako. Medyo pamilyar na ako sa kanila, pero nang mabasa ko ang mga kuwento tungkol sa mga lolo’t lola ko at sa mga nauna sa kanila, nagulat ako sa laki ng kaugnayan ng buhay nila sa akin.
Nang matuklasan ko ang iba pa tungkol sa pamilya ko, nalaman ko na nagbibigay-inspirasyon ang pananampalataya nila. Halos agad akong nakadama ng kagalakan. Hindi na pasanin ang pakiramdam ko sa pagpupuyat. Sa katunayan, kinailangan ko pang piliting matulog kapag panatag na ang anak namin.
Nagkaroon ako ng malalim na pagpapahalaga sa mga nauna sa akin. Talagang bumaling ang puso ko sa aking mga ninuno (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:14–15; Malakias 4:6). Nakikita ko ang gumagabay na impluwensya ng Diyos sa buhay nila, at nadarama ko ang pagmamahal nila sa Kanya.
Lumawak ang pananaw ko sa buhay nang makita ko ang hindi ko nakita noon. Nang mabasa ko ang mahihirap na sitwasyong tiniis ng aking mga ninuno, ang kanilang pagtitiyaga ay nagbigay ng kapanatagan sa sarili kong sitwasyon.
Maraming beses kong nadama mula noon ang impluwensya ng mga taong nauna sa akin sa personal na mga paraan na nagbigay sa akin ng inspirasyon. Nang maranasan ko ang gayon kalawak na epekto, nakahanap ako ng mga paraan para mahanap, mapagsama-sama, at maibahagi ang iba pang kasaysayan sa aking pamilya para maranasan din nila ang mga pagpapalang iyon.
Naragdagan ang hangarin kong magpunta sa templo. Nadarama ko ang pangangailangang parangalan ang tapat na pamana ng aking mga ninuno. Nais kong bigyan sila ng pagkakataong makipagtipan sa ating Tagapagligtas. Nang dalhin ko sa templo ang mga pangalan ng patay na mga kamag-anak kong ito, tumibay ang aking pakikipagtipan sa Tagapagligtas, at nadama ko ang Kanyang nagpapadalisay na impluwensya sa buhay ko.