“Paano Kayo Makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Ago. 2025.
Paano Kayo Makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito
Nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng apat na paraan para mapatibay ang ating relasyon kay Jesucristo bilang paghahanda sa Kanyang pagdating.
Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson
Maraming taong sabik na naghihintay sa Ikalawang Pagparito ni Cristo. Tuwang-tuwa silang naghahanda para sa Kanya tulad ng gagawin nila kung may bibisitang kaibigan o kamag-anak mula sa malayo. Maaaring nag-aalala ang iba tungkol sa mga mangyayari bago Siya pumarito. Ngunit ang paghahanda para sa mga pangyayaring ito ay maaaring gawing panahon ng kagalakan ang panahong hahantong sa pagparito ng Tagapagligtas.
Hinihikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na maghanda para sa pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng “[pag-una] natin higit sa lahat [sa] ating pagiging disipulo.” Narito ang apat na bagay na itinuro niya na magagawa natin para mapatibay ang ating relasyon sa Tagapagligtas.
1. Muling ilaan ang inyong sarili kay Jesucristo
“Si Jesucristo ay magbabalik sa mundo bilang Mesiyas ng milenyo,” sabi ni Pangulong Nelson. “Kaya ngayon, nananawagan ako sa inyo na muling ilaan ang inyong buhay kay Jesucristo.”
Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na lumapit kay Cristo at ialay ang ating buong kaluluwa sa Kanya (tingnan sa Omni 1:26), na nagpapatotoo na “ito ang sikreto sa buhay na puno ng kagalakan!”
Ang prosesong ito ng muling paglalaan ay maaaring magmukhang kakaiba para sa lahat. Ngunit ang makibahagi sa mga aktibidad at gawi na nagpapalago sa inyong patotoo sa Tagapagligtas ay tutulong sa inyo na maging mas tapat sa Kanya. Ipagdasal na matuklasan ang mga paraan na maaari ninyong higit na ilaan ang inyong sarili kay Jesucristo.
2. Sumamba sa templo
Ang isa sa pinakamagagandang paraan na mapagbubuti pa natin ang ating pagiging disipulo ay sa regular na pagsamba sa templo. Kapag gumugol tayo ng oras sa templo, natututo tayo tungkol kay Cristo at mas napapalapit sa Kanya. “Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo,” pagtuturo ni Pangulong Nelson.
Ang pagkakaroon ng regular na appointment sa templo ay maaaring magpalakas at magpatibay sa inyong pagiging disipulo at pagmamahal sa Tagapagligtas. Sinabi ni Pangulong Nelson, “Kung malapit kayo sa templo, hinihikayat ko kayo na humanap ng paraan na regular na makipagkita roon sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—[pagkatapos ay] gawin ito nang may [katumpakan at] kagalakan.”
3. Tumulong na tipunin ang kumalat na Israel
Nilinaw na ni Pangulong Nelson na dapat tayong maging seryoso tungkol sa pagtitipon ng Israel. “Sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta ang pagtitipong ito [tingnan sa Isaias 11:11–12], at nagaganap na ito ngayon! Dahil kailangan itong mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo!”
Kabilang sa pagtitipon ng kumalat na Israel ang pagtulong sa iba sa paggawa at pagtupad ng mga tipan. Kabilang dito ang gawaing misyonero, gawain sa templo, at paggawa ng family history. Nais nating lumapit ang iba kay Jesucristo at madama nila ang Kanyang pagmamahal.
4. Pag-aralan ang sakripisyo ng Tagapagligtas
Ang pag-alam sa iba pang bagay tungkol sa Tagapagligtas ay isa pang paraan para mapalago ang inyong pagiging disipulo. Sabi ni Pangulong Nelson, “Hinihikayat ko kayo na maglaan ng oras bawat linggo—sa nalalabing panahon ng inyong buhay—na dagdagan ang inyong pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Ang regular na pag-aaral tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay makakatulong sa inyo na mapalakas ang inyong patotoo sa Kanyang kapangyarihan. Mahihikayat kayo nitong magsisi at maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Sa tulong Niya, maaari tayong maging mas mabuti. “Walang hangganan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kayo,” pagtuturo ni Pangulong Nelson. “Ang Kanyang di-maaarok na pagdurusa sa Getsemani at sa Golgota ay para sa inyo! Ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala ay para sa inyo!”
Isang Masayang Araw
Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson:
“Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. “Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo. …
“… Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang] kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.”
Habang sinisikap nating mas lumapit Kanya, mas lalapit Siya sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63). At kapag pumarito Siyang muli, “papahirin Niya ang bawat luha” (Apocalipsis 21:4). Ito ay magiging isang masayang araw.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.