“Pag-upo sa Daraanan ng Tagapagligtas,” Liahona, Ago. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pag-upo sa Daraanan ng Tagapagligtas
Nang magkaroon ako ng malubhang sakit, hindi ko alam kung paano susulong hanggang sa maranasan ko ang pagpapagaling ng Tagapagligtas.
Tatlong taon na ang nakararaan, natuklasan na may Parkinson’s disease ako—isang karamdaman na nagiging sanhi ng tuluy-tuloy na panginginig at paninigas ng katawan. Nabigla ako, at inakala ko na mamamatay na ako.
Sa sumunod na ilang buwan, naging emosyonal ako, balisa, at nagkaroon ng depresyon. Natakot ako sa darating na mga hamon. Akala ko hindi na ako mabubuhay nang matagal sa patuloy na pananakit ng mga braso ko at panginginig ng mga kamay ko. Gustung-gusto kong umupo sa daraanan ng Tagapagligtas at hipuin ang Kanyang damit, tulad ng ginawa ng babaeng dinurugo!
“Sapagkat [sinabi] niya, Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako” (Marcos 5:28).
Sa kabila ng panggagamot ng mga doktor at ng maraming panalangin na nagsusumamo ng ginhawa, hindi ako gumaling. Isang araw, nang sabihin ko sa Ama sa Langit ang nilalaman ng puso ko, nagkaroon ako ng mas malalim na pag-unawa. Ang Panginoon ay pinagagaling ako—hindi sa pisikal na paggaling na inasam ko kundi sa paggaling na kailangan ko: espirituwal na paggaling.
Doon ko natanto na ang tiwala ko sa “espirituwal na pagtuturo” ng Diyos ay lumalago. Naging mas taimtim ang mga dalangin at pakikiramay ko sa iba. Nagsimula akong mag-ukol ng oras araw-araw na magnilay at lumayo sa mga panggagambala, na hinahanap ang mga aral na maaari kong matutuhan mula sa mga hamon sa aking buhay. Nagkaroon ng bagong kahulugan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at naging mas masidhi ang pangangailangan kong magsisi.
Sa kabila ng aking sakit, nang madama ko na wala na akong maitutulong, nagulat ako nang tawagin akong maglingkod bilang ward Relief Society president. Ang limutin ang aking mga problema nang maglingkod ako sa iba pang kababaihan ay pagpapala mula sa mapagmahal na Ama, na para bang sinasabi Niya na may tiwala pa rin Siya sa akin. Bilang kapalit, natanggap ko ang pagmamahal at magiliw na pakikitungo ng mababait na sister na nakakaunawa sa aking mga hamon.
Pakiramdam ko ngayon ay nakaupo ako sa daraanan ng Tagapagligtas. Habang hinihintay ko Siya, pinadadalisay ako ng aking mga hamon.
Mapapagaling ng Panginoon ang ating sakit, pisikal man, emosyonal, o espirituwal, pero kailangang manampalataya tayo sa Kanyang pagpapagaling at matiyagang maghintay. Sa isang lugar sa landas, magiging napakalapit ng Tagapagligtas para mahipo natin ang Kanyang damit at marinig natin na sabihin Niya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo” (Marcos 5:34).