2025
Pag-asa at Tulong sa Pamamagitan ng Edukasyon
Agosto 2025


Pag-asa at Tulong sa Pamamagitan ng Edukasyon

Pinagpapala ng Simbahan ang libu-libong mga kabataan at young single adult sa pamamagitan ng mga inisyatiba nito sa edukasyon sa West Africa at iba pang mga bansa.

Bishop Darmande Legbanon at Alexis Ahouayito

Dahil pinagpala si Bishop Darmande Legbanon (kaliwa) ng isang guro sa institute na tumulong sa kanya na matuto ng French at maghanda para sa misyon, hinikayat niya ang mga kabataan sa West Africa tulad ni Alexis Ahouayito (kanan), na nagmimisyon ngayon sa Zambia, na samantalahin ang mga programang tulad ng Succeed in School. Sabi niya, ang Succeed in School ay makakaragdag sa kanilang mga oportunidad.

Nang sumapi si Darmande Legbanon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi siya marunong bumasa, sumulat, o magsalita man lang ng French, ang opisyal na wika ng Benin. Pero sa tulong ng kanyang stake president, natuto siya ng French sa institute sa pamamagitan ng pagbasa sa Aklat ni Mormon at nagpatuloy sa paglilingkod sa isang French-speaking mission. Ngayon, nagmamay-ari siya ng isang matagumpay na negosyo sa welding, nagtuturo sa mga apprentice, at naglilingkod bilang bishop ng kanyang ward.

Dahil nagkaroon siya ng mga kasanayan sa wika at buhay dahil sa Simbahan, hinihikayat ngayon ni Bishop Legbanon ang mga kabataan sa West Africa na sumunod sa kanyang mga yapak. Ang dalawang-antas na inisyatibang pang-edukasyon—ang “Succeed in School” para sa mga kabataang edad 11 hanggang 18 at “Gathering Places” para sa mga young single adult—ay tumutulong sa mga kabataan na sumulong sa pag-aaral, sa espirituwal, at sa lipunan. Sa pangangasiwa ng mga Area Presidency at lokal na lider, ang dalawang pagsisikap na ito ay nagpapala sa libu-libo sa West Africa at sa iba pang bahagi ng mundo.

catering group sa programa paglabas ng paaralan

Ipinakita ng mga young single adult mula sa Tema Ghana Stake ang kanilang mga kasanayan sa catering class para sa mga lider ng pamahalaan at komunidad sa isang Gathering Place conference sa Accra.

“Succeed in School [Magtagumpay sa Pag-aaral],” Magtagumpay sa Buhay

Ang Succeed in School program na ginagawa pagkatapos ng mga klase sa paaralan ay tumutulong sa mga kabataan na sumulong sa pag-aaral, maghanda para sa mas mataas na edukasyon, at maging self-reliant. Sa ngayon, naipatupad na ito sa ilang bansa sa West Africa, kung saan lumalahok ang karamihan sa tinatayang mga 30,000 estudyante sa programa. Pinatatakbo rin ito sa Mexico, Haiti, Papua New Guinea, Vanuatu, at timog-kanlurang bahagi ng Estados Unidos.

Sa Succeed in School, “ang itinuturo namin sa … mga kabataan ng Simbahan: ‘Mahalaga ang edukasyon. Mahalaga kayo sa amin, at mahalaga sa amin ang pag-aaral,’” sabi ni Elder Clark G. Gilbert, Commissioner of Church Education. Sinasabi niya at ng iba pang mga lider na ang Succeed in School ay isang mabisang paraan para matulungan ang lumalaking henerasyon na maragdagan ang kanilang kakayahan sa pag-aaral at sa espirituwal.

Ang mga lider sa mga lokal na seminary at institute of religion ang nagpapatakbo sa programa, at ang mga lider ng stake at district ang nagpapasiya kung aling resources ang pinakamainam na gamitin sa sarili nilang lugar. Ang mga lesson at aktibidad ay batay sa pandaigdigang pamantayan sa kurikulum ng edukasyon. Ang mga lesson ay dagdag sa regular na mga asignatura at tumutulong sa mga estudyante na manatili sa paaralan. Ang mga boluntaryong guro mula sa mga lokal na stake ay nagtuturo ng mga klase sa pagbabasa, pagsusulat, matematika, at mga kasanayan sa buhay sa lokal na mga gusali ng simbahan.

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang tagumpay ng Succeed in School ay dahil sa “espirituwal na elemento” na isinama sa academics. “Nakikita namin sa maraming lugar sa Africa [na] ang mga marka ng mga [estudyante] sa mga pambansang pagsusulit ay talagang tumaas dahil lamang sa kaunti pang pansin na nakakaragdag sa napakahalagang paraan sa nakukuha nila sa paaralan.”

Ang isa pang mithiin ay tulungan ang mga kabataan na magpatuloy sa mas mataas na paaralan, tulad sa BYU–Pathway Worldwide o vocational training.

Binibigyang-diin sa mga klase ng Succeed in School ang:

  • Pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo at pagbabalik-loob sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

  • Kahalagahan ng pag-aaral habambuhay.

  • Kaugnayan at kahalagahan ng mga asignaturang itinuturo.

  • Pagiging kabilang at pag-ambag upang makatulong sa karanasan sa pagkatuto ng grupo.

Habang pinagbubuti ng mga estudyante ang kanilang mga kasanayan sa pag-aaral, trabaho, at buhay, dinaragdagan din nila ang kanilang pag-asa sa hinaharap at pinauunlad ang kanilang potensyal na magtamo ng mas mataas na edukasyon at makapagtrabaho.

“Araw-araw Akong Naghahanda”

Habang dumadalo sa Succeed in School, natuto ng mga kasanayan si Alexis Ahouayito, ng Republic of Benin, West Africa, ng mga kasanayan na nakatulong sa kanya na maghanda para sa misyon. Nagbasa siya ng Aklat ni Mormon araw-araw, nag-aral, at nanalangin na mapasakanya ang Banal na Espiritu. Natutuhan niya sa programa “kung paano magturo nang may Espiritu at kung paano magturo nang may awtoridad.” Siya ngayon si Elder Ahouayito, na naglilingkod bilang isang English-speaking missionary sa Zambia Lusaka Mission.

Hinikayat siya ng kanyang mentor na si Bishop Legbanon na dumalo sa Succeed in School habang isa siyang apprentice sa welding shop ni bishop.

Sabi ng isa pang apprentice na si Kodjo Dick Amenyovo, “Ang pag-uugaling ipinapakita sa amin ng aming mga lider—kung paano nila kami kausapin at turuan—ay naghihikayat sa amin na matuto at magmisyon.”

Sinabi ni Bishop Legbanon,na nang magsimulang magtrabaho para sa kanya ang kanyang mga apprentice, ang ilan ay hindi marunong ng French na katulad niya dati.

“Pero ngayo’y mas madali na para sa kanila ang magbasa at sumulat, magkalkula ng matematika, at gumawa ng iba pang mga bagay,” kabilang na ang paghahandang maging matagumpay na mga missionary. Ang Succeed in School ay “may kalakip na mabubuting bagay, at nakatulong ito sa mga apprentice ko.”

Isang Inspiradong Programa

“Alam ko na laging iniisip ng ating Ama sa Langit ang ating mga kabataan. Bukod pa sa seminary, mayroon tayo ng programang ito,” sabi ni Marie Aimée Judith Ake ng Abidjan Côte d’Ivoire Niangon South Stake.

Pinasasalamatan niya ang Succeed in School sa pagtulong sa kanya na magkaroon ng tiwala sa sarili.

“Hindi na ako nahihiyang magsalita sa harap ng mga kaklase ko, at hindi na ako nahihiyang magsalita tungkol sa aking simbahan. Nadarama ko pa nga na kailangan kong maglingkod sa full-time mission,” sabi niya.

Si Marie naman ay nagpapasalamat na pinagsama sa programa ang espirituwal at sekular na pagkatuto, dagdag pa niya, “Alam ko na ang programang ito ay binigyang-inspirasyon ng aking Ama sa Langit, at para ito sa sarili nating kabutihan.”

mga estudyanteng nakikilahok sa klase sa Lomé, Togo

Tinuturuan ni Lawson Kingnadja Mintotibe ang mga estudyante sa Lomé, Togo, kung paano magtagumpay sa pag-aaral.

Nagtitipon, Naghahanda, Lumalago

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahatid ng pag-asa at oportunidad sa libu-libong mga young single adult habang nagsasama-sama sila sa Gathering Places.

Ang mga young adult ang “kinabukasan ng mga pamilya at ng mga bansa,” sabi ni Elder Alfred Kyungu, President ng Africa West Area. Sa pananaw na iyon, ang mga lider ng Simbahan, young single adult, at senior missionary sa Africa West Area ay nagtatatag ng Gathering Places para tulungan ang mga young single adult na mahanap at manatili sa landas ng tipan, maging karapat-dapat sa trabaho, at makasal sa templo.

“Ang Gathering Place ay isang lugar kung saan maaari silang maghandang maging mga lider sa Simbahan at sa kanilang pamilya, at maging katulad ng tao na kailangan at nais ng Panginoon na kahinatnan nila,” sabi ni Shirlene Wade, na isang area young single adult missionary sa Africa West Area kasama ang kanyang asawang si Alan.

Ang isang Gathering Place, na karaniwang idinaraos sa isang gusali ng simbahan o institute, ay tumatanggap ng mga young single adult at kanilang mga kaibigan kapag nagtitipon sila para sa masaya, pang-edukasyon, at espirituwal na mga aktibidad—minsan sa isang linggo o anim na beses sa isang linggo, depende sa pangangailangan at interes. Ang mga young single adult ay maaaring mas mapalapit sa Panginoon, masiyahan sa mabubuting pakikisama, matuto ng isang trabaho, at maging self-reliant. Lumalahok sila at tinuturuan ng:

  • Edukasyong panrelihiyon at pag-aaral ng ebanghelyo, kabilang na ang institute.

  • Mga oportunidad na makapag-aral, kabilang na ang technical at vocational training at BYU–Pathway Worldwide.

  • Mga aktibidad sa paglilingkod at pakikisama.

  • Mga aktibidad sa templo at family history.

  • Paghahanda na maging missionary at pagtulong sa komunidad.

Pagdama sa Pagmamahal ng Diyos

Nakita mismo nina Zachery at Rebecca Poulter, na naglingkod bilang mga young single adult missionary mula 2022 hanggang 2024, kung paano pinagpapala ng Gathering Place ang mga young single adult sa West Africa. Ang inisyatiba ay lumago mula sa isang pilot program hanggang sa humigit sa 180 Gathering Places sa pagtatapos ng 2024 sa Benin, Ghana, Ivory Coast, Liberia, Nigeria, Senegal, Sierra Leone, at Togo.

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahatid ng pag-asa,” sabi ni Rebecca, “at naghahatid ito ng pag-asa sa mga young single adult sa pamamagitan ng Gathering Place.”

Ayon sa inaprubahan ng mga Area Presidency, ang Gathering Place ay pinamumunuan ng isang stake young single adult committee na pinangangasiwaan ng stake o district president.

“Kinakausap ng mga miyembro ng stake YSA committee ang kanilang stake o district president para matukoy ang mga pangangailangan ng mga young single adult sa kanilang stake, at pagkatapos ay kumukuha sila ng resources para itugma sa mga pangangailangang iyon,” sabi ni Zachery.

Sabi ni Elder Adeyinka A. Ojediran, Unang Tagapayo sa Africa West Area Presidency, “Tinutulungan ng young single adult committee ang mga young single adult na madama ang pagmamahal ng Diyos kapag inaanyayahan at sinusuportahan nila sila sa landas ng tipan.” Ang mga lider ay nagtutuon sa:

  • Pagtulong sa mga young single adult na ipamuhay ang ebanghelyo at tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa.

  • Pagpapalakas sa kanila sa espirituwal, sa intelektwal, sa pakikisama, at sa pisikal.

  • Pagmamahal, pagbabahagi, at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo.

  • Pagbubuklod sa mga pamilya sa magkabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawain sa templo at family history.

mga young single adult na natututo ng baking skills o kasanayan sa pagbe-bake

Nag-aaral ang mga young single adult ng baking skills sa Gathering Place ng Kumasi Ghana Bantama Stake.

Mga Klase at Tiwala sa Sarili

Ang mga klase na inaalok sa pamamagitan ng isang Gathering Place ay maaaring sumasaklaw mula sa paggawa ng sabon hanggang sa paggawa ng sapatos, pagbe-bake hanggang sa paggupit ng buhok, computer coding hanggang sa pananahi ng damit, at graphic design hanggang sa pagnenegosyo.

“Ang isang Gathering Place ay maaaring magbigay ng panandaliang training sa mga young single adult upang sa loob ng dalawa o tatlong buwan ay talagang maaari na silang magtrabaho,” sabi ni Rebecca. “At nagbibigay ito sa kanila ng tiwala sa sarili na tingnan ang katulad ng BYU–Pathway o iba pang mga uri ng edukasyon bilang mas pangmatagalang mithiin.”

Ang maliliit na district ay maaaring magkita-kita tuwing Sabado lamang, na mga 15 hanggang 20 young single adult lamang ang dumadalo sa iilang iba’t ibang klase. Ang mas malalaking stake ay nag-aalok ng 25 hanggang 30 klase bawat linggo, at may mahigit 100 young single adult ang dumadalo.

Bukod pa sa pagkatuto ng skills o mga kasanayan at pagnenegosyo, ang mga young single adult ay sama-samang kumakain, naglalaro, gumagamit ng internet, nagdaraos ng home evening, at dumadalo sa mga miting ng Simbahan. At kadalasan ay nararanasan ng mga kalahok na nagdadala ng kanilang mga kaibigan ang kagalakan na makitang mabinyagan ang mga kaibigang iyon.

Mga Binyag, Trabaho, at Kasal

“Sa loob lamang ng mahigit dalawang taon, mahigit 8,000 mga binyag na ang naganap sa West Africa dahil sa pag-anyaya ng mga young single adult sa mga kaibigan sa kanilang Gathering Place,” sabi ni Alan Wade. “Sa loob ng dalawang taon ding iyon, mahigit 11,000 trabaho ang nakuha at mahigit 6,000 mga negosyo ang napasimulan. At mahigit 1,500 na ang ikinasal. Parang ilan lamang iyan sa maraming pakinabang na natatamo, at maraming young single adult ang pinipiling manampalataya at sundin ang landas ng ebanghelyo.”

Ang isang magandang bagay tungkol sa Gathering Place, dagdag pa ng mga Poulter, ay na hindi lamang ito isa pang programa o organisasyon na nagbibigay ng tulong sa Africa. Sa halip, sabi ni Rebecca, “ang Gathering Place ay tumutulong sa mga young single adult na sumangguni sa kanilang mga lider at makipagtulungan para matamo ang training na kailangan nila upang magtagumpay sila.”

Ang nagpapabago sa puso ng mga tao ay hindi isang libreng tulong, dagdag pa ni Zachery, kundi ang pag-asa sa sarili na nakakamit sa pamamagitan ng mga alituntunin ng ebanghelyo.

Mga Tala

  1. Clark G. Gilbert, sa “Episode 218: Elder D. Todd Christofferson and Elder Clark G. Gilbert on Thriving in and through the Church Educational System, with Guest Host Sheri Dew,” podcast, Dis. 10, 2024, thechurchnews.com.

  2. Tingnan sa “Succeed in School,” ChurchofJesusChrist.org/si/succeed-in-school.

  3. D. Todd Christofferson, sa “Episode 218: Elder D. Todd Christofferson and Elder Clark G. Gilbert on Thriving in and through the Church Educational System.”