2025
Pag-asa sa Sarili: Pagiging Madaling Makibagay at Makapagsarili sa Isang Mundong Walang Katiyakan
Agosto 2025


“Pag-asa sa Sarili: Pagiging Madaling Makibagay at Makapagsarili sa Isang Mundong Walang Katiyakan,” Liahona, Ago. 2025.

Pag-asa sa Sarili:

Pagiging Madaling Makibagay at Makapagsarili sa Isang Mundong Walang Katiyakan

Ang mga self-reliance group ng Simbahan ay maaaring makagawa ng kaibhan para sa lahat, anuman ang edad o sitwasyon.

Jeff Rebutar

Akala ni Jeff Rebutar ng Pasig Philippines Stake ay handa na siyang magretiro. Matapos magtrabaho hanggang lampas pa sa edad na 60, nagkaroon siya ng sapat na kita sa pagpapaupa para masuportahan silang mag-asawa nang walang tulong mula sa pamahalaan.

Pagkatapos ay na-stroke ang asawa niya. Dumami ang mga bayarin sa pagpapagamot, at naubos ang kita nila dahil sa pagtaas ng bilihin. Dahil salat sa pera, kumuha si Brother Rebutar ng kurso sa Simbahan na “Starting and Growing My Business for Self-Reliance.” Pagkaraan ng ilang pagsubok at pagkakamali, lumikha siya ng isang cleaning mixture na maaaring gamitin sa mga tahanan at lugar na pinagtatrabahuhan.

“Nakatulong ang training course at mga buwanang miting para makapagsimula,” sabi ni Brother Rebutar. “May kinailangan akong gawin para matustusan ang aking pamilya, kaya patuloy ko iyong ginawa. Pagkaraan ng kaunting maagang tagumpay sa negosyo, ako ang naging impormal na lider ng grupo para sa iba. Walang katulad ang aktuwal na pagtatamo ng kaunting karanasan sa isang bagong negosyo. Natututo tayo sa pamamagitan ng paggawa, hindi lamang sa pagdalo sa isang miting.”

Ang mga self-reliance course ng Simbahan ay nilayon para gamitin sa praktikal na paraan. Binibigyan nito ng kakayahan ang mga kalahok na isagawa ang mga alituntunin ng edukasyon, sipag, at pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon.

Jerry Martin

“Sapat ba ang Ibinabahagi Ko?”

Sa Plano Texas Stake, mahigit 900 na miyembro ang lumahok sa mga self-reliance group nitong mga huling taon. Ang ilan ay dumadalo bilang mga mag-aaral para makahanap ng resources o mga bagong ideya. Ang iba naman ay dumadalo bilang “mga tagapagpalakas” para magbigay ng patnubay, mungkahi, o suporta sa iba.

Sumapi si Jerry Martin, miyembro ng Plano stake presidency, sa isang self-reliance group para sa personal na pananalapi upang maging pamilyar sa proseso at sa materyal sa kurso. Bilang retiradong chief financial officer ng isang pangunahing korporasyon, hindi niya inisip na marami siyang matututuhan tungkol sa pananalapi.

“Nakakita ako ng mga oportunidad na tulungan ang ilang kalahok na makaahon sa utang o magkaroon ng personal na ipon at mga plano sa pamumuhunan na akma sa kanilang mga natatanging kalagayan,” sabi niya. “Talagang kasiya-siya ito.” At nagustuhan niya ang pagkakaibigan sa grupo. Pagkatapos ay may personal siyang natuklasan.

“Lagi akong nagbabayad ng aking ikapu at nagbibigay ng malaking fast offering, pero nang makilahok ako sa grupong ito, nadama ko na hindi sapat ang ginagawa ko,” sabi ni Brother Martin. “Sapat ba ang ibinabahagi ko? Sapat ba ang katapatan ko?”

Sa kabila ng kanyang personal na paglilingkod at mga kontribusyon sa Simbahan, nanatili sa kanyang isipan ang mga tanong na ito. Nang bumisita siya sa India, marami siyang nakausap na indibiduwal at organisasyong nakikibahagi sa bukas-palad na pagsuporta sa iba’t ibang mga pagkakawanggawa. Tulad ng sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Simbahan ni Jesucristo ay tapat na nangangakong maglingkod sa mga nangangailangan, at tapat ding nangangakong makipagtulungan sa iba sa pagsisikap na iyon.” Nasasaisip ito, nagsimulang maghanap si Brother Martin ng iba pang mga oportunidad na maglingkod at makipagtulungan sa mga taong magkakatulad ang iniisip. Hindi siya handa sa sumunod na nangyari.

“May mahalagang koleksyon ako ng mga barya,” sabi ni Brother Martin. “Nang ipagdasal ko sa India kung paano at saan ako maaaring makatulong sa gawaing ginagawa ng iba, may dumating na pahiwatig sa akin na kailangan ko ring pag-isipan ang pinagmumulan ng mga potensyal na kontribusyon—hindi mula sa aking investment account kundi mula sa aking koleksyon ng mga barya. Natanto ko sa puntong iyon: ito ang sandali ng aking paglalaan. Gaano ba talaga kahalaga sa akin ang koleksyong iyon ng mga barya?”

Kalaunan, ibinenta ni Brother Martin ang kanyang koleksyon ng mga barya at ginamit ang nalikom na pera para pondohan ang mga proyektong pangkawangga sa ibang bansa at scholarship sa kolehiyo sa kanilang lugar. “Kung hindi ako nakilahok sa self-reliance group, hindi ko maiisip kung paano ko mapapalakas ang iba sa pamamagitan ng aking panahon at ng aking kabuhayan,” paliwanag niya. “Naging mas mabuting tao ako para dito.”

“Ang Tungkulin Mo ay Magmahal at Maglingkod”

Sa St. George Utah Green Valley Stake, nagsimulang dumalo sina Troy at Sue Olsen sa isang self-reliance group tungkol sa emosyonal na katatagan, na inaasahan na tutulong sila sa iba. Hiniling ng kanilang bishop sa mga miyembro ng ward council na makilahok sa isang grupo upang maibahagi nila sa iba ang natutuhan nila.

Nahirapan ang mga Olsen na pakisamahan ang isang pamilya na ang isa sa mag-asawa o ang parehong mag-asawa ay kapwa may mga anak sa dati nilang asawa. “Mayroon kaming isang miyembro ng pamilya na mahirap ang pinagdaraan,” paliwanag ni Sister Olsen. “Nalungkot ako na wala na akong iba pang maitulong.” Ang mga talakayan tungkol sa “mga maling paniniwala” at “mga katotohanan” mula sa workbook ay nakatulong sa mga Olsen na tingnan ang sitwasyon ng pamilya sa ibang pananaw.

Pagkatapos ay ibinahagi ng isa pang miyembro ng grupo kung gaano siya nakonsiyensya at nawalan ng pag-asa nang magpakamatay ang kanyang kapatid. Natanto ni Sister Olsen na may mga pasanin din ang iba na wala siyang kaalam-alam at kailangan niyang paglingkuran sa naiibang paraan.

Maaaring hindi niya makayang pagaanin ang pasanin, pero kaya iyon ng Tagapagligtas. Binigyang-diin sa workbook, “Ang tungkulin ninyo ay mahalin at paglingkuran ang mga tao, at ang Tagapagligtas ang magpapagaling.” Sabi ni Sister Olsen, “Nang ipadala namin ang aming mga pasanin sa Kanya, nakakita kami nang may bagong mga mata, nakarinig ng mga lumang mensahe sa mga bagong paraan, at nagkaroon ng panibagong pag-unawa sa ebanghelyo at sa Kanyang kapangyarihang magpagaling.”

Ang mga talakayan sa grupo, mga halimbawa sa workbook, at personal na pakikiramay ay pawang nakatulong nang malaki para mapabuti rin ang kanilang sitwasyon. Mayroon pa ring ilang sandali ng pagkabalisa at maraming taos-pusong panalangin si Sister Olsen. Ang mahalaga, iba na ang tingin niya ngayon sa kanyang tungkulin—ang magmahal at maglingkod—hindi ang ayusin o lutasin ang mga problema ng iba.

Pinagsasama ng mga self-reliance group ang mga praktikal na kasanayan sa espirituwal na mga alituntunin para matulungan ang mga miyembro na matulungan ang kanilang sarili. Nagbibigay sila ng isang framework para maunawaan ang mga personal na problema at mga problema ng pamilya. Itinataguyod nila ang pakiramdam na sila ay kabilang, nagbibigay-daan sa pagsuporta at pagbibigay ng kakayahan sa isa’t isa, at naglalaan ng ligtas na lugar para magbahagi ng mga karanasan at matuto ang mga miyembro mula sa isa’t isa, na umaasa sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo. At kapag umasa tayo sa Tagapagligtas, ipinangako sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.”

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.