2025
Paano Makakatulong ang mga Sumusuportang Relasyon sa Kalusugan ng Isipan
Agosto 2025


“Paano Makakatulong ang mga Sumusuportang Relasyon sa Kalusugan ng Isipan,” Liahona, Ago. 2025.

Paano Makakatulong ang mga Sumusuportang Relasyon sa Kalusugan ng Isipan

Ang mga nagbibigay ng inspirasyon na umasa, nakikinig, at nagbibigay ng mabuting payo ay maaaring maging isang lakas na tutulong sa inyo na makayanan ang inyong mga hamon.

paglalarawan sa isang babaeng may ulap sa kanyang ulunan

Mga paglalarawan ni David Green

Depresyon. Pagkabalisa. Pag-aalala. Pagiging Perpeksyonista. Kalungkutan. Ang buhay ay maaaring puno ng mga pakikibaka sa kalusugan ng isipan at damdamin na maaaring magpahirap na makadama ng kaligayahan at kapayapaan.

Maraming resources na available sa inyo kapag nahihirapan kayo sa kalusugan ng isipan o damdamin. Tulad ng tinalakay sa unang dalawang artikulo ng seryeng ito, maaari ninyong gamitin ang resources ng Simbahan at ang personal ninyong resources para mapabuti ang kalusugan ng inyong isipan. Maaari kayong manalangin sa Ama sa Langit para sa humihilom at nagpapanibagong kapangyarihan ng Tagapagligtas na pagalingin kayo. At maaari kayong makahanap ng sumusuportang mga tao mula sa inyong mga kapamilya, kaibigan, at miyembro ng ward o branch na makakatulong.

Ikinumpara ni Carolina Perego, isang Family Services therapist sa Chile, ang mga sumusuportang relasyon na tulad nito sa isang kalasag na nagpoprotekta sa atin sa mahihirap na panahon: “Ang mga relasyon, resources tungkol sa pakikipagrelasyon, at support network ay napakahalaga sa kalusugan ng ating isipan at kapakanan ng ating damdamin. Ang pagkakaroon ng pinagkakatiwalaang mga tao, mahahalagang taong sumusuporta sa atin sa mga oras ng pagdurusa o hirap, ay maaaring magbigay ng seguridad, katiyakan, tiwala.”

Humingi ng Suporta

Ang mga relasyon ay nabubuo sa pamamagitan ng “maliliit at mga karaniwang” paraan (Alma 37:6). Kailangan ng panahon at pagsisikap para maging malapit sa isang tao. Ang paggawa ng unang hakbang sa pagkonekta sa iba ay maaaring makatulong sa inyo nang higit kaysa inaakala ninyo. “Kapag nagkaroon tayo ng mapagmahal na relasyon sa iba, lumalakas ang ating pisikal, emosyonal, at espirituwal na kalusugan.”

Kailangan nating lahat na magkaroon ng mga relasyon dahil tinutulungan tayo nito na maiwasang ihiwalay ang ating sarili sa iba. “Hangad ng kaaway na ihiwalay tayo sa iba at gusto na madama natin na pinagkaitan tayo ng mga pagpapalang nagmumula sa mga relasyong iyon.” Ang pagkahiwalay sa ibang tao ay maaaring mas madaling makapagpalungkot sa inyo. Ang mapaligiran kayo ng mga mahal sa buhay ay isang magandang paraan para labanan ang pagkahiwalay sa iba at tumanggap ng payo, pangaral, o pagsang-ayon ng iba.

Gayunman, kapag nahihirapan kayo, maaaring mahirap ang paghingi ng suportang ito. Sabi ni Nicole De Klerk, isang therapist na Banal sa mga Huling Araw sa South Africa, “Ang isa sa pinakamahihirap na bagay tungkol sa mga hamon sa kalusugan ng isipan ay madalas maramdaman ng taong dumaranas nito na siya ay nag-iisa, hiwalay sa iba, hindi kaibig-ibig, may depekto, naiiba, isang pasanin.” Ang pagkonekta sa isang tao ay makakatulong sa inyo na makita na may pag-asa at na ang inyong halaga ay walang hanggan sa paningin ng Diyos.

paglalarawan sa isa pang babaeng tumutulong na alisin ang ulap sa ulunan ng babae

Tulong mula sa Inyong Ward o Branch

Ang isa pang mahihingan ng tulong na maaari ninyong mabalingan ay ang inyong ward o branch. Inilarawan ni Susan Neiva, isang therapist na Banal sa mga Huling Araw sa Portugal, kung paano makakatulong ang mga lokal na lider: “Ang mga bishop ay nakikinig nang may habag at maaaring mag-alok ng iba pang resources o mga referral sa mga propesyonal na tagapayo o therapist kung kailangan.” Sa patuloy na mga pangangailangan, maaaring irekomenda ng inyong bishop o branch president na makipagkita kayo sa iba pang mga lider ng ward o branch, tulad ng isang miyembro ng elders quorum presidency o Relief Society presidency. Ang mga lider na ito ay tinawag upang maglingkod sa mga miyembro ng ward at maaaring mabigyang-inspirasyon na malaman kung paano tutulong.

Inirerekomenda rin ni Sister Neiva na magpabisita sa mga ministering brother o sister. “Ang mga pagbisitang ito ay nag-aalok ng mga oportunidad para sila samahan, pakinggan, at bigyan ng praktikal na tulong, na maaaring maging kapaki-pakinabang para sa mga dumaranas ng mga hamon sa kalusugan ng isipan.” Ang ministering ay isang paraan na maipapakita sa inyo ng mga miyembro ang pagmamahal ng Tagapagligtas, kung malugod ninyong tatanggapin ang kanilang mga pagsisikap. Kung hindi kayo regular na binibisita ng inyong mga ministering brother o sister, ipaalam ito at hingin ang suporta nila.

Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Habang ang mga sumusuportang relasyon ay maaaring maging isang pagpapala, ang mahihirap na relasyon ay maaaring pagmulan ng pakikipagtalo, sa asawa, anak, o katrabaho, halimbawa. Ang mga relasyong nakaka-stress at puno ng bangayan ay makapag-aambag sa sakit sa pag-iisip at pagtatalo ng damdamin.

Ang mga tao sa buhay ninyo ay maaaring hindi laging handang tumulong sa mga hamon sa kalusugan ng inyong isipan, pero laging handang tumulong ang Tagapagligtas. Tulad ng itinuro ni Elder Juan Pablo Villar ng Pitumupu, “Ang Kanyang mapagpalang kamay ay laging nariyan para sa atin, bagama’t hindi natin ito nakikita o nadarama sa simula, dahil pinili Siya ng ating Ama sa Langit na maging ating Tagapagligtas, ang Manunubos ng buong sangkatauhan.”

Mahal kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo anuman ang mga pagsubok na kinakaharap ninyo. Laging nakaunat ang Kanilang mga bisig. Maaari kayong makipag-usap sa Ama sa Langit sa panalangin. Maaari Siyang makipag-usap sa inyo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, ng Espiritu Santo, ng impluwensya ng iba, at sa iba pang mga paraan para maghatid ng kapayapaan sa inyong buhay. Isiping humingi ng tulong sa isang tao na nasa grupo ng mga taong sumusuporta sa inyo na palakasin kayo sa oras ng inyong pangangailangan.