“Isang Regalong Hindi Ko Malilimutan,” Liahona, Ago. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Regalong Hindi Ko Malilimutan
Itinuro ko sa tito ko na balang-araw ay makikita niyang muli ang kapatid niya—hindi sa isang larawan kundi nang personal.
Sina Elder d’Antuono (kanan) at Elder Beck, na hawak ang larawan ng ama ni Elder d’Antuono.
Nang magpunta ang mga full-time missionary sa bahay ko sa France para gumawa ng service project, hindi aktibong mga miyembro ng Simbahan ang mga magulang ko, at hindi pa ako nabinyagan. Hindi nagtagal itinuro sa akin ng mga missionary ang ebanghelyo, na gustung-gusto ko. At hindi nagtagal ay bumalik sa simbahan ang mga magulang ko.
“Sino ang magbibinyag sa iyo?” tanong sa akin ng mga missionary.
“Ang tatay ko,” sagot ko.
Ang tatay ko, na mula sa Italy, ay isang mabuting tao. Itinuro niya sa akin na tingnan ang mga tao tulad ng pagtingin sa kanila ni Jesus. Ang malungkot, namatay siya ilang linggo bago ako binyagan.
Kalaunan, nang matanggap ko ang aking mission call, tuwang-tuwa ako kaya pinabuksan ko iyon sa nanay ko.
“Magiging masaya ka,” sabi niya, habang umiiyak. “Pupunta ka sa bayang sinilangan ng tatay mo!”
Noon ko pa pangarap na makapagmisyon sa Italy. Ang mga misyon ay tungkol sa paglilingkod sa mga tao, hindi tungkol sa paglilingkod sa mga lugar. Ngunit ipinagdasal ko na makapaglingkod ako sa Italy, partikular na sa lungsod ng Gaeta, kung saan naninirahan ang mga ninuno ng tatay ko mula pa noong ika-10 siglo.
Matapos maglingkod sa Rome at Sicily, natanggap ko ang masayang balita na ililipat ako sa lugar na kinabibilangan ng Gaeta. Bago ang paglipat na iyon noong unang bahagi ng 2023, binigyan ako ng aking kompanyon at butihing kaibigang si Elder Jack Beck ng isang regalong hindi ko malilimutan. Si Elder Beck ay magaling na artist o pintor. Mula sa aking maliit na larawan ng tatay ko, nagdrowing si Elder Beck ng magandang larawan nito.
Araw-araw kong tiningnan ang larawang iyon sa oras ng personal na pag-aaral. Binigyan ako nito ng lakas na ibahagi ang ebanghelyo.
Nang malipat ako sa Gaeta, hinanap ko ang mga kamag-anak ko. Nang ipakita ko ang larawan sa kuya ng tatay ko, umiyak siya. Ilang taon na niyang hindi nakikita ang kapatid niya at wala siyang mga larawan nito.
Itinuro ko sa tito ko na balang-araw ay makikita niyang muli ang kapatid niya—hindi sa isang larawan kundi nang personal. Itinuro ko sa kanya na sa pamamagitan ng ebanghelyo, makakapiling niyang muli ang kanyang kapatid nang may pagmamahal at kapayapaan sa Tagapagligtas.
Nakita ko ang malalaking himala sa Gaeta nang ibahagi ko sa mga miyembro ng pamilya ang mabuting balita na dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan, pansamantala lamang ang pagkawala ng mga mahal sa buhay (tingnan sa Mosias 16:8). Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nagawang posible ng Tagapagligtas na matipon ang ating mga pamilya magpakailanman.