Mensahe Ng Area
Nagbalik Ang Apostol Na Si Elder Ronald A. Rasband Para Magministeryo Nang Siyam Na Araw
“May malalaking planong nakalaan ang Panginoon para sa Simbahan sa Pilipinas,” ipinahayag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Philippines Area ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang una siyang bumisita noong 2018. Makalipas ang pitong taon, nakita ng mga Pilipinong Banal na natutupad ang mga salita ni Elder Rasband nang magministeryo siya sa Pilipinas nitong nakaraang Pebrero 21–Marso 1.
Sa pagbisita niya ng siyam na araw, nagsalita si Elder Rasband sa libu-libong mga miyembro ng Simbahan sa Iloilo, Cebu, Legazpi, Metro DATELINE PHILIPPINES Manila, at Urdaneta, at ipinaalala sa kanila ang maluwalhating mga bagay na ipinagkakaloob ng Panginoon sa Kanyang Simbahan sa bahaging ito ng mundo. Kabilang sa mga maluwalhating pagpapalang iyon ang paglalaan ng Apostol sa BYU–Pathway Worldwide Global Education Center (GEC), isang napakagandang pasilidad na itinataguyod ng Simbahan na tumutulong para madagdagan ang mga oportunidad na makapag-aral at magkaroon ng trabaho ang mga Pilipinong naghahangad na umasenso sa buhay.
Si Elder Rasband ay sinamahan ng mga miyembro ng Philippines Area presidency at ng kani-kanilang mga asawa na sina: Elder Carlos G. Revillo Jr. at Sister Marie Revillo; at Elder Michael B. Strong at Sister Cristin Strong. Naroon din ang mga Area Seventy para tumulong at magsalita nang bumisita sila.
Iloilo (Pebrero 21–22)
“Kayo ay hinirang ng Panginoon, hindi lamang para isantabi ang inyong pagiging miyembro kundi para palawakin at palaguin ito, sa inyong pamilya, komunidad, at calling,” pagbabahagi ni Visha Marie Gialolo tungkol sa paalala ni Elder Rasband sa mga miyembro ng Simbahan na nakikinig sa Apostol nang personal at sa livestream sa Iloilo and Bacolod Combined Leadership Council Conference na ginanap sa Iloilo City.
“Ipinaalala nito sa akin na bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon,” sabi ni Sister Gialolo, na naglilingkod bilang Young Women president, “na tayo ay tinawag upang gawin ang gawain ng Panginoon sa mismong lugar kung saan tayo tinawag. Maaari tayong mag-ambag simula sa ating pamilya, ating komunidad at sa mismong ward kung saan tayo tinawag.”
Ang mga lider mula sa iba”t ibang stake at district sa buong kapuluan ng Panay at Negros ay tinuruan ng Apostol ng Panginoon, na nagbigay ng tatlong pahayag na parang nagmumula kay Cristo na gusto ni Pangulong Russell M. Nelson na ipamuhay at gamitin ng mga miyembro ng Simbahan: (1) Mahal kita, (2) Pinasasalamatan kita, at (3) Kailangan kita. “Ang mga salitang ito, na puno ng banal na kahulugan, ay hindi lamang nagmula sa kanya kundi nagpaparating ng pagmamahal ng ating mahal na propeta,” sabi ng communications council ng Bago Stake.
“Kung minsan madalas nating ipagpalit ang ating patotoo sa maliliit na bagay . . . at malimutan ang ating mga pamantayan,” naisip ni Lunabelle Jessa Talidano, na naglilingkod bilang Relief Society president sa Molo 2nd Ward, Iloilo Stake. “Pero tulad ng sabi ni Elder Rasband,” pagtiyak niya, “dapat ay ‘huwag [tayong] mabagabag,’ dahil ang pagkadisipulo ay nangangahulugan ng pagtayo sa mga banal na lugar sa mapanganib na panahong ito.”
Cebu (Pebrero 23–25)
Isang napakahalagang kaganapan para sa Simbahan ang nangyari noong Pebrero 23 nang ilaan ni Elder Rasband ang BYU- Pathway Worldwide GEC sa Lahug Stake meetinghouse sa loob ng Cebu Philippines Temple Complex. Kasama ni Elder Rasband sa kaganapan si Brother Matt Eyring, Vice President for Advancement sa BYU– Pathway Worldwide.
Ang center ay magsisilbing sentro para sa mga estudyanteng nakaenrol sa BYU–Pathway Worldwide, isang online higher education institution na itinataguyod ng Simbahan. Bukod pa riyan, ang center ang una sa Asia at ang isa sa apat lamang na pinatatakbo sa buong mundo.
“Humihiling kami ng espesyal na pagpapala sa mga estudyanteng paparito upang matuto at lumago,” pagsamo ni Elder Rasband sa kanyang panalangin ng paglalaan, “na mas makaasa sila sa sarili, at maghandang isakatuparan ang mga responsibilidad at hamon na haharapin nila sa buhay.”
Masayang ipinakita ng mga estudyante sa Apostol ang iba’t ibang feature ng pasilidad, na kinabibilangan ng mga career preparation station, interview practice room, remote workstation, English language classroom, at collaborative study space.
“Malaki ang pasasalamat namin na maaaring tumanggap ang matatapat na estudyante sa Pilipinas ng mas mataas ng edukasyon dahil sa center na ito,” pahayag kalaunan ni Elder Rasband online. “Ang center na ito ay hindi lamang magpapala sa mga estudyante ng BYU-Pathway Worldwide— kundi maging sa kanilang mga pamilya at sa buong komunidad.”
Ang labimpitong-taong-gulang na estudyanteng si Haydin Valerie Porlage ng Kamputhaw Ward, Cebu City Stake, ay isa sa mga nakikinabang na Banal sa mga Huling Araw sa BYU-Pathway Worldwide GEC. “Nakikita ko ang kahalagahan ng edukasyon sa ating buhay,” pagbibigay-diin niya, “at kung paano tayo tinutulungan nito na pamahalaan ang ating mga intelektuwal at espirituwal na kasanayan.”
Bukod pa sa paglalaan, dumalo rin si Elder Rasband sa sacrament meeting na kasama ang mga miyembro ng Apas Ward, nakipag-usap sa mga missionary mula sa Philippines Cebu Mission at Philippines Cebu East Mission, at bumisita sa Cebu City Philippines Temple.
Legazpi (Pebrero 26)
Nagsalita si Elder Rasband tungkol sa kahalagahan ng pagiging tapat sa ebanghelyo sa mahigit 800 mga miyembro ng Simbahan mula sa Legazpi Stake, Ligao District, at Tabaco District sa Legazpi Stake Center. Naantig si John Noel Dorosan nang marinig niya ang kuwento ng mga ninuno ni Elder Rasband mula sa Denmark na naglayag nang malayo papunta sa Utah para magtipon sa Sion at mabuklod bilang pamilya.
“Tinanong ang asawa kung babalik sila sa Denmark dahil namatay ang kanyang asawa habang naglalakbay pero sinabi nito na hindi matalinong gawin iyon,” pagsasalaysay ni Brother Dorosan. “Ang mithiin ay mabuklod at patuloy nila iyong kakamtin sa kabila ng pagkawala ng kanyang asawa, kaya nagpatuloy sila, at ngayo’y tinatamasa na ng kanilang mga inapo ang mga bunga ng kanilang pananampalataya. Hinikayat tayo ni Elder Rasband na isipin ang mga susunod na henerasyon.”
Para makapaghanda sa debosyonal, ginamit ng pamilya Loneza ang Meet the Apostle feature ng Gospel Library app sa oras ng family home evening. Matapos magdaos ng masayang aktibidad na matuto tungkol sa mga makabagong apostol, “hiniling namin sa aming mga anak na sina Lou Fredrich at Lourd Frincerich na ipakita sa amin ang isang apostol na kilala nila,” paglalarawan ni Sister Marisol Loneza, “at nag-browse sila sa computer screen at itinuro nila ang larawan ni Elder Rasband.”
Ang malungkot, naospital si Marisol sa araw ng debosyonal dahil sa problema sa paghinga, at kinailangang iwan ng kanyang asawang si Rico ang kanilang mga anak sa mga kamag-anak. Pero, sa hangarin pa ring pakinggan ang mga salita ng kinatawan ng Panginoon, pinanood ni Sister Loneza ang livestream ng debosyonal gamit ang kanyang smartphone—at mula sa kanyang kama sa ospital.
“Ang kanyang mga salita ay naghatid ng malaking kapanatagan sa aming mag-asawa,” sabi ni Sister Loneza, “at pakiramdam ko ay gumaling ako nang tumagos sa puso ko ang kanyang mensahe.” Nang muling ipahayag ni Elder Rasband ang tatlong bagay na gustong ipadama ng Panginoon sa Kanyang mga anak (Mahal kita, Pinasasalamatan kita, at Kailangan kita), nakadama si Sister Loneza ng nagpapatibay at nagpapabagong kapangyarihan: “Tunay na ang mensahe ng Panginoon ay may kapangyarihang magpagaling ng sugatang kaluluwa.”
Metro Manila (Pebrero 27–28)
Nakinig na mabuti ang mga full-time missionary kay Elder Rasband sa isang debosyonal sa Philippines Missionary Training Center (MTC) noong Pebrero 27. “Nasa lugar kayo kung saan kayo mismo nais ng Panginoon na magtungo,” sabi ng Apostol sa mga binata at dalagang nakatipon, at binigyang-diin na “bawat kaluluwa ay mahalaga sa Diyos.”
Bago natanggap ang kanyang tungkuling maglingkod sa Philippines Urdaneta Mission, inisip ni Elder Empleo kung talagang panahon na para maglingkod siya. Pero dahil sa mensahe ni Elder Rasband, nalaman niya ngayon na “nauunawaan ng Ama sa Langit ang lahat at alam na ito ang panahon kung saan Niya nais na maglingkod ako bilang missionary.”
Para kay Sister Roberto ng Philippines Cavite Mission, “Malaking tulong ang mensahe ni Elder Rasband para sa akin at sa lahat ng mga missionary. Maaaring ipaalala sa amin ng kanyang mensahe ang aming layunin bilang mga missionary, na anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, sa pagtulong sa kanila na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo.”
Kinabukasan, Pebrero 28, nangulo si Elder Rasband sa isang pagbigay ng donasyon sa Edsa Shangri-La Hotel para sa mga kontribusyon na nagmula sa #LightTheWorld Giving Machines na naka- install sa Metro Manila, Cebu, at Davao. Kasama niya ang ilang Banal sa mga Huling Araw na artista at influencer, na sina, Eric at Rona Tai, Jairus Aquino, Janella Renner, at Nevin Garceniego, ang 2024 The Voice Kids Philippines Grand Champion.
Tumulong si Elder Rasband na ibigay ang mga simbolikong tseke sa mga kinatawan mula sa walong partner na kawanggawa: UNICEF Philippines, Mabuhay Deseret Foundation, Ateneo de Davao University, Feed the Children Philippines, Alagang Kapatid Foundation, H.E.R.O. Foundation, Caritas Manila, at Cebu Caritas.
“Nagkaroon ako ng malinaw na impresyon na ito ang dahilan kaya natin ginagawa ang lahat ng ginagawa natin,” pagtatapat ni Elder Rasband na nangingilid ang luha nang magsalita siya sa mga imbitadong panauhin. “Ginagawa natin ito para sa pakinabang at pagpapala ng bagong henerasyon, sa buong Pilipinas at sa buong mundo.”
Urdaneta (Pebrero 28–Marso 1)
Noong 2018, bumisita si Elder Rasband at ang kanyang asawang si Sister Melanie Rasband sa isang lugar na pagtatayuan ng templo sa hinaharap sa hilagang Luzon, at nagkaroon siya ng inspirasyon na ipahayag: “Maglalaan ng mga oportunidad ang Panginoon para sa mas maraming templo at mas malaking access para sa mga miyembro ng Simbahan.” Ngayon, nakatayo ang Urdaneta Philippines Temple sa pinabanal na lugar na iyon.
Pagbalik sa Urdaneta, nangulo si Elder Rasband sa isang Priesthood Leadership Conference sa Urdaneta Stake Center noong Marso 1, para sa mga lider mula sa Urdaneta at Cauayan Coordinating Councils. “Nagpapasalamat kami sa kanyang inspiradong payo,” pahayag ng isa sa mga kalahok. “Pinalakas ng mga salita ang aming pangakong maglingkod nang may pagmamahal at kasigasigan.”
Naglakbay ang mga lider ng priesthood at organisasyon mula sa Burgos Branch na pinamunuan ng kanilang branch president na si Vincent Mark Jerusalem mula sa lalawigan ng Isabela para sa bihirang oportunidad na matuto mula sa isang Apostol. “Isang karanasan na espirituwal na nagpapayaman ang natanggap naming mahalagang training,” pag-alaala ng mga lider ng branch sa isang post sa social media account ng branch.
“May Malasakit Siya sa Bawat Isa Sa Atin”
Sa pagninilay tungkol sa kanyang paglalaan ng BYU-Pathway Worldwide GEC, itinuro ni Elder Rasband ang isang partikular na talata sa banal na kasulatan: “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan” (Doktrina at mga Tipan 93:36). Binibigyang- diin ng alituntuning ito sa doktrina ang ibinahagi ng mga Apostol sa mga Pilipinong Banal, na nais ng Panginoon na makibahagi ang Kanyang mga anak sa Kanyang kaluwalhatian habang lumalago ang kanilang temporal at espirituwal na kaalaman.
“May malasakit ang ating Ama sa Langit sa bawat isa sa atin, at nais Niyang magkaroon tayo ng oportunidad na matuto, lumago, at maging higit na katulad Niya,” pagtatapos ng Apostol ng Panginoon.