2025
Jesucristo: Ang Pag-asa at Pangako ng Pasko ng Pagkabuhay
Abril 2025


“Jesucristo: Ang Pag-asa at Pangako ng Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Abr. 2025.

Jesucristo: Ang Pag-asa at Pangako ng Pasko ng Pagkabuhay

Sa pamamagitan ng pag-asa at pangako ng Pasko ng Pagkabuhay, pinupunan ni Jesucristo ang mga inaasam ng ating puso at sinasagot ang mga tanong ng ating kaluluwa.

sanga ng tigang na puno

Mga larawang-guhit ni Michael Dunford

Maglaan lamang ng isang tahimik na sandali at lugar ng espirituwal na santuwaryo habang binabasa mo ang mensaheng ito.

Kadalasan, maingay ang ating mundo, puno ng pagpapanggap at pagmamataas. Ngunit kapag tayo ay tapat, tunay at tinatanggap ang sarili nating kahinaan at ang impluwensya ng Diyos, ang pag-asa at pangako ng Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ay nagiging makatotohanan. Sa gayong mga sandali, nagsusumamo tayo:

“Paano ko makikitang muli ang aking kapamilya, kaibigan, mahal sa buhay?”

“Sa mundong madalas na ang mga relasyon ay puro ‘sarili lang ang pinipili,’ saan ako makahahanap at makararamdam ng kapayapaan, pag-asa, at pakikipag-ugnayan sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:19), sa mga nakapaligid sa akin, at sa aking sarili?”

“May tao bang maaari kong mahalin—at sino ang talagang magmamahal sa akin? Maaari bang lumago at magtagal ang mga ugnayan sa tipan, hindi bilang isang fairy tale kundi isang pagkakabigkis na mas matibay kaysa sa mga lubid ng kamatayan, tunay na masaya at walang hanggan?”

“Kung maraming sakit, pagdurusa, at kawalang-katarungan, paano ako makatutulong sa kapayapaan, pagkakasundo, at pag-unawa kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at Simbahan?”

Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, ibinabahagi ko ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pangako at pag-asa.

Ang Pangako ng Pagiging Kabilang sa Tipan at Layunin

Ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan sa Langit; si Jesucristo, ang Kanyang Pinakamamahal na Anak; at ang Espiritu Santo ay personal na malapit sa atin. Ang kanilang walang-katapusan at walang-hanggang liwanag, habag, at nakatutubos na pagmamahal ay nakahabi sa layunin ng paglikha at sa ating buhay (tingnan sa Alma 30:44; Moises 6:62–63).

Sa Kapulungan sa Langit bago ang buhay sa mundo, “sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa” (Job 38:7). Pinili natin ang pumili. Ngayon, namumuhay tayo nang may pananampalataya. Sa ating sariling karanasan, natutuklasan natin ang ipinangakong kagandahan, kalinawan, kagalakan, at layunin ng Diyos sa gitna ng mga kawalang-katiyakan, kawalang-pag-asa, at hamon ng mortalidad.

Hindi tayo itinakdang mamuhay nang hindi nauunawaan ang ating layunin at patutunguhan. Maaari tayong makipag-ugnayan sa langit, magkaroon ng pananampalataya at maging kabilang sa pamilya at sa sambahayan at komunidad ng mga Banal, at maging pinakatotoo, pinakamalaya, pinakatunay, pinakamasayang bersyon ng ating sarili sa pamamagitan ng kusang-loob at masayang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang Pagbabayad-sala——kay Jesucristo at sa pamamagitan ni Jesucristo ay nagdudulot ng tipang ito na pagiging kabilang.

sanga ng puno na namumulaklak

Ang Pag-asa sa Buhay at Misyon ni Jesucristo

Bawat araw, kabilang sa pag-asa at pangako ng Pasko ng Pagkabuhay ang mga pagpapala at turo na ibinahagi ni Jesucristo sa Kanyang perpektong ministeryo sa mundo. Inorden sa simula pa lang, si Jesucristo ay isinilang na Bugtong na Anak ng Diyos (tingnan sa Jacob 4:5; Alma 12:33–34; Moises 5:7, 9). Siya ay lumago sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao (tingnan sa Lucas 2:52). Sa paghahangad lamang na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama, pinatawad ni Jesucristo ang mga kasalanan, pinagaling ang mga karamdaman, binuhay ang mga patay, at pinanatag ang maysakit at nalulumbay.

Minsan, matapos mag-ayuno nang 40 araw, nagpatotoo Siya, “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi” (Lucas 4:18; tingnan din sa Isaias 61:1).

Iyan ang bawat isa sa atin.

Sa Huling Hapunan, hinugasan ni Jesucristo ang mga paa ng Kanyang mga disipulo (tingnan sa Juan 13:4–8). Sa Luma at Bagong Mundo, ang “tubig na buhay” at ang “tinapay ng buhay” ang Siya mismong nagpasimula ng sakramento. Sa sagradong ordenansa ng sakramento, nananawagan tayo sa Ama at nangangako tayo na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan, upang laging mapasaatin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa Lucas 22:19–20; 3 Nephi 18:7, 10–11).

Sa Halamanan ng Getsemani, nagdusa si Jesus nang higit pa kaysa kayang tiisin ng tao upang tubusin tayo at magbayad-sala para sa atin. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng balat. Dinanas Niya ang mga pasakit na ito para sa lahat, upang hindi tayo magdusa kung tayo ay magsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:11; 19:16).

Ipinagkanulo at pinaratangan nang hindi totoo, si Jesucristo ay kinutya at hinagupit, at isang koronang tinik ang itinusok sa Kanyang nakatungong ulo (tingnan sa Mateo 27:26, 29; Marcos 15:15, 17, 20, 31; Lucas 22:63; Juan 19:1–2). “Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway … sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.(Isaias 53:5). Siya ay “[itinaas] sa krus”, upang mapalapit tayo sa Kanya (tingnan sa 3 Nephi 27:14–15). Subalit, kahit sa krus, nagpatawad si Jesucristo (tingnan sa Lucas 23:34). Ipinagbilin Niya kay Juan ang Kanyang ina (tingnan sa Juan 19:26–27). Pakiramdam Niya ay pinabayaan Siya (tingnan sa Mateo 27:46; Marcos 15:34). Upang matupad ang banal na kasulatan, sinabi Niyang nauuhaw Siya (tingnan sa Juan 19:28). Nang maisakatuparan ang lahat, hinayaan Niyang “[m]alagot ang kanyang hininga” (Lucas 23:46; tingnan din sa Juan 10:17–18).

Alam ni Jesucristo kung paano tayo tutulungan sa ating mga karamdaman, kahinaan, kalungkutan, pag-iisa, at paghihirap (tingnan sa Alma 7:12). Ang gayong mga paghihirap ay kadalasang bunga ng mga pasiya ng iba. Alam din Niya kung paano magalak kasama natin sa ating mga kasiyahan at pasasalamat, kung paano umiyak kasama natin sa labis na kagalakan. Magiliw na tinatawag Niya tayo sa Kanyang pangalan, sa pamamagitan ng Kanyang tinig, na magpunta sa Kanyang kawan. Tinatawag Niya ang bawat tao sa lahat ng dako. Inaanyayahan Niya tayong makita at maunawaan ang buhay sa mundo sa pamamagitan ng walang-hanggang pananaw. Kapag lumalakad tayo nang matwid at tumutupad sa ating mga tipan, nangangako Siya na lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:24; Roma 8:28).

Sa Kanyang panahon at paraan, dumarating ang pagpapanumbalik—hindi lamang sa kung paano dati ang mga bagay-bagay kundi sa kung ano ang maaaring maging ito. Tunay ngang mapapalaya tayo ni Jesucristo mula sa pagkaalipin at kasalanan, mula sa kamatayan at impiyerno, at matutulungan tayong matupad ang ating banal na pagkatao habang tayo ay nagiging higit pa sa ating inaakala, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi.

Ang Pangako na Kaligtasan

Dahil kay Jesucristo, hindi sa kamatayan nagwawakas ang lahat. Sa Pasko ng Pagkabuhay ipinapahayag namin:

Malaya na ang tao.

Nagtagumpay si Cristo.

Sa utos at kapangyarihan ng Kanyang Ama, maiaalay ni Jesus ang Kanyang buhay at makukuha itong muli (tingnan sa Juan 10:17). Habang nakahimlay ang Kanyang katawan sa libingan, si Jesucristo ay nagministeryo at nag-organisa sa daigdig ng mga espiritu, na nagpapahayag ng “kanilang katubusan mula sa mga gapos ng kamatayan” (Doktrina at mga Tipan 138:16).

Sa umaga ng ikatlong araw, bumangon Siya mula sa libingan. Kinausap Niya si Maria. Nagpakita Siya sa dalawang disipulo sa daan papuntang Emaus, sa Kanyang mga Apostol, at sa iba pa. (Tingnan sa Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20.)

Sa chiasmatic na pagpapatotoo, inanyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo na ihagis ang kanilang mga lambat sa kabilang panig ng bangka; sa pagkakataong ito, bagama’t puno na naman ng isda, hindi na nasira ang mga lambat (tingnan sa Juan 21:6–11; Lucas 5:3–7). Pinakain Niya ang mga disipulo at tatlong beses na nakiusap kay Pedro na pakainin ang Kanyang mga tupa at kordero (tingnan sa Juan 21:12–17). Umakyat Siya sa langit, ipinahayag na ang Kanyang mga disipulo noon at tayong lahat ngayon ay dapat magbahagi ng maluwalhating balita ng Pasko ng Pagkabuhay at ng Kanyang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, at tao (tingnan sa Mateo 28:19–20; Marcos 16:15).

Si Jesucristo ang ating Mabuting Pastol at Kordero ng Diyos. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa, at ibinibigay ang Kanyang buhay sa Kanyang mga tupa. Sa halamanan at sa krus, dinanas Niya ang pasakit na di-makakayanang matiis ng tao at nagbayad-sala para sa atin. Sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, ipinapakita Niya sa atin sa pamamagitan ng halimbawa kung paanong ang “kamatayan ay daan sa kawalang-hanggan.”

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama sa pisikal na pagkabuhay na mag-uli. Tayo ay luluwalhatiin, ipanunumbalik ang bawat parte ng ating katawan, sa perpektong kaanyuan. Maging ang mga buhok natin sa ulo ay manunumbalik. Magiging malaya tayo sa mga karamdaman ng mortalidad, sakit, pisikal na aksidente, at kawalan ng kakayahan sa pag-iisip. Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay magpapala sa atin na madaig ang bawat uri ng espirituwal na paghihiwalay at espirituwal na kamatayan. Sa kondisyon ng pagsisisi, tayo ay mapapalaya mula sa bawat kasalanan at kalungkutan at handa sa walang hanggang kaganapan ng pagmamahal at kagalakan. Dalisay, malinis, malaya, maaari tayong bumalik sa ating pinakamamahal na pamilya sa maluwalhati, selestiyal na presensya ng ating Diyos Ama at ni Jesucristo.

Makikita nating muli ang ating mga mahal sa buhay. Kapag muli nating nakasama ang mga mahal natin sa buhay, makikita natin ang isa’t isa nang may walang-hanggang pananaw—na may higit na pagmamahal, pang-unawa, at kabaitan. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay makatutulong sa atin na maalala kung ano ang mahalaga at kalimutan kung ano ang hindi mahalaga. Ang makita ang ating Tagapagligtas at ang mga ugnayan nang may higit na pananampalataya at pasasalamat ay nagdudulot ng kapayapaan, nagpapagaan ng mga pasanin, pumapawi ng hinanakit, at nagbubuklod sa mga pamilya sa lahat ng panahon at sa kawalang-hanggan.

sanga ng puno na namumulaklak

Ang Pag-asa ng Kasaganaan at Kagalakan

Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ang pagbubukas ng mga dungawan ng langit, pagdami ng bunga ng puno ng ubas, at nagiging kalugud-lugod ang mga lupain. Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ang pagpapanatag at pag-aalaga sa mga balo at ulila, sa mga nagugutom at kaawa-awa, sa mga natatakot, naaabuso, o napapahamak kahit walang kasalanan. Inaalala ang bawat isa sa atin, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tingnan ang iba at maglingkod nang may pagmamahal at habag, tulad ng ginagawa Niya.

Sa lahat ng mabuting bagay, nagpapanumbalik si Jesucristo nang sagana (tingnan sa Juan 10:10; Alma 40:20–24). Nangangako Siya na “ang lupa ay sagana, at may sapat at matitira” (Doktrina at mga Tipan 104:17). Kabilang sa Kanyang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood, at ang mga sagradong ordenansa at tipan na matatagpuan sa Kanyang Simbahan, na tinawag sa Kanyang pangalan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ang mas maraming banal na bahay ng Panginoon na mas malapit sa mga anak ng Diyos sa maraming lugar, na nagdadala sa ating puso ng doktrina ng “mga tagapagligtas sa Bundok ng Zion” (tingnan sa Obadias 1:21). Naglaan ang Panginoon ng nagpapabanal at di-makasariling paraan para maialay natin sa lupa ang kailangan at hangarin ng mga yumaong mahal sa buhay sa kawalang-hanggan na hindi nila matatamo para sa kanilang sarili.

Iyan ang aking pag-asa, pangako, at patotoo. Pinatototohanan ko ang ating Diyos Ama; ang ating Tagapagligtas at Manunubos, si Jesucristo; at ang Espiritu Santo. Sa Pasko ng Pagkabuhay at araw-araw, nawa’y makatagpo tayo ng walang-hanggang pag-asa at pangako sa banal na plano ng kaligayahan ng Diyos, kasama ang landas ng tipan ng banal na pagbabago mula sa mortalidad tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Nawa sa bawat araw ay mapawi ng katiyakan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang ating mga pasanin, tulungan tayong panatagin ang iba sa kanilang kalungkutan, at palayain ang ating kaluluwa upang matanggap ang Kanyang buong kagalakan.

Sa pamamagitan ng pag-asa at pangako ng Pasko ng Pagkabuhay, pinupunan ni Jesucristo ang mga inaasam ng ating puso at sinasagot ang mga tanong ng ating kaluluwa.