“Mga Resource ng Simbahan para sa Pag-asa at Tulong,” Liahona, Abr. 2025.
Mga Resource ng Simbahan para sa Pag-asa at Tulong
Ang Simbahan ay nagbibigay ng maraming resource para sa mga taong nahihirapan sa mga hamon sa kalusugan ng isipan, gayundin para sa kanilang mga mahal sa buhay at mga lider.
Mga larawang-guhit ni David Green
Napansin ng isang therapist sa Chile na tila nalulumbay at nalulungkot ang ilang tao sa kanyang branch, lalo na sa mga buwan ng taglamig.
Samantala, nang tanungin siya tungkol sa mga hamon sa kanyang lugar sa South Africa, binanggit ng isang therapist ang adiksyon at kahirapan sa ekonomiya.
At tinalakay ng isang therapist sa Portugal ang tila malaking epekto ng social media pressure sa pagkabalisa ng mga kabataang kilala niya.
Ang mga hamon na tulad nito ay nangyayari sa halos lahat ng lugar, hindi ba? Totoo, ang ilang partikular na pressure o stress ay maaaring depende sa kultura o kalagayan. Pero sa maraming paraan, ang mga pattern ng mga hamon sa kalusugan ng isip ay magkakatulad.
“Mahalagang tandaan na nabubuhay tayo—at pinili nating mabuhay—sa isang mundong puno ng kasalanan kung saan dahil sa mga banal na layunin ay paulit-ulit na susubukan at patutunayan ang ating pagsisikap na maging banal,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Dahil nauunawaan ito, at nalalaman na si Jesucristo ang Dakilang Tagapagpagaling, ang mga propesyonal sa loob ng Simbahan ay lumikha ng mga resource para sa kalusugan ng isipan upang matulungan ang mga miyembro na makahanap ng mapagkukunan ng pag-asa at tulong. Kinikilala ng mga resource na ito ang nauunawaan natin batay sa kaalaman sa siyensya tungkol sa kalusugan ng isipan gayundin ang espirituwal na pagkaunawa natin tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo.
Nahihirapan ka man o hindi sa iyong emosyon sa kasalukuyan, ang mga resource na ito ay sulit saliksikin. Malamang, may isang tao na nahihirapan paminsan-minsan ang maaari mong maimpluwensyahan. Sa pag-unawa sa sitwasyon at kung anong tulong ang makukuha, mas magiging handa kang maging sagot sa kanilang mga panalangin. At mapapalakas ka rin sa paggawa nito.
Tulong sa Buhay
Sa Gospel Library, maraming resource ang Simbahan para sa mga nahihirapan, gayundin para sa kanilang mga mahal sa buhay at lider.
-
Sa Gospel Library app, hanapin ang isang tile na may label na “Tulong sa Buhay.” I-tap iyan para makita ang iba’t ibang paksa, kabilang ang “Kalusugan ng Isipan.”
-
Sa ChurchofJesusChrist.org, tingnan sa ilalim ng Libraries,” “Tulong sa Buhay,” at “Kalusugan ng Pag-iisip,” at “Mental and Emotional Health.”
“Maraming bagay ang sanhi ng mga problema sa kalusugan ng isipan—genetics, kapaligiran, malubhang aksidente, sitwasyon sa buhay, at, kung minsan, ang mga pagpili o desisyon sa buhay, “sabi sa isang bahagi. “Anuman ang mga sanhi, makakahugot tayo ng lakas mula sa Tagapagligtas.”
Sa ilang wika, makikita mo ang mga link sa crisis helpline sa iba’t ibang panig ng mundo. Maraming mga bansa ngayon ang nag-aalok ng libre, kumpidensyal na mga serbisyo sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono o text messaging. Maaaring hikayatin ng mga ward at branch leader ang mga miyembro na idagdag ang mga numerong ito sa kanilang listahan ng mga contact na handang gamitin kung sakaling madama nilang nasa krisis sila.
Bukod pa riyan, ang bahaging ito ng Tulong sa Buhay ay nagbabahagi ng mga kuwento sa totoong buhay ng mga taong nakatagpo ng kapayapaan sa kabila ng hamon sa damdamin at kaisipan.
“Ang isa sa mga pinakamahirap na bagay tungkol sa sakit sa pag-iisip ay ang pakiramdam na nakahiwalay ka at nag iisa,” sabi ni Eldon, na nasuri na may bipolar disorder.
Ang pagkonsulta sa mga therapist at pag-inom ng gamot, pagtanggap ng pagmamahal mula sa mga kaibigan, pag-aakma ng mga inaasahan, at pagiging handa na tumanggap ng tulong ng Panginoon ay pawang mga tool na ginagawa ni Eldon bilang bahagi ng kanyang paglalakbay tungo sa paggaling. “Mas marami kang magagawa kaysa sa magagawa mo nang mag-isa kung aasa ka sa Tagapagligtas,” sabi niya.
Self-Reliance Services
Naanyayahan ka na bang makibahagi sa isa sa mga self-reliance class na iniaalok ng Simbahan? Ang mga epektibong group discussion na ito ay tumatalakay sa mga paksang tulad ng personal na pananalapi, pagsisimula at pagpapalago ng negosyo, at pagkakaroon ng edukasyon para sa mas magandang trabaho. May klase rin tungkol sa katatagan ng damdamin.
Makikita mo ang workbook sa Gospel Library sa ilalim ng “Mga Aklat at mga Lesson,” “Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance,” at pagkatapos “Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin.” Mayroon itong mga kabanata tungkol sa pagdaig sa nadaramang galit, pag-unawa sa depresyon, pagkakaroon ng mabubuting paraan ng pag-iisip, at marami pang iba.
Halimbawa, sa kabanata 4, “Pagtugon sa Stress at Pagkabalisa,” makikita mo ang isang video tungkol sa kung paano natutong labanan ng isang sister na nagngangalang Olivia ang pagiging perpekto sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon. “Ang biyaya ng Diyos ay ang Kanyang kakayahan na punan ang lahat ng hindi ko makakaya— ang Kanyang kahandaan na mahalin ako sa kabila ng aking mga kakulangan at kahinaan,” sabi ni Olivia. “At ’yun lang ang pinanghahawakan ko.”
Maaari mong itanong sa iyong mga ward o branch leader kung kailan susunod na idaraos ang kursong ito sa inyong lugar, o bisitahin ang ChurchofJesusChrist.org/self-reliance para malaman ang iba pa.
Tulong mula sa Iba pang mga Miyembro ng Simbahan
Marahil ang pinakamagandang resource ng Simbahan ay tayo! Makatitiyak tayo na hinihikayat natin ang isa’t isa sa halip na kinukutya. Ang isang paraan upang magsimula ay sa pamamagitan ng pagsusuri ng ating sariling mga palagay at marahil maling pagkaunawa tungkol sa sakit sa pag-iisip.
“Ang mga isyu sa kalusugan ng pag-iisip ay madalas na nakikita bilang isang personal na kahinaan o isang kahihiyan sa pamilya, na nagpapahina ng loob ng mga indibiduwal para humingi ng tulong,” sabi ni Yoonseok Kil, isang Family Services therapist sa Korea. “Nangangamba ang mga tao na makaranas ng diskriminasyon sa lipunan kung matutuklasan na sila ay may problema sa kalusugan ng pag-iisip.”
Pinakikitunguhan ba natin ang iba nang may habag, natatantong hindi natin nauunawaan nang eksakto ang pinagdaraanan nila? Tumutulong ba tayo nang may pagmamahal, matiyagang sinasabayan sila sa paglalakad kahit na ang daan ay mabato at walang katiyakan? Hinahanap ba natin ang pinakamainam na katangian ng iba sa halip na magtuon sa kanilang mga kahinaan?
Ang Simbahan ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon na maipamuhay ang mga katangiang ito na tulad ng kay Cristo. Sa pagganap sa ating mga tungkuling maglingkod at sa ministering, bawat isa sa atin ay may pagkakataong tumanggap at magbigay ng tulong sa buong buhay natin. Tinitiyak ng istraktura ng mga ward at branch na hindi tayo nag-iisa sa ating mga hamon.
“Ang mga lokal na lider ay laging nariyan upang magbigay ng suporta at paghihikayat sa atin kapag humingi tayo ng tulong sa kanila,” sabi ni Linda Opuene, isang Family Services therapist sa Nigeria. “Maaari silang magbigay ng espirituwal na patnubay, mapanalanging suporta, at magbigay ng mga ideya o resource na partikular sa ating espirituwal na paglalakbay.”
Maaaring matulungan ng mga bishop ang mga miyembro na makipag-ugnayan sa mga nagbibigay ng counsel sa pamamagitan ng Family Services sa ilang lugar o irekomenda ang mga tao sa mga lokal na counselor na may mga pamamaraang naaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.
Nais ni Sister Opuene na palakasin ang loob ng mga taong may problema sa kalusugan ng pag-iisip, kahit na pakiramdam nila ay ginagawa na nila ang lahat para manatiling malapit sa Panginoon. “Manatiling matatag sa iyong pananampalataya kay Cristo at huwag kailanman pagdudahan ang Kanyang pagmamahal sa iyo,” sabi niya. “Ang sakit mo sa pag-iisip ay hindi nangangahulugang hindi ka mahal ng Tagapagligtas. Nasasaisip Niya ang mga hamon mo.”
Patuloy ang Talakayan
Ito ang una sa tatlong artikulo ngayong taon para sa mga resource tungkol sa kalusugan ng pag-iisip. Ang isyu ng Hunyo 2025 ay magbabahagi ng ilang personal na resource na maaari nating gamitin upang makatulong sa kalusugan ng pag-iisip, at tatalakayin sa isyu ng Agosto 2025 kung paano makatutulong ang mga relasyong sumusuporta. Kung sa palagay mo ay maaaring kailanganin ang therapy, isiping basahin ang “Paghahanap ng Isang Mental Health Professional na Tama para sa Iyo” (digital lamang na artikulo), Liahona, Ene. 2019, sa Gospel Library.