2025
Ang Pangunahing Tauhan sa Kasaysayan ng Simbahan
Abril 2025


“Ang Pangunahing Tauhan sa Kasaysayan ng Simbahan,” Liahona, Abr. 2025.

Ang Pangunahing Tauhan sa Kasaysayan ng Simbahan

Ang kasaysayan ng Simbahan ay hindi lamang mga pangalan at petsa. Kung hahanapin natin ang kamay o impluwensya ng Panginoon, inihahayag ng kasaysayan ng Simbahan ang makabagong ministeryo ng buhay na Cristo.

isang larawan ni Cristo na nakasuot ng puting kasuotan

Christ’s Image [Larawan ni Cristo], ni Heinrich Hofmann

Ano ang naiisip mo kapag iniisip mo ang kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Marahil ay naaalala mo ang isang nagbibigay-inspirasyong kuwento tungkol sa isang taong nabuhay matagal na panahon na ang nakalipas. O posibleng naiisip mo ang ilang mga pangalan at petsa at lugar. Maaaring ang iba ay magtuon sa mga karanasan ng kanilang sariling mga ninuno. Para sa ilan, ang kasaysayan ng Simbahan ay tila nakalilito o mahirap pa nga.

Kapag iniisip mo ang kasaysayan ng Simbahan, gaano kadalas mong iniisip si Jesucristo?

Ang ating buhay na Manunubos ang sentro ng patuloy na Pagpapanumbalik, pero kung minsan ay hindi natin Siya napapansin. Kapag may mga mata tayong nakakakita sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain, makikita natin Siya sa sentro ng kasaysayan ng Simbahan at malalaman ang Kanyang pakikitungo sa mga anak ng Diyos.

mga puno sa Sagradong Kakahuyan

Ginabayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga pangyayari sa Pagpapanumbalik, kabilang na ang Unang Pangitain noong 1820.

The Sacred Grove [Ang Sagradong Kakahuyan], ni Greg Olsen

Ang Kasaysayan ng Simbahan ay Kanyang Kasaysayan

Trabaho ko ang magsulat at magtipon ng mga talaan at kuwento ng kasaysayan ng Simbahan araw-araw, pero isang karanasan ilang taon na ang nakararaan ang nakatulong sa akin na makita ang ating kasaysayan sa ibang pananaw. Nang basahin ni Pangulong Russell M. Nelson ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo” sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020, nakinig ako na parang estudyante sa isang silid-aralan sa kasaysayan. Narinig kong tinukoy niya ang isang serye ng mga pangyayari: ang Unang Pangitain noong 1820, ang pagdalaw ng mga sugo ng langit, ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at ang pag-oorganisa ng Simbahan noong 1830.

Makalipas ang ilang buwan, bilang bahagi ng araw-araw kong pag-aaral ng ebanghelyo, umupo ako para basahin ang nakalimbag na kopya ng proklamasyon. Sa isip ko, inaasahan kong magrerebyu ako ng timeline ng kasaysayan, kaya nagulat ako sa nakita ko. Sa isang iglap napuno ng kabatiran, na parang kidlat, ang aking isipan at nagbigay-linaw sa isang bagay na ganap na bago sa akin. Nagulat ako kaya nagsimula akong magsulat sa papel, namamanghang sinasalungguhitan at binibilugan ang mga salita.

Ang talagang tumatak sa isipan ko nang araw na iyon ay na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang paksa ng halos lahat ng pangungusap at ang mga pangunahing tauhan sa bawat pangyayari:

  • Noong 1820, “Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith.”

  • Ang mga sugo ng Langit ay hindi kusang dumating kundi “sa ilalim ng direksyon ng Ama at ng Anak.”

  • Pinagpala ng Panginoon si Joseph Smith ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos” na magsalin ng isang sinaunang tala ng Kanyang sariling “personal na ministeryo” sa Amerika.

  • Pinahintulutan ng Panginoon si Joseph Smith na iorganisa ang Kanyang Simbahan.

  • “Muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood.”

  • “Ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak.”

Habang nagninilay ako, nakita ko ang Tagapagligtas sa sentro ng iba pang mga pangyayari sa Pagpapanumbalik. Pinatawad ni Jesucristo ang mga kasalanan ni Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:5). Ang tinig ng Tagapagligtas ay naririnig sa mga paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan. Libu-libong tao na nabuhay noong 1800s ang nagkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kanya, nakipagtipan sa Kanya, at sumunod sa Kanya, kabilang na ang pag-alis sa kanilang mga bansa, paglalakbay sa karagatan at kapatagan, at pagtitipon papuntang Sion.

Milyun-milyon pa sa buong mundo ngayon ang patuloy na lumalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbabalik-loob, paggawa ng tipan, at pagsunod sa Kanila sa gitna ng paghihirap.

Ang makita ang Panginoon bilang pokus ng mga pangyayaring ito ay makatutulong kapag may mga tanong tayo tungkol sa mga bagay na sinabi o ginawa ng mga tao noon. Halimbawa, sa Mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan, kung minsan ay nakikita natin na hindi alam ng mga disipulo ang lahat, nabigo silang palayasin ang masasamang espiritu, at ikinaila pa nila ang kanilang pananampalataya (tingnan, halimbawa, sa Mateo 17:16, 19–20; Marcos 9:10). Pero ang ilang mga makabagong mambabasa ay maaaring hindi gaanong nababagabag sa mga pagkukulang na ito ng tao dahil nakikita natin na si Jesus ng Nazaret ang pangunahing tauhan sa sentro ng salaysay at itinatama Niya ang mga bagay-bagay.

Sa kabilang banda, kung minsan kapag pinag-uusapan natin ang kasaysayan ng Simbahan sa makabagong panahon, inaalis natin si Jesucristo sa sentro ng kuwento sa pamamagitan ng pagsisimula sa mga pangalan at petsa at lugar. Pagkatapos, kapag may mga tanong, pakiramdam ng ilan ay kailangang may isang taong sasagot nito para itama ang mga bagay-bagay. Kapag nangyari ito, kailangan nating tandaan na ang Panginoon din ang pangunahing tauhan sa kasaysayan ng Simbahan sa makabagong panahon. OK lang na si Joseph Smith o Brigham Young—o sinuman sa atin—ay may kapintasan at hindi alam ang lahat, dahil hindi iyan ang tungkulin natin. Tayo ang mga disipulo at mag-aaral, at ang Panginoon ang pangunahing tauhan.

Si Jesucristo ay naglilingkod sa mga anak ng Diyos sa loob ng libu-libong taon, kabilang na ang nakaraang 200 taon. Siya ang sentro ng kuwento. Ang kasaysayan ng Simbahan ay kasaysayan Niya.

Dinalaw ni Jesucristo sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple

Nakikita natin ang mga pakikitungo ng Diyos sa mga banal na kasulatan at sa kasaysayan ng Simbahan sa makabagong panahong ito, tulad noong nagpakita ang Tagapagligtas sa Kirtland Temple.

The Lord Appears in the Kirtland Temple [Nagpakita ang Panginoon sa Kirtland Temple], ni Del Parson

Alamin ang mga Pakikitungo ng Diyos

Sa mga pambungad na tagpo ng Aklat ni Mormon, nagbigay ng maikling komento si Nephi kung bakit nabigo ang kanyang mga kapatid. Bago pa man itali nina Laman at Lemuel si Nephi o hinangad na patayin ang kanilang ama, bumulong-bulong na sila. Ipinaliwanag ni Nephi, “At sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila” (1 Nephi 2:12).

Pagkaraan ng apat na raang taon, ang mga inapo nina Laman at Lemuel ay naging “mababangis, at mga taong uhaw sa dugo,” na maiuugnay, sa isang banda, sa katotohanang sina Laman at Lemuel ay “napoot [kay Nephi] sapagkat hindi nila naunawaan ang mga pakikitungo ng Panginoon” (Mosias 10:12, 14). Ang hindi pag-unawa sa mga pakikitungo ng Diyos ay nagdudulot ng napakalaking epekto!

Upang maunawaan ang Kanyang mga pakikitungo, kailangan nating malaman kung sino Siya, kung ano ang inaasahan Niya sa atin, at kung paano Niya tinatrato ang Kanyang mga anak. Ang kasaysayan ng makabagong ministeryo ng Tagapagligtas ay nagtuturo sa atin ng mga bagay na ito. Itinuro ni Joseph Smith na bawat isa sa atin ay kailangang maunawaan “ang mga plano at layunin ng Diyos sa pagparito natin sa mundo.” Kapag naunawaan natin ang mga pakikitungo ng Diyos, nakikilala natin Siya, at ang pagkilala sa Kanya ay humahantong sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 17:3). Tunay ngang “ang kaligtasan ng Sion” ay bahagyang dumarating kapag tayo ay “[n]agtamo ng kaalaman sa kasaysayan” (Doktrina at mga Tipan 93:53).

Ang tala ng mga pakikitungo ng Diyos ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa makabagong kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan. Makikita natin doon ang mga pagkakataon sa kasaysayan na direktang nakipag-ugnayan ang Diyos sa sangkatauhan, tulad ng pagsagot ng Ama at ng Anak sa panalangin ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–20) at nang magpakita ang Tagapagligtas sa Kirtland Temple (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–10).

Iniimpluwensiyahan din ng Diyos ang ating buhay sa hindi gaanong kapansin-pansing paraan. Inilarawan Niya ang Kanyang di-tuwirang pakikitungo sa mga tao sa pamamagitan ng metapora ng paggawa ng Kanyang gawain “[nang] walang mga kamay” (tingnan sa Daniel 2:34–35; Doktrina at mga Tipan 65:2; 109:72). Ang di-tuwirang pag-impluwensyang ito ay maaaring mangyari sa maraming paraan. Nauunawaan ang kontekstong ito, makikita natin ang pakikitungo ng Diyos sa “napakaliit na pamamaraan” (Alma 37:7), tulad ng pagtanggap ng sakramento upang alalahanin ang Panginoon at panibaguhin ang ating mga tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

Tinutulungan din tayo ng Diyos sa pamamagitan ng magiliw na awa na nagliligtas at nag-iingat sa atin sa “personal at indibiduwal na mga pagpapala.” Ang isang halimbawa mula sa kasaysayan ng Simbahan ay nang ang mga nakibahagi sa Kampo ng Israel (Kampo ng Sion) ay nakasaksi ng pagpapagaling sa mga maysakit, naprotektahan mula sa mga elemento, at nakaranas ng magiliw na awa ng mga indibiduwal na nagboluntaryo, nag-ambag ng pera, at nagbigay ng pagkain at tubig.

mga kamay na binubuo ng mga imahe na kakulay ng balat

Ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagmamahalan at naglilingkod sa isa’t isa, na gumaganap bilang mga kamay ng Panginoon upang gampanan ang Kanyang makabagong ministeryo.

To Do His Work [Upang Gawin ang Kanyang Gawain], ni Kamette Harmer, hindi maaaring kopyahin

Ang Makabagong Ministeryo ng Buhay na Cristo

Ang kasaysayan ng Simbahan sa makabagong panahon ay nagbibigay ng kaalaman sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak sa nakalipas na 200 taon. Ang makita na nakikitungo sa kabanalan ang Diyos sa atin ay nakapagpapabawas ng mga alalahanin, nakatutulong sa atin na magsisi, nagpapatibay ng pagkakaisa, at naghahanda sa atin sa patuloy na pagtanggap ng personal na paghahayag.

Sa halip na ituring ang kasaysayan ng Simbahan bilang isang serye ng mga pangalan at petsa, maaari nating tingnan ang nakaraang 200 taon para saksihan ang makabagong ministeryo ng buhay na Cristo at makakuha ng mga kaalaman mula sa kung paano Niya ipinakita ang pagmamahal sa mga anak ng Diyos, kabilang na ang mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga makabagong gawain ng Diyos ay tunay na makahihikayat sa atin na magsisi at magalak kay Jesucristo (tingnan sa Alma 37:9). Sa pagturing sa Pagpapanumbalik bilang sagradong kasaysayan na ibinabahagi ng mga Banal sa buong mundo, ipinagdiriwang natin ang kabutihan ng Diyos, nagpapadama tayo ng empatiya sa mga karanasan ng iba, at pinagtitibay natin ang ating pagkakaisa (tingnan sa Mosias 25:7–9).

Ang pagsisisi, kagalakan, at pagkakaisa ay kabilang sa maraming dahilan kaya iniutos ng Tagapagligtas na panatilihin ang ating kasaysayan sa mga huling araw “para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa mga susunod na salinlahi na lalago sa lupain ng Sion” (Doktrina at mga Tipan 69:8). Ang ating makabagong kasaysayan ay maaaring maghayag kay Jesucristo bilang pangunahing tauhan at maaaring magturo sa atin ng mga paraan ng Diyos at makatulong sa atin na mapalapit sa Kanya.