“Na-Release Pero Makapaglilingkod pa Rin: Makabuluhang Paglilingkod sa Anumang Edad,” Liahona, Abr. 2025.
Mabuhay nang Mas Mahaba at Mas Mabuti
Na-Release Pero Makapaglilingkod pa Rin: Makabuluhang Paglilingkod sa Anumang Edad
Ang taos-pusong paglilingkod, paghihikayat, at pagpapasigla sa iba ay hindi nangangailangan ng pormal na tungkulin sa Simbahan. Lahat tayo ay tinawag sa ganitong uri ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo.
Maraming alam si Julie Bangerter Beck tungkol sa paglilingkod sa Simbahan. Bukod sa paglilingkod sa mga tungkulin sa stake at ward, siya ay naglingkod nang limang taon bilang counselor sa Young Women General Presidency at kalaunan ay naglingkod nang limang taon bilang Relief Society General President mula 2007 hanggang 2012.
“Mahigit isang milyong milya ang nalakbay ko sa loob ng 10 taon na iyon,” sabi niya. “Nakakapagod, pero pinanibago ako ng Panginoon at binigyan ako ng lakas na kailangan ko kapag kailangan ko ito.”
Matapos ma-release, naglingkod si Sister Beck sa iba’t ibang lupon sa Simbahan na may kaugnayan sa edukasyon nang ilang taon. Ginabayan niya ang Utah Tech University bilang trustee sa panahon ng mahirap na transisyon. Ngayon ay natapos na niya ang mga assignment na iyon at wala siyang pormal na calling sa Simbahan.
Kung minsan ay tinatanong siya ng mga tao kung hindi ba niya hinahanap-hanap ang mga calling at assignment na ito. “Hinahanap-hanap ko ang pagsasamahan,” sabi niya, “at hinahanap-hanap ko ang pagpasok sa mga tahanan ng mga tao at pagmasdan sila na nag-uusap-usap bilang pamilya.” Pero gustung-gustong alalahanin ni Sister Beck ang mga sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Hindi tayo ‘bumababa sa puwesto’ kapag ini-release tayo, at hindi tayo ‘umaakyat sa puwesto’ kapag tinawag tayo. … Mayroon lamang ‘pasulong o paurong,’ at iyan ay depende sa kung paano natin tanggapin at tugunan ang pag-release at pagtawag sa atin.”
Tumalon sa Bakod
Ngayong wala na siyang mga pormal na assignment sa Simbahan o sa lipunan, sinabi ni Sister Beck na mas marami na siyang oras para sa mga anak, kaibigan, at tahimik na paglilingkod. “Noon pa man ay mas katulad ko si Ammon kaysa kay Kapitan Moroni,” sabi niya. “Ako ang mag-aalaga ng mga tupa.” (Tingnan sa Alma 17:25.) Dahil sa hindi naka-iskedyul ang oras na hindi niya naranasan sa loob ng maraming taon, nasisiyahan siya sa mga pagkakataong kumain kasama ang mga apo, makipag-usap sa mga kaibigan, mag-ehersisyo sa gym, at tamasahin ang libreng oras na mayroon siya ngayon.
Hinahangaan din ni Sister Beck ang halimbawa ng kanyang amang si William Grant Bangerter. “Sabi ng tatay ko, ayaw niyang palampasin ang anumang maibibigay ng mortalidad,” sabi niya. “Kasama na rito ang pagtanda. Matapos siyang maglingkod bilang General Authority, temple president, sealer, at sa iba pang calling, tinawag siya na maging family history consultant sa kanyang ward.”
Noon ay mahigit 80 na ang edad niya at hindi marunong gumamit ng computer. “Kailangan niyang matuto,” paliwanag ni Sister Beck. “Hiniling niya sa isang deacon sa kanyang ward na tulungan siya. Pagkatapos ay tinuruan nila ang iba pang mga deacon kung paano magsaliksik ng family history. Pagkatapos ay tinuruan ng mga deacon ang iba pang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa ward. Kalaunan, nakapagdala sila ng mahigit 10,000 mga pangalan sa templo.”
Si Sister Beck at ang asawa niyang si Ramon ay nakatuon sa kung ano ang naghihintay sa kanila sa hinaharap, hindi sa kung ano ang nakaraan na. “Hindi namin masyadong pinag-uusapan ang mga nagawa namin. Napakarami pang dapat gawin. Hindi naka-iskedyul ang oras namin ngayon. Kami ang nagpapasiya,” sabi niya. “Kapag sinabi ng isang tao na pinalabas na sila sa pastulan, sinasabi namin, ‘Kailangan mong magpasiya kung mananatili ka sa panginginain o tatalon ka sa bakod.’ Karamihan naman sa mga hadlang ay hindi naman talaga sagabal. Paglilingkod, pagkakaibigan, pamilya, ministering—wala sa mga ito ang may anumang hangganan.”
Mga Tinedyer at mga Tono
Sinabi ni Sister Beck na isa sa pinakamagagandang paraan para manatiling kapaki-pakinabang ay kumonekta sa mga kabataan sa inyong pamilya o ward. Maaaring kabilang dito ang pag-alam sa kanilang paboritong musika, mga interes, o gawi. Maaaring makatulong sa mga kabataan ang pakikipag-ugnayan sa isang tao na nakikinig, nagbabahagi ng mga karanasan, at nagbibigay ng pananaw na pangmatagalan.
May iba’t ibang programa sa komunidad na pinagpapartner ang mga tinedyer at retirado. Ang mga nakatatanda ay maaari ding di-pormal na maglaan ng oras na makasama ang mga kabataan mula sa sarili nilang kamag-anak o sa kanilang ward, at makikinabang ang parehong grupo rito.
“May isang matandang lalaki sa ward namin na pumupunta sa basketball at soccer games ko noong high school,” sabi ni Kimball Carter. “Substitute seminary teacher pa nga siya sa lugar. Gusto siya ng mga bata dahil marami siyang tanong pero hindi siya nagbibigay ng maraming payo. Nakikinig pa siya sa musika namin at kilala niya ang ilan sa mga bagong artist. Hindi siya lider ng kabataan; kapitbahay lang siya. Maliban pa sa aking pamilya, para sa akin siya ang pinakamasugid kong tagahanga.”
Paghahanap ng mga Pagkakataong Maglingkod
Binigyang-diin ng dating mission president na si Steven Fox na anuman ang ating edad o sitwasyon, maraming pagkakataong maglingkod—pormal at di-pormal, malaki at maliit, pang-indibiduwal at pangsibiko. Ang mahalaga ay sundin ang utos ng Panginoon na “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27).
Matapos ma-release bilang mission president, sinabi ni Brother Fox na pakiramdam niya ay parang emosyonal at espirituwal na “naninibago” pa siya. Ang masanay na maraming tungkuling dapat harapin noon na hindi na nangyayari ngayon ay isang malaking pagbabago.
Sabi niya, “Ako na ngayon ang magpapasiya ng mga bagay na dapat kong ilagay sa aking iskedyul sa halip na iayon ito sa mga kailangan kong gawin sa araw-araw noong nasa misyon ako. Hindi na ito tungkol sa tungkulin; sa halip tungkol ito sa pagtingin sa paligid upang makita ang mga oportunidad na makapaglingkod.”
Sinabi ni F. Melvin Hammond, isang emeritus General Authority Seventy, na ang tunay na paglilingkod ay palaging ang paghahanap ng mga pagkakataong maglingkod. Sa edad na 91, siya ay naglilingkod sa templo, nagtuturo minsan sa isang buwan sa elders quorum, at nananatiling updated sa mga local at national sports team para may alam siya sa mga paksang maaari nilang mapag-usapan ng mga nakababatang lalaki sa kanyang ward.
Kilala niya ang lahat ng kanyang mga kapitbahay at madalas niyang bisitahin ang mga ito. Sinisikap niyang tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na nag-uukol ng oras sa mga tao sa iba’t ibang antas sa lipunan. “Gusto kong makipag-usap sa mga tao anuman ang kanilang sitwasyon o katapatan sa ebanghelyo,” sabi ni Elder Hammond. “Ang isang kapitbahay ay dating lulong sa alak, ang isa pa ay matagal nang hindi nagsisimba, at ang isa pa ay may dementia at hiniling ng kanyang asawa na umupo sa tabi nito habang nag-aasikaso siya ng ibang mga gawain. Pareho kaming mahilig sa mga cowboy show, kaya sabay kaming nanonood.”
Matapos maglingkod sa templo isang gabi, huminto si Elder Hammond sa isang fast-food restaurant. Nagsimula siyang makipag-usap sa isang trabahador na naglilinis ng mga mesa. Tinanong ng trabahador si Elder Hammond kung bakit siya nakaamerikana. “Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa templo,” sabi ni Elder Hammond. “Mahigit 30 minuto kaming nag-usap. Hindi ko alam kung malalaman pa niya ang tungkol sa Simbahan, pero alam niyang may isang tao na hindi lang siya nakikita bilang katulong sa kusina.”
Ang asawa ni Elder Hammond na si Bonnie ay pumanaw dalawang taon na ang nakararaan. Bagama’t nangungulila si Elder Hammond sa kanya, nagpasiya siyang gumawa ng mabuti para sa kanyang mga kapitbahay sa anibersaryo ng kamatayan nito. Siya at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ay gumawa ng mga card para sa kanyang mga kapitbahay na pinahahalagahan ang anibersaryo na ito. Sa mga card, isinama niya ang larawan ng isang cherry sa tuktok ng isang masarap na dessert na may mga salitang “Siya ang laging cherry sa ibabaw.” Nagbigay siya ng isang bag ng sariwang cherry kasama ng bawat card. “Gusto kong malaman ng aking mga kapitbahay kung gaano ko siya kamahal at na inaasam ko ang pagsasama namin sa kawalang-hanggan,” sabi ni Elder Hammond.
Ang taos-pusong pag-minister, paglilingkod, paghihikayat, at pagpapasigla sa iba ay hindi nangangailangan ng pormal na tungkulin sa Simbahan. Lahat tayo ay tinawag sa ganitong uri ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo anuman ang ating edad o kalagayan.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.